
ARSENIA, asawa ni Ricardo
UBALDO, Kumpare ni Ricardo
MARTIN, Kapitan ng Barangay
CURING at TOMAS, mga panauhin
nina Ricardo at Arsenia
ANONG, kaibigan ni Ricardo
Rudy at Ferdie, mga alalay ni
Ubaldo
Boyet at Nenita, mga anak nina
Ricardo at Arsenia
3 armadong lalaki, mga bodyguards ni Kapitan Martin
TAGPO
Kasalukuyan. Pasado alas-singko nang hapon. Sa sala ng tahanan ng
mag-asawang Ricardo at Arsenia. May isang mahaba at dalawang maliit na
sofa, at isang maliit na lamesa. Sa ibabaw ng mesa ay may isang flower
vase na may bulaklak na plastik. Sa gawing kaliwa ay may pinto papasok
sa silid, sa gawing kanan naman ay may pinto papalabas ng bahay. Isang
metro mula sa kanang pinto ay may bintana.
(Sa pagbubukas ng tabing, makikita si Arsenia, 32 taong gulang,
nakasuot ng daster. Abala s’ya sa paglilinis ng mesa at
pag-aayos ng mga bulaklak na naroon. May maririnig na katok sa kanang
pinto. Bubuksan ni Arsenia ang pinto, papasok sina Tomas at Curing.)
ARSENIA :
Aling Curing, Mang Tomas, kayo pala. Tuloy kayo.
TOMAS :
Salamat.
CURING :
Nasabi mo na ba kay Kapitan, ha, Senyang?
ARSENIA :
Hindi pa ho. Mangyari’y napakaagang umalis ng bahay
kanina at hanggang ngayon ay hindi pa bumabalik. Kagabi naman ho ay
mukhang pagud na pagod s'ya at halos madaling araw na nang umuwi kaya
hindi ako nagkaroon ng tyempong makausap nang maayos. Sandali lang ho
at ikukuha ko kayo ng maiinom.
CURING :
‘Ku, wag ka nang mag-alala, Senyang.
TOMAS :
S’ya nga, Senyang. Hindi naman kami magtatagal. Gaya
ng nabanggit namin sa iyo...
ARSENIA :
Oho, Mang Tomas. Huwag kayong mag-alala, si
Ricardo’y walang pinahihindian basta kaya niya. Magkano pa
nga ho pala ang kulang ikan’yo?
CURING : Ang
sabi sa ospital, kahit daw tres mil ay mailalabas na namin
ang aming apo.
TOMAS : Ang
mga reseta ng gamot naman ay umabot ng...
ARSENIA : O,
eto na pala s'ya.
CURING
at TOMAS : (Sabay
tatayo) Magandang hapon, Kapitan.
RICARDO :
Magandang hapon din po. Pero hindi pa naman ho
“Kapitan”, Mang Tomas, Aling Curing.
TOMAS :
Pareho na rin yon, Kapitan. Siguradong panalo ka na sa darating
na halalan.
CURING : At
makaaasa ka sa boto naming mag-asawa, pati na ng mga
kamag-anakan namin sa buong Barangay Ipil-ipil, Kapitan.
RICARDO :
Thank you ho. E, ano ho ba ang atin at napasyal kayo?
ARSENIA :
Kagabi’y galing na ang mga yan dito. Ang sabi
ko’y baka matagalan ka nang dating kaya pinabalik ko na lang
ngayon.
RICARDO :
Ah, oho. Medyo nagtagal kami kagabi sa pangangampanya sa
kabilang ibayo dahil yung isang napuntahan namin ay nagkataong may
lamayan. Masagwang itsura kung basta na lang ako magpapaalam agad.
ANONG : Tama
kayo, Bos. Sayang din ang boto nung patay.
RICARDO :
Ah, hindi naman... Nga pala, Mang Tomas, Aling Curing, ito ho
si Rudy. Kasama ko sa pangangampanya. Si Anong naman ay dati
n’yo nang kakilala.
ANONG : (Sasaludo
sa bisita) Dakilang alalay ni
Bos Ric, at your service (ididispley
ang ngiping bungi)
...with a smile.
TOMAS :
Este, Kapitan. Nakakahiya man sa iyo ay... (Mapuputol
ang sinasabi nito nang makitang may ibinubulong si Arsenia sa asawa.
Tatango si Ricardo.)
RICARDO :
Excuse me ho, at may kukunin lang ako sandali sa labas.
CURING :
Aling Senyang, talagang nahihiya kami sa iyo at kay Kapitan,
kaso e wala na kaming ibang p’wedeng lapitan maliban sa inyo.
ARSENIA :
Okey lang ho, Aling Curing. Ang tahanan namin ay palaging
bukas sa mga tulad n’yong nangangailangan.
CURING :
Talagang napakabait n’yo.
ARSENIA :
Eto ho. Pagpasensyahan n’yo na ang aming nakayanan.
Sana’y tuluy-tuloy na ang paggaling ng inyong apo.
CURING :
Naku, maraming salamat, Kapitan.
TOMAS
:
Hindi na kami magtatagal. Asahan mo ang aming boto sa eleksyon,
Kapitan.
RICARDO :
Salamat din po.
ARSENIA : (Sasapuhin
ng kanang palad ang noo. Tatalikuran si
Ricardo at ibubulalas ang kanina pa pinipigil na damdamin.)
Hay, nako... Ano naman kaya ang ilalapit sa atin ng dalawang iyon sa
susunod? Aba’y halos linggu-linggo’y narito sila at
nanghihingi ng tulong. Kung hindi namatayan ng kamag-anak na walang
pampapalibing, kinapos sa pambayad sa matrikula ang pamangkin, may
naospital namang apo na hindi makalabas dahil kulang ang pambayad. (Haharap
sa asawa.) Hindi ka pa man nuuupo sa tungkulin ay hindi na
maubusan ng hinihingi. Paano pa kaya kapag talagang Kapitan ka na ng
ating barangay?
RICARDO : (Sa
halip na sagutin ang tanong ay paiwas na
tutugon.) Huwag mong isipin yon. Ang mahalaga ay nakatulong
tayo sa kapwa natin.
Rudy, pakitawag mo nga yung dalawa sa labas. Anong, baka gusto mong
magkanaw ng kape para may mahigop tayong mainit-init?
ANONG : Yes
Bos. Rights away.
