TAGPO:
SAN PEDRO
:
Naku, napagod yata ako nang husto sa katatakbo!
JUANITO
:
Eh, kasi naman, Manager. Sukat ba namang hanggang
dito’y dinala mo pa iyang alaga mo.
SAN PEDRO
:
Balita ko kasi’y usung-uso ang derby sa lugar na ito.
JUANITO
:
Ano na nga bang lugar itong pinagdalhan mo sa akin?
SAN PEDRO
:
Ito ang Barangay San Isidro, at dito natin masusubok kung hanggang saan
talaga ang galing mo. O ano, may tanong ka pa ba tungkol sa
iyong assignment, Juanito?
JUANITO
:
Wala na.
SAN PEDRO
:
Good. Diyan ka na at aasikasuhin ko muna ang dapat kong
asikasuhin.
MADEL
:
Magandang umaga, Ester.
ESTER
:
(Biglang
bibitiwan ang bintana at sasara ang tindahan.)
Kanina’y ganyan din ang akala ko.
MADEL
:
Akala mong ano?
ESTER
: Na
maganda nga ang umaga. Pero ngayong dumating ka na,
pakiramdam ko ay biglang sumama ang panahon.
MADEL
:
Tila yata hindi maganda ang gising mo, Ester?
ESTER
:
Hindi kasi maganda ang pasok mo. Dalawa lang ang nakikita
kong posibilidad: Uutang ka na naman sa tindahan ko, o may
tsismis kang bago! Masyado pang napakaaga para diyan.
MADEL
:
Maling-mali ka ng iniisip, Ester. Napakamura naman ng
pagkakilala mo sa akin.
ESTER
:
(Aangatin
muli ang bintana ng tindahan.) Puwes, kung wala
kang bagong tsismis at wala kang planong mangutang, eh ano ang dahilan
at napakaaga mong napadpad rito?
MADEL
:
Meron lang akong ikukuwento sa iyo. Siguradong hindi mo pa
alam ito. (Lalapit
nang kaunti kay ESTER, itutuon ang isang
kamay sa pasimano ng tindahan.) Pero atin-atin
lang dalawa
ito at huwag na huwag mong mababanggit sa iba, ha? Ah,
teka... Mabuti pa’y bigyan mo muna ako ng isang lata ng
sardinas at dalawang supot na monay. Idagdag mo na sa
listahan ko. Magaling akong buena mano.
ESTER
:
(Mabibitiwan
uli ang bintana ng tindahan. Maiipit ng kamay ni
MADEL.) Sinasabi ko na nga ba!
MADEL
:
Aray ko! Bakit ka ganyan, Ester? Halatang halata na
sinadya mong bitiwan ang bintana para masaktan ako.
Bakit? Kostumer din naman ko, ah! Nakalimutan mo na
bang “the customer is always right?”
Bah!!! I can demand you, you know.
ESTER
:
Patawad, Madel. Huwag ka nang magdemanda.
Pauutangin na kita. (Papasok
sa loob ng tindahan at ibibigay
ang binibili ni MADEL. Ililista.) Ang
haba na
nitong listahan ng utang mo, Madel. Kailan ka ba talaga
magbabayad?
MADEL
:
Huwag muna nating pag-usapan ang utang, Ester. Pangit na
paksa iyan sa isang magandang umagang kagaya nito. Marami
namang ibang puwede tayong pag-usapan. Halimbawa.
Nabalitaan mo na ba yung kumakalat na usap-usapan tungkol kay Padre
Moranaz?
ESTER
: Si
Padre Almario Moranaz?
MADEL
: Oo,
si Padre AL MORANAZ. Aba, lumalabas na tila may katotohanan
ang mga alingasngas tungkol sa Al Moranaz na yan, dahil siya ngayon ang
madalas na laman ng mga umuusok na balitang kumakalat sa apat na sulok
ng ating bayan.
ESTER
:
Kung ano man iyon ay siguradong mga hakahaka lamang at hindi dapat
paniwalaan.
MADEL
: Ano
bang hakahaka ang sinasabi mo? Marami na ang nakakakita kay
Padre Moranaz na nagmimisa sa simbahan.
ESTER
:
Natural. Trabaho niya iyon. At naroon din ang
kanyang tirahan.
MADEL
:
Tama. Samantala, itong si Cassandra... Lantaran sa madla ang
ginagawa niyang pagpunta sa simbahan, nagsisimba at nagnonobena tuwing
Linggo!