ARSENIA : (Parang
walang narinig at mas interisadong mailabas
ang nilalaman ng dibdib.) Eh mabuti kung sila lang. Mula nang
iproklama mo sa ating mga kabarangay na tatakbo kang Chairman sa taong
ito, aba e hindi na tayo maubus-ubusan ng bisita sa bahay. Buti nga
kung bumibisita lang. Kaso, pagdidikit ay siguradong may kailangan.
Uniporme at bola para sa mga kabataang kasali sa liga ng basketbol.
Donasyon para sa pagpapakabit ng poso. Tropeo at medalya para sa
timpalak-pangkagandahan ng mga bakla. Pamasahe para sa anak na
papag-aaralin sa Maynila.
RICARDO
:
Senyang, pagdidiskusyunan na naman ba natin iyan? Di ba bago
ko pinasok ang pulitika ay matagal muna nating pinag-usapan ang bagay
na ito?
ARSENIA : (Parang
wala pa ring naririnig.) Isipin
mo, bigla na lang dumami ang mga gustong kumuha sa iyong ninong sa
kasal, binyag at kumpil. Kahit mga taong hindi natin dating kakilala sa
mahigit na tatlumpung taon mula nang ako’y maging tao dito sa
Ipil-ipil, ay nag-uunahan para kumparihin ka. Aba, mamumulubi tayo nang
husto bago ka manalo. (May
halong panunuya ang tono ng
pagsasalita.) Yun eh, kung mananalo ka nga.
RICARDO :
Hindi mangyayari yan. Alam mong kaya ako napasubo sa
kandidatura ay sa kahihimok na rin ni Kumpareng Baldo...
ARSENIA : (Sasaluhin
ang sinasabi ng asawa.) ...Na
nangakong wala raw tayong gagastusing kahit isang kusing dahil sagot
niya lahat ang gastos.
RICARDO :
Gano’n nga. Basta raw s'ya ang gagawin kong
campaign manager,
at pagdating sa pera ay wala tayong iintindihin.
ARSENIA : (Habang
ikinukumpas ang kanang kamay at nakatuon sa
mukha ni Ricardo ang hintuturo. Madiin ang bawat salita.)
Iyan, iyan pa ang isang nagpapakaba sa dibdib ko. Ang kondisyon na yan.
Noong una’y sang-ayon ako dahil magandang pakinggan. Pero
nitong papalapit nang papalapit ang eleksyon ay kung anu-anong
masasamang bagay ang naiisip ko tungkol sa iba pang kundisyones na
maaari niyang igiit kapag lalo na kapag napaupo ka na sa puwesto. May
kutob akong ginagamit ka lamang ni Kumpare para sa kanyang sariling
personal na interes, at salapi ang kanyang pinakikilos para makuha ang
kanyang talagang gusto.
RICARDO :
Senyang, aminado naman si Pareng Baldo na matagal na niyang
gustong maalis sa puwesto si Kapitan Martin. Iyon talaga ang kanyang
motibo kaya pinagkakagastusan niya at pinagbubuhusan ng panahon ang
aking kandidatura. (Magsisimulang
mag-alab ang damdamin.)
Sawang-sawa na ang mga tao sa mga pang-aabusong nagaganap dito sa ating
barangay sa ilalim ng pamamalakad ni Kapitan Martin. Hirap na nga sa
kabuhayan ang mga tagarito ay nakuha pa rin niyang makapagpatayo ng
sabungan sa may kanto, at hindi iilang kalalakihan dito at sa mga
kalapit-baryo ang nahuhumaling sa bisyong ito. At saka napansin mo bang
nitong mga huling araw ay balik na naman ang huweteng sa ating lugar,
gayon na rin ang sakla at iba pang sugal na mahigpit na ipinagbawal ng
ating bagong luklok na gobernador?
ARSENIA :
Hindi lang yan. Palala nang palala ang drug addiction dito sa
ating lugar. At ang balita, pag may nahuhuling pusher o user ang
pulisya ay si Kapitan Martin pa raw ang lumalakad sa munisipyo para
aregluhin ang kaso. Ibig ko na tuloy maniwalang mga tauhan din ni
Kapitan ang supplier ng shabu gaya nang madalas napag-uusapan diyan sa
tindahan ni Aling Epang.
RICARDO :
Nakita mo na. Ikaw man ay hindi natutuwa sa kasalukuyang
sitwasyon. Sabi nga ni Pareng Baldo, kailangang maalis sa
p’westo si Kapitan Martin, at ang eleksyon ang
pinakademokratikong paraan para isakatuparan ito, dahil mga taong bayan
mismo ang magpapasya para patalsikin s'ya at paupuin naman sa
p’westo ang higit na karapat-dapat na mamuno sa barangay.
ARSENIA :
Yun eh, kung may lakas ng loob ang mga tagarito na patalsikin
nga s’ya sa pamamagitan ng balota. Alam mo namang maraming
takot kay Kapitan at sa kanyang mga galamay.
RICARDO :
Tama ka. Chairman pa lang s’ya ng barangay, pero
daig pa ang kongresista dahil hindi mo makikitang lumalabas sa kalsada
nang di napaliligiran ng mga armadong bodyguard.
ARSENIA :
Pero Ric, talagang kabado ako sa mga kundisyones na
maaaring...
UBALDO : (Aalisin
ang suot na sumbrero. Magiliw ang ngiti.)
Mare, magandang hapon sa inyo.
ARSENIA :
Magandang hapon ho, Pare. Upo kayo at makapagkape muna.
Asa’n na ba si Anong? Teka’t titingnan ko, baka
sunog na ang pinapainit na tubig... (Akmang aalis patungo sa
kaliwang pinto. Pipigilin s'ya ni Ricardo.)
RICARDO :
Senyang, mas mabuti pa siguro’y lumabas ka muna at
bumili ka kina Aling Epang ng tinapay para may mamiryenda sina Pare.
ARSENIA :
Mabuti pa nga. O s’ya, iwan ko muna kayo
r’yan.
UBALDO : O
ano, Pareng Carding, paano ba? Nakapagdesisyon ka na ba?
RICARDO :
Bigyan mo pa ‘ko ng kaunting panahon para mag-isip,
Pareng Baldo.
UBALDO :
Wala nang panahon para mag-isip nang matagal, Pare. Alalahanin
mong tatlong araw na lang ay halalan na. Kelangang kumilos tayo
hangga’t maaga.
RICARDO :
Nahihirapan akong magdesisyon tungkol sa gusto mong mangyari.
Wala ‘to sa usapan natin nu’ng una.
UBALDO :
Pare, gamitin mo ang utak mo. Kahit kelan ay di pa nagkaroon
ng malinis na halalan sa ating bansa. Nung sumali ka sa pulitika, hindi
ka sumali para matalo. Kaya kelangang siguruhin mo ang iyong
pagkapanalo, at humanda kang marumihan hindi lamang ang kamay mo, kundi
pati ang buo mong pagkatao. Ganyan din ang iniisip at ginagawa ng
kalaban mo. Kung babagal-bagal ka at magpapatumpik-tumpik sa iyong
pasya, sinasayang mo lamang ang panahon nating dalawa... at ang pera ko!
RICARDO :
Pero Pare... Ang inaalala ko’y...
UBALDO :
Kung inaalala mo’y baka pumaltos ang aking plano,
makinig kang mabuti, Pare. Matagal kong pinag-isipan hanggang sa
kaliit-liitang detalye ang bagay na ito. Just let me take care of
everything, P’re.
RICARDO :
Hindi yon, e.
UBALDO : E,
ano? Ayaw mong masabing mandaraya, ganon ba? (Tatapikin
sa kaliwang balikat si Ricardo.) Pareng Carding, wala kang
gaanong pagpipilian sa pulitika. Pag nanalo ka, pagbibintangan kang
nandaya. Matalo ka naman, pagtatawanan ka at hahamakin lalo na ng mga
kontra sa paglahok mo sa pulitika. Ano’ng gusto mo: Masabing
nandaya ka, pero panalo naman? O talo ka na nga, pinagtatawanan pa?
FERDIE :
Tama si Bos Baldo, Ric. Wag mo na lang pansinin ang sasabihin
ng tao.
UBALDO :
Ipagpalagay nang manalo ka dahil sa pandaraya, at
ito’y maging usap-usapan ng lahat. Ang importante
roo’y nanalo ka at hindi ang usap-usapan ng mga tao.
RICARDO :
Para sa akin, importante rin ang kanilang sasabihin tungkol
sa ’kin.
UBALDO : (Malumanay
pero nakahihikayat ang pagsasalita.)
Pare, ang utak ng tao’y mahirap ispilengin. Ang kanilang
memorya’y napakaigsi. Pasasaan ba’t malilimutan din
nila ang lahat? Sige nga, ikaw na ang magsabi. Gaano kalaki ang
pagkasuklam ng mga taong-bayan sa mga miyembro ng pamilyang nagpasasa
sa ilalim ng pamahalaang diktatura matapos na sila’y
mapatalsik sa puwesto?
RICARDO :
Marami ang nagsasabi na napakalaking krimen ang kanilang
nagawa laban sa bayan kaya dapat lamang na sila ay papanagutin sa
ilalim na batas.
UBALDO :
Exactly. Pero ano ang nangyari? Nasaan ngayon ang dating Unang
Ginang na sobra ang galit ng mga tao noon?
RUDY : (May
halong pang-uuyam ang tinig.)
Nando’n sa Kongreso. Sa halip na managot sa ilalim ng batas,
inihalal pa s’ya ng tao para gumawa ng batas.
UBALDO :
Kita mong kalokohan yan, Pare? Hindi ko alam kung mapurol ang
utak nating mga botanteng Pilipino... pero isang bagay ang sigurado
ako. Napakaigsi ng memorya ng marami sa atin.
RUDY : Tama
si Bos Baldo, Ric.
UBALDO :
Basta gawin mo ang gusto mong gawin. Tutal, pag nakuha mo na
ang gusto mo, kahit anong sakit ng mga salita pa ang bitiwan ng mga may
galit sa iyo, maniwala ka sa akin, Pare...siguradong sa iyo pa rin sila
lalapit at maninikluhod sa oras na sila’y magipit. Itanong mo
pa kay Ferdie. D’yan na pumuti ang buhok n’yan sa
pulitika.
Ferdie : Nakow, para ko nang nakini-kinita. (Bigay-todo ang
arte sa pagsasadula ng iba’t ibang karakter na pinatatamaan.)
‘Kapitan Carding, hu-hu-hu! Ang anak ko po’y
nasaksak. Kailangan ang dyip para madala sa ospital. (Sisinghot
at hihikbi) Kapitan Carding, nasunugan po
kami ng bahay. Kelangan po namin ng temporaring matitigilan. (Natataranta
at hindi mankadatuto sa sasabihin.) Kapitan,
tulungan
n’yo po ang misis kong manganganak na; Kapitan, ang aming
kalabaw po ay ninakaw; Kapitan, etsetera, etsetera.’
UBALDO :
Tandaan mo ‘to, Pare: Sa pulitika, walang
permanenteng kaybigan at wala ring permanenteng kaaway. Meron lamang
permanenteng nangangailangan.
RICARDO :
Pero Pareng Baldo, ang plano mo’y...
UBALDO :
Simple at wala kang sabit. Ituloy mo lang ang pagngiti-ngiti,
pakaway-kaway, pakikipagkamayan at pakikihalubilo sa mga tao.
Magtatrabaho kami sa likod mo. Nakasobre na ang ibibigay natin sa mga
gurong itatalaga ng Comelec sa mga presinto. Lahat ng watcher na
itotoka ko sa presinto ay panay may baril. Nakatago sa katawan nila,
syempre. Pero huwag kang mag-alala, kahit magkabukuhan ay suportado
tayo ni Meyor sa parteng ito kaya walang kaso. Simula bukas hanggang sa
araw ng eleksyon ay ipagagapang ko na ang mga botante ni Kapitan Martin
na alam kong sa kaunting himas at tumpak na presyo ay maaari pa ring
makumbinsing bumaligtad sa oras mismo ng pagboto. At magpapakalat ako
ng mga armadong tauhan sa paligid ng mga presinto para kung sakaling
magkagulo o magkanakawan ng kahon ng balota ay nakasisiguro tayong
hindi ka madedehado.
FERDIE :
Tingin ko’y tama talaga si Bos Baldo, Kapitan.
Saglit lang kayong mababansagang Bad Boy of Ipil-ipil. Gagamit lang
kayo ng mga dirty tricks para mapabagsak ang kalaban. Oras na
makapuwesto na kayo at kayo na ang hari, aba, e pwede na uli ninyong
isuot ang inyong good boy image sa barangay. Makikita ninyo, bayani ang
inyong dating sa mamamayan pag nagkataon.
UBALDO : (Ikukumpas
ang kanang kamay at tatango ng
pagsang-ayon.) Nadale mo, Ferdie. Bull’s eye!