ESTER
: Ano
naman ang masama roon? Kahit sino’y puwedeng gawin
ang ginagawa ni Cassandra. Iyan ay isang gawaing banal at
maka-Kristyano.
MADEL
:
Pero hindi mo ba nakikita? Hindi mo ba nauunawaan ang
kahulugan ng lahat ng ito? Si Padre Moranaz ay nagiging
malapit kay Cassandra.
ESTER
:
Ipagpalagay na. Pero malapit din si Padre Moranaz kay Auring,
kay Concha, kay Tomas, kay Mario at sa iba pang lay leaders na aktibo
sa mga proyektong pamparokya. Wala akong nasisilip na
kontrobersyal doon.
MADEL
:
Sila’y mga lay leaders. Si Cassandra ay iba.
ESTER
:
Para sa akin, parepareho lang silang tao. At si Padre Moranaz
ay tao rin.
MADEL
: Ah,
basta! Para sa akin, ang gayong pagiging malapit ng isang
pari sa isang babae, lalo na sa isang babaeng kagaya ni Cassandra, ay
isang kasalanang walang kapatawaran.
ESTER
:
Kadalasan ang kasalanan ay nasa mata at dila ng taong malisyoso at
mapanghusga sa kaniyang kapwa.
CASSANDRA
:
Magandang umaga ho, Aling Ester. Kumusta kayo, Aling Madel?
ESTER
:
Aba, Cassandra! Magandang umaga... Maaga yata ang alis
mo? Saan ba ang lakad, iha?
MADEL
:
Hmp! Ang dapat na itanong mo, saan ka ba galing at inumaga ka
yata? Hmp!
ESTER
:
Madel! Ano ka ba? Eh, Cassandra, pasensiya ka na
kay Madel, ha? Mabiro talagang tao yan.
CASSANDRA
:
Ayos lang ho yon, Aling Ester. Matagal ko na hong kilala si
Aling Madel kaya sanay na rin ako sa mga biro niya.
MADEL
:
Hmp! Ako rin, matagal ko nang bistado ang kalibre mo, kaya
sanay na ako sa pag-alis mo nang gabi at pag-uwi nang wala sa
oras. Hmp!
CASSANDRA
:
(Tatawa.)
Si Aling Madel talaga. (Kay
ESTER) Siya nga pala, Aling Ester, pagbilhan nga
ho ninyo ako
ng Marlboro. Isang kaha. Eto ho’ng bayad.
ESTER
:
(Kukunin
ang Marlboro at iaabot kay CASSANDRA.) Naku, ang
laki naman nito. Wala ka bang barya, Cassandra?
Alam mo’y kabubukas ko pa lang ng tindahan kaya wala akong
maisusukli.
CASSANDRA
:
Wala ho, eh. Hayaan na ninyo Aling Ester. Sa inyo
na lang ang sukli. Malaki naman ang kinita ko, eh.
ESTER
:
Naku! Huwag naman, anak. Sobrang laki nitong Ninoy
na bayad mo para sa isang kahang sigarilyo. Kung gusto
mo’y dalhin mo na muna’t saka mo na lang bayaran.
CASSANDRA
:
(Tatawa.)
Sige na ho, Aling Ester. Kunin
n’yo na yan. Paano ho, maiwan ko na muna
kayo.
ESTER
:
Pambihirang bata ire...
MADEL
:
Talagang pambihira! Mahirap na lang magsalita.
Hindi ko kasi ugaling manghimasok sa buhay ng may buhay at humatol sa
aking kapwa, kaya... Hmp! Mahirap na nga lang kasi talagang
magsalita. Pero nakita mo na, Ester.
Siguro’y naniniwala ka na ngayon sa sinabi ko sa iyo?
ESTER
:
Alin do’n? Ang dami mo nang nasabi mula pa kanina.
MADEL
:
Alin pa! Eh, di... na tutoo ngang mahusay akong buena
mano. Isipin mo, wala pang isang oras na nakabukas itong
tindahan mo, kumita ka na agad ng P500.00? Kaya bigyan mo pa
nga ako riyan ng isang boteng toyo...
KRISTINA
:
Magandang umaga po. Maaari po bang magtanong?
ESTER
: Ano
yon, ineng?
KRISTINA
:
Saan po ba rito ang bahay-paupahan ni... (Kukunin
sa bulsa ang isang
pirasong papel, babasahin ang nakasulat.) ... Ginoong
Augusto
Buenavente?