RICARDO
: (May
alinlangan pa rin.) Sigurado
ba talagang mananalo ako sa plano mo?
UBALDO :
Walang paltos. Yari na rin ang mga balotang may nakasulat na
boto para sa iyo. Iyon e, kung mahalata nating medyo tagilid ang laban.
Hindi naman katakataka kapag nagkakaroon ng brown out sa panahon ng
eleksyon, di ba?
RICARDO : At
kapag ako na ang Chairman ng Barangay?
UBALDO :
Good question, Pare. As newly-elected Barangay Chairman,
manungkulan ka nang buong husay sa abot ng iyong makakaya. Gamitin mo
ang kapangyarihan ng iyong puwesto para matulungan ang ating mga
kabarangay. (Magbabago
ang tono ng salita, pahiwatig na
napakaimportante ng susunod na sasabihin.) Pero Pareng
Carding, alalahanin mong hindi ako pulitikong tao. Lalong hindi ako
bayani o martir na handang magsakripisyo alang-alang sa bayan.
Negosyante ako.
RICARDO :
Diretsuhin mo na sa punto, Pare. Ano ba talaga ang gusto mong
mangyari?
UBALDO :
Simple lang, Pare. Kailangang magpasa ka at ang Sangguniang
Barangay ng ilang mga batas na makabubuti sa mamamayan. Una, ang mga
fish pen sa lawa ay kailangang ipagbawal dahil naaapektuhan nito ang
kita ng mga maliliit na mangingisdang taga-baybay dagat na dito lamang
umaasa ng ikabubuhay. Ipatupad ang batas na ito, ipademolis ang lahat
ng ilegal na palaisdaan sa lawa na sakop ng ating hurisdiksyon.
Karamihan sa mga iyan ay pag-aari ng mga maimpluwensyang tao na panay
kadikit ni Kapitan Martin.
RICARDO :
Basta makakatulong sa mga mahihirap, gagawin ko. Ano pa?
UBALDO :
Pangalawa: Ipagbawal ang lahat ng uri ng sugalan, ipasara ang
sabungan, dakpin at ipakulong ang operator ng huweteng at iba pang ayaw
sumunod sa ipinag-uutos ng batas. Pangatlo, ipa-raid ang lahat ng bahay
aliwan sa ating barangay at ipadakip ang mga dope pushers na
bumibiktima sa ating mga kabataan. Ipakulong at parusahan ang mga
mahuhuli na tatangging magbago at umiwas na sa mga ilegal na gawaing
ito. Malakas ako sa hepe ng pulisiya sa bayan, kaya wala kang
poproblemahin sa pagpapatupad nito.
RICARDO :
Lahat ng yan ay maganda at dapat lang. Kahit di mo hilingin
ay handa kong gawin ang aking makakaya para matupad ito. Pero liwanagin
mo nga ang sinasabi mong negosyo. Ano’ng kinalaman nito sa
pagiging Kapitan ko ng barangay, kung saka-sakali?
UBALDO :
Oras na gawin mo ang mga nabanggit ko ay marami ang matutuwa
sa iyo at tatanghalin kang isang tunay na lider, isang tapat na lingkod
at magiting na bayani. T’yak na marami rin ang magagalit sa
iyo. Ito yung mga masasagasaan ng iyong mga kautusan at matatapakan ang
paa bunga ng mga pagbabagong isasakatuparan mo para sa ikagagaling ng
Barangay Ipil-ipil.
RICARDO :
Ganyan talaga ang aking inaasahan.
UBALDO : At
oras na mangyari ang gaya ng iyong inaasahan, Pare,
kelangang magpakatatag ka. Huwag kang palalasing sa mga palakpak at
papuring dulot ng pansamantalang tagumpay, at lalong huwag kang
padadaig sa mga patutsada at banta ng iyong mga magiging kaaway.
Kasasabi ko lang, at sasabihin kong muli: maigsi ang gunita ng
karaniwang tao, halos isang dangkal ang igsi sa hinabahaba ng lubid ng
mga magaganda at pangit na alaalang nagsasalimbayan sa loob ng kanyang
isipan, kaya madali siyang makalimot.
RICARDO : (Maiinip
sa haba ng paliwanag ng kausap.)
Ang dami mong sinasabi, Pare, pero hindi mo rin sinasagot ang tanong
ko. Ano ba talaga ang gusto mo?
UBALDO :
Relaks ka lang, Pare. Wag kang masyadong high blood at
darating din tayo sa parteng yan. Magpapalipas tayo ng kaunting
panahon. Pag tapos na ang pista gaya ng pagsasaya ng marami sa mga
unang yugto ng Edsa, at pag humupa na ang unos gaya ng malaking
pagkagimbal at kaakibat na pagpupuyos ng damdamin nang barilin si Ninoy
sa tarmac ng paliparan – dalawang mahalagang pangyayaring
gumising sa kamalayan ng maraming Pilipinong matagal nanahimik at
nahimlay sa ilalim ng Batas Militar – saka natin ilulunsad
ang ikalawang yugto ng aking istratehiya.
RICARDO :
Anong istratehiya?
ANONG :
Kape, kape kayo riyan. Kulung-kulo sa init, malinamnam na
parang hulog ng langit.
UBALDO :
Babalik tayo sa dati, Pare. Business as usual, wika nga.
Unti-unti nating luluwagan kung di man gagawing ligal uli ang operasyon
ng mga fish pen, pasugalan, paglalako ng droga, maging ang
prostitusyon. Natural, ako na ang eksklusibong magmamay-ari ng
prangkisa at mamamanihala sa mga nabanggit na negosyo.
RICARDO : (Hindi
handa si Ricardo sa narinig. Hindi
makapaniwala.) Ano?
UBALDO :
Malaking pera ito, Pare. At huwag kang mag-alala, malaki ang
“cut” mo at ng mga kasamahan mong kagawad ng
barangay sa kikitain ng negosyo. Basta siguraduhin mo lang na
protektado ang mga interes ko at titiyakin ko naman sa iyo na walang
gutom ang pamilya mo sa mahabang panahon. Mabibili mo pa ang mga
karangyaang nais mo para sa iyo at sa iyong pamilya.
RICARDO :
Pero ano na lang ang sasabihin ng mga mamamayan? Ng mga taong
naghalal at nagtitiwala sa akin?
UBALDO :
Ayan ka na naman. Sinabi ko na sa iyong malilimutan din nila
ang lahat. Halos araw-araw ay may sumusulpot na mga bagong isyu na
maaaring makaagaw ng kanilang atensiyon. Balita tungkol sa isang
kongresistang nang-rape ng onse anyos na babae. Mga unggoy na dinapuan
ng sakit na nakamamatay na may peligrong makahawa sa tao. Seksing
istarlet na nabuntis ng kapwa artista. Pelikulang sa umpisa’y
ilang ulit na ipagbabawal ng mga taga-Censor na maipalabas sa sinehan
pero sa bandang huli, kapag sabik na sabik na ang mga tao –
salamat sa libreng publisidad na nalikha ng kontrobersya na lalo namang
pinalaki ng mga taga-media – ibibigay din ng Malakanyang ang
basbas nito, kaya magmumukha talagang inutil ang mga miyembro ng
nasabing lupon. Maniwala ka sa akin, Pareng Carding, hindi mauubusan ng
intrigang pag-uusapan ang mga tao. Sakit na ito ng mga Pilipino. Kaya
kung nagkataong ikaw ang paksa ng kanilang usapan ngayon at inaaakala
mong makasisira ito sa iyong reputasyon, isipin mong pansamantala
lamang ang lahat at iyon ay lilipas din. Pabayaan mo sila, Pare.
Pagbigyan sila sa kanilang hilig hanggang sa magsawa o mabaling ang
pansin sa ibang intriga. Ang importante, Pare, ay kumita tayo ng
malaking halaga bago dumating ang susunod na eleksyon.
RUDY : (Sisilip
sa bintana at makikitang pabalik na si
Arsenia. Halos pabulong.) Bosing, dumarating na si Misis.
UBALDO : (Parang
walang narinig.) Pero kailangan ko
ang iyong buong suporta at kooperasyon, Pare. Malaki na ang nagagastos
ko sa pangangampanya mo. Kani-kanina lamang ay tatlong libo ang nadale
ng mag-asawang Curing at Tomas. Handa akong gumastos hanggang sa huling
oras. Kahit magkano. Pero kailangang tulungan mo akong makabawi sa mga
gastos ko pag nasa puwesto ka na. At ngayon ko kelangan ang iyong pasya.
RICARDO :
Pero Pare, para yatang...
UBALDO :
Hindi ako papayag na mauwi sa wala ang mga pera at panahong
pinuhunan ko sa kandidatura mo, Pare. Ang negosyo ay negosyo, at kahit
ano pa ang mangyari...
RUDY : (Alumpihit
at hindi malaman ang gagawing pag-awat kay
Ubaldo.) Bosing, ayan na...
ARSENIA :
Naku, pasensya na kayo, medyo natagalan ako. Ang daming
namimili sa tindahan.
ANONG : Ang
mahalaga’y narito na ang tinapay at pwede nang
pakanin ang mga bulateng alaga natin.
ARSENIA :
Ito talagang si Ka Anong, hindi na naging seryoso kahit
kaylan. O sige na, Pare. Magmiryenda na muna kayo. (Iaabot
ang tinapay.)
UBALDO : (Tatanggihan
ang alok ni Arsenia.) Salamat
na lang, Mare. Ang tutoo’y hindi na ako magtatagal dahil may
aasikasuhin pa ako. May mga taong naghihintay sa akin sa opisina. Pare,
maaga uli tayo bukas. Naabisuhan ko na ang mga taga-Purok Singko.
Inaasahan nila ang ating pagdalo.
RICARDO : O
sige, Pareng Baldo. Bukas nang umaga.
UBALDO :
Rudy, Ferdie?
RUDY : Yes
Bos. Senyang, Kapitan, tuloy na kami.
ANONG : Iyan
na nga ba ang sinasabi ko noon pa, Kapitan.
RICARDO : (Matalas
ang ipupkol na tingin kay Anong sabay
bulalas.) Anong..!
ARSENIA : (Maiintriga.)
Ang alin? Anong sinasabi
ang ibig mong sabihin, Anong?
ANONG : (Iiwas
ng tingin kay Arsenia at mabilis na dadampot
ng isang tasang kape.) Itong kape, Aling Senyang. Napatapang
yata sa tubig ang kanaw ko. Hindi pinansin ni Mr. Ubaldo Carpio at ng
kanyang mga kasama. (Biglang
babaguhin ang usapan. Ngingiti,
labas ang ngiping bungi.) E, Kapitan. May sasabihin sana ako
sa inyo, eh. Pero nakakahiya.
ARSENIA :
Babale ka? Ikaw talaga, Anong. Araw-araw na lang, ganyan ang
dayalog mo sa amin. Para ka naman palaging iba kung magsalita. Magkano
ba?
ANONG :
Singkwenta pesos lang. Pambili ng sankilong bigas, konting ulam
at panggastos ni Maria sa bahay.
ARSENIA :
Etong sandaan, o. Dalhin mo na yan.
ANONG : Naku
salamat ho, Kapitana. Talagang napakabait ninyo. Makakaasa
rin kayo sa boto ng aking pamilya.
ARSENIA :
Ikaw talaga...
RICARDO :
Narinig mo, Anong, ang bilin ni Pareng Baldo. Maaga tayo
bukas, kaya bago mag-alas-sais ay dapat nandito ka na.
ANONG : Yes,
Captain. Always at your funeral service, sir. See you
tomorrows.
ARSENIA :
Hay, nag-ingles na naman po. Sige na, baka namumuti na ang
mga mata ni Maria sa kahihintay sa iyo.
Magpahinga ka na muna sa kuwarto, Ric. Alam kong pagod ka na, at bukas
ay maaga uli ang lakad mo. Kanina pa ako nakaluto ng hapunan. Iyiinit
ko na lang. Tatawagin kita kapag nakahanda na.
RICARDO :
Senyang, kelangan ko talagang magpahinga, pero importanteng
mag-usap muna tayo.
ARSENIA :
Tungkol ba kay Pareng Baldo?
RICARDO :
Oo. Tama ang hinala mo. Ginagamit lamang ako ni Pare. Ang
aking pagkapanalo sa eleksyon ay isa lamang baytang sa mataas na hagdan
ng kaniyang pangarap.
ARSENIA :
Ano ngayon ang balak mo?
RICARDO :
Ewan ko. Hindi ito ang pangarap ko para sa ating kinabukasan.
Ang nais ko’y isang simple at matahimik na buhay.
ARSENIA :
Ako man. Talagang ayaw ko ng gulo.
RICARDO :
Alam mong ang pagsali ko sa pulitika ay udyok ng isang
malinis na hangaring magsilbi sa ating barangay sa pag-aakalang kung
hindi ako kikilos ay para ko na ring inamin na ako ay kabahagi ng
nagaganap na kabulukan sa ating lipunan, sapagkat ang pananahimik at di
pagkibo ay kadalasang katumbas na rin ng pagsang-ayon. Hindi ito ang
uri ng lipunang ibig kong magisnan at manahin ng ating lumalaking mga
anak at ng mga magiging anak pa nila pagdating ng panahon.
ARSENIA :
Pero maraming paraan para...
RICARDO :
Alam ko. No’ng una’y nasabi kong
nakahanda kong isugal ang katahimikan ng ating pribadong pamumuhay at
makihalo sa magulong daigdig ng pulitika, kung kinakaylangan, para
mabago lang ang takbo ng ating lipunan. Pero hindi ko inaasahan na sa
ganito hahantong ang aking mga pangarap. Handa akong magsilbi sa aking
kapwa, pero ayaw kong pagamit sa kanino man.
ARSENIA :
Naiintidihan kita, Ric.
RICARDO : (Hahawakan
si Arsenia sa magkabilang balikat.)
Hindi tayo mayaman, Senyang. Pero hindi naman tayo masasabing mahirap,
dahil ang ating magandang pangalan at dignidad ay higit pa sa alin man
yaman dito sa mundo. Hindi ang salapi at kapangyarihang bunga ng
panunungkulan sa pamahalaan ang habol ko sa aking pagkandidato. At kung
dahil lamang sa pulitika ay makokompromiso ang ating katapatan sa Diyos
at sa bayan, kahit ngayon mismo ay handa kong iatras ang aking
kandidatura at bumalik sa matahimik at simpleng pamumuhay na aking
nakasanayan.
ARSENIA :
Pero paano si Pareng Baldo? Sa palagay mo kaya ay papayag
s’ya na basta ka na lamang umurong sa iyong kandidatura at
balewalain ang kanyang ginawa?
RICARDO :
Hindi nga. Tahasan niyang sinabi kanina na hindi s'ya papayag
na mauwi sa wala ang kanyang puhunan at pagod. Kailangan niya ang aking
kooperasyon at hinihintay niya ang aking pasya.
ARSENIA :
Dangan kasi’y nagtiwala ka nang husto sa taong yan.
RICARDO :
Yan ang aking pagkakamali. Nadala ako sa kanyang mahusaay na
paliwanag at magandang pakisama. Wala akong kaalam-alam sa tunay na
pagkatao ni Pareng Baldo. Ang pagkakilala ko sa kanya’y isang
taong may kaya sa buhay at lubos na kagalang-galang.
ARSENIA :
Akala ko ba’y kasamahan mo s'ya sa Parish Council
of the Laity?
RICARDO :
Oo, at maging sa Adoracion Nocturna. Bukambibig niya ang
kahalagahan ng pamumuhay nang ayon sa mga turo ng Bibliya. Ang kanyang
donasyon sa mga pagawaing pangsimbahan ay laging malaking halaga at
makikita mong sadyang bukal sa kanyang kalooban. Sa mga prayer meeting
ay hindi niya nakakalimutang banggitin ang mga dukha at kapuspalad na
sa Diyos lamang umaasa, at lagi niyang pinasasalamatan ang Maykapal sa
masaganang pagpapala na kanyang tinatamasa sa kanyang mga kabuhayan. (Mapapailing.)
Yun pala’y pawang ilegal at labag sa utos ng Diyos ang
kanyang mga hanapbuhay at s'ya mismo ang bumibiktima sa mga kapuspalad
nating mga kabarangay na nararahuyo sa masasamang bisyong pinalalaganap
ng kanyang malawak na galamay. At ngayon... ngayon ay gusto niya akong
gawing kasosyo at kasangkapan para lalong mapalakas at mapalago ang mga
ito. Senyang, naguguluhan ako. Parang hindi ko na alam ngayon kung ano
ang nararapat kong gawin.
ARSENIA :
Tingin ko’y mabuting kaybigan si Kumpare, pero
mapanganib na kaaway. Anong malay natin, baka may mga armado rin
s’yang tauhan gaya ni Kapitan Martin?
RICARDO :
Meron nga. Sa kanyang bibig na rin nanggaling ang bagay na
yan. Pero sa kanya ay hindi ako takot. Ang inaalala ko ay ikaw at ang
ating mga anak. Hindi kayo dapat masangkot dito. Nasaan na nga pala
sina Boyet at Nenita? Nakauwi na ba sila galing sa eskwela?
ARSENIA :
Aba, oo nga pala! Nawala sa loob ko ang dalawa. Anong oras na
ba?
RICARDO :
Pasado alas-sais na. Hindi ba dapat ay kanina pa silang bago
mag-alas-singko narito?
ARSENIA :
Malamang na natokahan na namang cleaner sa klase si Boyet.
Pero maggagabi na. At bakit pati si Nenet ay wala pa rin hanggang
ngayon?
RICARDO : (Dudungaw
sa bintana.) Ano bang paalam sa
yo bago umalis?
ARSENIA :
Wala naman. Kaya lang... Nako, Ric, kinakabahan ako.
Napakarami pa namang durugista ngayon at usung-usong ang pangre-rape sa
mga batambatang gaya ng ating anak. Mabuti pa kaya’y puntahan
mo na sa eskwelahan, at kung wala na roon ay ipagtanong mo kina...Ano
na nga ba ang pangalan ng kaklase niyang...
RICARDO :
Oo, alam ko na. Aalis muna ako.
RICARDO :
Anong ibig sabihin nito? Sinong kelangan..? Kapitan Martin,
kayo pala! Tuloy kayo. Biglaan yata ang inyong pagdalaw?
Ano yan? Ano’ng kahulugan nito, Kapitan?
KAP. MARTIN
: Dalawang milyong piso. Cash. Iatras mo ang iyong
pagkandidato.
RICARDO :
Binibili n’yo ba ako, Kapitan? Binabayaran
n’yo ba ‘ko?
KAP. MARTIN
: Hindi. Pero sige. Ayaw ko nang masyadong mahabang usapan.
Magkano ba talaga ang presyo mo?
RICARDO :
Sorry ho, Kapitan. Pagod ako at kailangan kong magpahinga.
Makakaalis na kayo.
KAP. MARTIN
: Pagod din ako sa mahabang biyahe, Carding. Ang
mabuti’y maupo muna tayo.
Pasensiya ka na sa akin, Senyang. Gusto ko lang makatulong sa inyong
mag-asawa para mabawasan ang inyong sakit ng ulo. Hindi gawang biro ang
mapasubo sa pulitika, alam n’yo yan.
Akala ko’y madali tayong magkakaintindihan kapag pera ang
hinayaan kong magsalita. Hindi pala. (Lalapit kay Senyang.)
Si Carding pala’y kasama ng maraming kakilala ko noong araw
na may matatag na paninindigan at banal na prinsipyo. (Iiling.)
Tsk-tsk...Sayang, magaganda ang kanilang mga
ipinaglalabang prinsipyo,
pero ang mga prinsipyong iyon ay kasama na nilang napalibing sa
kanilang hukay.
RICARDO :
Kung naparito kayo para takutin ako, Kapitan...
KAP. MARTIN
: Hindi kita tinatakot, Carding. Sinabi ko na sa iyo,
naparito ako para magbigay ng tulong.
RICARDO :
Salamat nang marami, Kapitan. Pero dinaramdam ko, hindi ko
kailangan ang inyong tulong. Ipaubaya ninyo sa akin ang pagpapasya
tungkol sa aking...
KAP. MARTIN
: (Itataas nang bahagya
ang kaliwang palad para
pigilin sa pagsasalita ang kausap.) Bueno, gusto ko lang
makasiguro na nagkakaintindihan tayo. Hindi na ako magtatagal. Alam
kong gusto mo nang makapagpahinga.
Ah... At siyanga pala. Ang dalawang milyong pisong ibinibigay ko ay
paunang bayad pa lamang. Pagkatapos ng eleksyon, pumasyal ka minsan sa
opisina at pag-usapan natin ang ilang mga negosyo na puwede nating
pagkakitaan. Titiyakin ko sa iyong mas malaki ang magiging parte mo,
hindi katulad ng iniaalok sa iyo ng kumpare mo’t campaign
manager na si Mr. Ubaldo Carpio.
RICARDO :
Wala akong alam sa inyong sinasabi.
KAP. MARTIN
: Carding, ayaw kong ako’y pinararatangan na
isang sinungaling.
RICARDO :
Pero ang sinasabi ninyo’y...
KAP. MARTIN
: Sinasabi ko’y umatras ka na hangga’t
maaga, ipaubaya mo sa akin ang pamumuno sa Barangay Ipil-ipil, at kung
kailangan mo ng trabaho bukod sa dalawang milyong pisong donasyon ko sa
inyong mag-asawa ay pumasyal ka lamang sa aking tanggapan at pag-usapan
natin ang magiging parte mo sa aking negosyo. May malabo ba sa sinasabi
ko?
RICARDO :
May trabaho ako at hindi ko kailangan...
KAP. MARTIN
: Bueno, marahil ang kailangan mo konting dagdag na
paliwanag. Yang putris na Baldong iyan ay matagal nang kumakalaban sa
akin. Takot siyang humarap sa akin sa pulitika dahil ayaw niyang
malantad ang kabulukan ng kanyang mabahong pagkatao. Pero kailangan
niya ang kapangyarihan at proteksyon ng pulitiko para sa paglago ng
kanyang mga iligal na negosyo. Kaya sa halip na tumakbong kandidato,
binabayaran niya ang iba upang tumakbo para sa kanya.
RICARDO :
Hindi ako tumatanggap ng bayad kay Pareng Baldo o sa kanino
man para kumandidato.
KAP. MARTIN
: O sige, sige na. Hindi ka nga tumatanggap ng bayad sa
campaign manager mo, pinopondohan lamang niya ang lahat ng gastos mo.
Pero matagal ko nang kilala iyang si Baldo. Hindi iyan basta-basta
bumibitiw ng salapi nang walang kapalit. Pareho lang kaming
mangangalakal, Carding. Mas malaki nga lang ako kung maglagay at mas
galante ako kung magbigay ng kaparte.
ARSENIA : (Matigas
ang pananalita.) Kapitan Martin,
ang pasya ng aking asawa ay hindi ipinagbibili. Utang na loob, umalis
na kayo bago ko kayo ipagtulakan at paringgan ng mga salitang hindi
n’yo kayang sikmurain!
ALALAY : Hoy
babae, matuto kang rumespeto kay Kapitan. Ayusin mo ang
dila mo kung di mo gustong...!
RICARDO :
Walangh’ya ka! Bitiwan mo’ng asawa ko!
KAP. MARTIN
: Hihintayin ko bukas ang iyong pasabi tungkol sa pag-urong
ng iyong kandidatura, Carding. Huwag mo nang patagalin ang pag-iisip.
Madali akong mainip. Tayo na, mga bata.
Henga pala. Ang dalawang bata ay nasa mabuting kalagayan. Kung gusto
n’yong makita pa silang buhay ay magsabi lang kayo sa akin.
Adyos.
ARSENIA :
D’yos ko! Ang ating mga anak! Kaya pala hanggang
ngayon ay wala pa ang ating mga anak!
RICARDO :
Talagang mga hayup kayo! Kapag may nangyari sa mga bata ay
pagbabayarin ko kayo nang malaki!
ARSENIA :
Ric! D’yos ko po, Ric, gumising ka! Utang na loob,
Ric... Bumangon ka! Kailangang gumawa ka ng paraan para mabawi ang
ating mga anak! Ric! Ric!
Kayo pala, Mang Tomas, Aling Curing. Tuloy ho kayo.
CURING :
Magandang gabi sa iyo, Senyang. Aba, bakit parang bagong iyak
ka yata?
TOMAS : Oo
nga. Bakit, may nangyari ba?
ARSENIA :
Naku, wala ho. (Kukusut-kusutin
ang mata.) Napuwing
lang ho ako. A, s'ya nga pala. (Tatapik-tapikin
ang asawang
nasa sofa.) Ric, Ric. Bangon na diyan. Nandito na sina Mang
Tomas. (Sa dalawang
bisita.) Pasens’ya na
ho kayo, kasi pagud na pagod iyan. Kararating lang kanina. Hindi na
nakapag-ayos ng sarili at dito na sa sofa nakatulog. Ric...?
TOMAS :
Magandang gabi sa iyo, Carding. Pasensiya ka na, naistorbo ka
namin sa pagtulog mo. May mahalaga sana kaming sadya ni Curing sa iyo.
CURING : Oo
nga. Kahiya-hiya man, e...
RICARDO :
Se...Senyang, hindi ba...kagagaling lang ng mga iyan
dito...kanina? Bakit nandito na naman...sila?
ARSENIA :
Ano bang kagagaling lamang ang pinagsasasabi mo? Kararating
lang ng mga iyan dito.
Teka muna, bubuksan ko lang ang pinto. Aling Curing, Mang Tomas, maupo
muna ho kayo.
Aba, Pareng Baldo, napasyal ka. Tuloy... tuloy ka sa aming munting
dampa.
UBALDO :
Salamat, Mare. Aba, Pareng Carding. Kumusta ba? Napag-isipan
mo na bang maigi ang proposisyon ko?
TOMAS : Ano
bang proposisyon? Mapagkakakitaan ba yan?
ARSENIA :
Alam n’yo Mang Tomas, si Ric ay matagal nang
inaawitan nitong si Pareng Baldo na kumandidato sa eleksyon ng barangay
captain sa isang taon.
TOMAS : O,
sa isang taon pa pala yan e. Bakit ba kay layu-layo
pa’y eleksyon kaagad ang pinag-uusapan ninyo?
UBALDO :
Maigi na yung hangga’t maaga ay kumikilos na. Daig
raw ng maagap ang masipag, Mang Tomas.
ARSENIA :
Hay naku, Pare. Tigilan mo na ang kakukumbinsi mo sa kumpare
mo. Alam mo namang kuntento na kami sa tahimik naming buhay, at
siguradong pag-aawayan lang namin araw-araw ang bagay na yan oras na
magpasya s’yang pasukin ang pulitika. Di ba Ric?
RICARDO :
Oo...pero...ang ating anak...? Paano ang ating mga anak?
ARSENIA :
And’yan sa labas, naglalaro.
A, kayo pala, Kapitan Martin. Tuloy kayo. Isang malaking karangalan ang
pagbisita ninyong ito sa amin. Anong, tuloy ka.
ANONG :
Nagpasama sa akin si Chairman dito. May mahalaga raw na sadya
kay Mang Carding.
KAP. MARTIN
: Magandang gabi sa inyo. Hindi na ako magpapaliguy-ligoy
pa. Alam kong malayo pa ang eleksyon, pero gusto ko sanang... (Mapapatigil
dahil may mapupunang kakaiba sa itsura ni Ricardo.) Teka.
Carding? Bakit parang namumutla ka? May sakit ka ba?
UBALDO : (Tititigang
maigi si Ricardo.) Oo nga
naman, Pare. Parang kanina ka pa wala sa sarili mo. Saka bakit lagi
mong hawak ang batok mo, may masakit ba?
RICARDO : (Biglang
iaalis ang pagkahawak sa batok.)
A...e...kwan, napataas lang at medyo matigas ang nagamit kong unan,
itong...gilid ng sofa. (Mapapahawak
uli sa batok at hihimasin
iyon.) Nabanat yata ang ugat ko. Pa...pasensiya na kayo sa
akin.
KAP. MARTIN
: Bueno... Ang mabuti pa siguro’y sa ibang araw
na lamang makabalik. Tutal, sa isang taon pa naman ang eleksyon. O...
ano, Anong – sasabay ka na ba sa akin?
ANONG : Aba,
oho, Kapitan. Paalam na sa inyo.
ARSENIA :
Pasensya na ho kayo, Kapitan. Balik na kayo sa ibang araw.
UBALDO :
Well, tingin ko’y kelangan nga ni Pare ang
magpahinga, kaya ako’y sisibat na rin. Bukas na lang,
P’re.
RICARDO :
S-s-sige... Pare.
TOMAS : Aba,
e... aalis na rin kami. Sige na iho, magpahinga ka
na’t sa ibang araw na lang uli kami papasyal. Senyang...
ARSENIA :
Sige ho, Mang Tomas, Aling Curing.
RICARDO :
Senyang, ang mga bata?
ARSENIA : (Habang
ipinapatong ang mga pinggan at kutsara sa
mesa.) Kanina mo pa itinatanong ang mga bata. Nasa labas lang
sila. Naglalaro. Hindi ba’t ikaw pa nga ang nagpalabas kanina
sa kanila dahil gusto mong makapagpahinga? Nasigawan mo pa nga yung
dalawa dahil maingay sila. Sa sobrang pagod mo’y diyan ka na
sa sofa nakatulog.
Boyet...! Nenita...! Halina nga kayo’t gabi na!
BOYET at NENITA :
(Sa labas ng tanghalan)
Opo, Inay!
BOYET at NENITA
: Mano po, ’Tay.
ARSENIA :
Hala sige, tumuloy na kayo sa banyo at magsipaglinis ng
katawan. Bilis-bilisan ninyo. Maya-maya lang ay kakain na tayo.
RICARDO :
Senyang, nakapag-isip-isip na ako. Buo na ng aking pasya.
ARSENIA : (Habang
nagsasandok ng kanin.) Tungkol na
naman ba yan sa eleksyon? Sa iminumungkahi sa iyo ni Pareng Baldo?
RICARDO :
Oo, Senyang. Naisip kong...
ARSENIA :
Ric, huwag ka na munang mag-isip. Saka ka na magdesisyon.
Pagod ka sa trabaho, kaya ang kailangan sa iyo’y magrelaks. (Tatayo
at lalabas sa kaliwang pinto.)
RICARDO :
Pero Senyang...
ARSENIA :
Matagal pa ang eleksyon, Ric, kaya kalimutan mo muna yan. Ang
mabuti pa, kumain ka na ng hapunan at pagkatapos ay pumasok ka sa
kuwarto at doon mo ituloy ang naputol mong pagtulog kanina diyan sa
sofa.
Boyet...! Nenita...! Halina ng kayo’t kakain na!
BOYET at NENITA
: (Sa labas ng
tanghalan.) Andiyan
na po, Inay!
NENITA :
Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.
Basbasan mo po kami, Panginoon, at itong iyong mga kaloob na ngayon ay
aming tatanggapin mula sa yong kabutihan, sa pamamagitan ni
Hesukristong aming Panginoon. Amen. Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng
Espiritu Santo. Amen.
-
Wakas-
RAFAEL A. PULMANO
March 18, 1997
Biñan, Laguna
The Case of the Viskotso Masaker | Isang Dangkal na Gunita | Pasko | Pirma | San Miguel Arkanghel
Huling pagbabago: Disyembre 21, 2008