ESTER
: Ah,
eh... doon sa banda ro’n pa yon. Pero matagal nang
sarado ng bahay na iyon at wala na rito ang may-ari. Nasa
Amerika na.
KRISTINA
:
Gano’n po ba?
MADEL
:
Ganoon nga, iha. Sino ka ba? Tagasaan ka?
Anong masamang hangin ang nagtulak sa iyo sa lugar na ito? At
bakit mo hinahanap si Ka Augusto? May utang ba siya sa iyo?
ESTER
:
Rendahan mo naman kahit kaunti iyang dila mo, Madel! Hindi ka
ba nahihiya dito sa...? Pasensiya ka na, ha ineng. Ano na nga
pala ang pangalan mo?
MADEL
:
Hmp! Mabuti na yung diretsahan para maliwanag agad ang usapan
sa simula pa lang. Hala, sige, magsalita ka, iha.
A, teka muna. Bago ka bumanat ng salita, ako nga pala si
Madel. MISS Madel Madeldel, tagariyan lang sa kabilang
kanto. Ito naman si Ester. Sa kanya ang tindahang
ito. At yamang naparito ka para humingi ng impormasyon ay
inaasahan kong disente kang tao na hindi basta na lang aalis matapos
mong makuha ang iyong gusto nang hindi man lamang bumibili ng kahit ano
sa tindahang ito. Iyan ay tanda ng kahinaan ng karakter at
kawalan ng kagandahang asal. Prangka ako kung magsalita at
hindi ko ugali ang manghimasok sa buhay ng ibang tao. Ngayon,
mabalik tayo sa iyo. Sino ka ba talaga at ano ang papel mo sa
buhay? Hala, magsalita ka!
KRISTINA
:
Mabuti po at prangkahan kayo kung magsalita. Hindi kayo
mahirap pakisamahan kung gayon.
MADEL
: Hoy
babae, huwag kang padalus-dalos sa iyong pagpapasya. Sinabi
ko na sa iyong prangka ako kung magsalita, pero wala akong nakikitang
dahilan para pakisamahan ka. Dayo ka lang dito at hanggang
ngayon ay hindi mo pa sinasagot ang tanong ko. Sino ka bang
talaga at ano ang raket mo at anong masamang hangin ang nagpapadpad sa
iyo rito? Hala sige, dali, magsalita ka!
KRISTINA
:
Pasensiya na po kayo, Aling...
MADEL
:
Madel. Remember the name: Madel and no other. Sige,
magsalita ka.
KRISTINA
:
Ako po si Kristina. Maria Kristina Lopez po ang buong
pangalan ko, pero kahit Kristina lamang po ay okey na.
MADEL
:
Okey, Kristina kung Kristina. Wala tayong pagtatalunan diyan
kaya hindi dapat na pahabain pa ang isyu. O, ngayon...?
KRISTINA
:
Ngayon po ay napunta ako rito dahil naghahanap ako ng bahay na
matitigilan.
ESTER
:
Matitigilan?
KRISTINA
:
Opo.
MADEL
:
Bakit? Saang planeta ka ba nanggaling? Diretso ako
kung magtanong at hindi ko gusto ang maraming paliguy-ligoy na iisa rin
naman ang patutunguhan. Sumagot ka!
KRISTINA
:
Taga-Cotabato po ako, pero limang taon akong tumigil sa Maynila kung
saan ako’y nag-aral at nagtapos sa kolehiyo.
Kamakailan po’y nakapag-aplay ako sa trabaho bilang guro sa
elementarya dito sa inyong bayan, at pinalad po naman akong
matanggap. Eh, bago po sana magsimula ang klase ay gusto ko
nang makalipat rito para maging pamilyar ako sa lugar na lilipatan at
pansamantalang magiging tirahan ko.
ESTER
: Eh,
bakit si Ka Augusto ang hinahanap mo? Dati na ba kayong
magkakilala?
KRISTINA
:
Naku, hindi ho. Isang mag-aaral sa eskwelang pinasukan ko sa
Maynila three years ago ang nakipagkaibigan at nagbigay sa akin ng
pangalan at address nitong si Mang Augusto. Ang
sabi’y kung sakali raw na magagawi ako sa bayang ito at
mangangailangan ng bahay na matitigilan, hanapin ko lamang daw ang
Augustong ito at malaki raw ang maitutulong sa akin.
MADEL
:
Hmp! P’wes, pasalamat ka at ngayon ka napadpad
rito. Kung napaagaaga ka ng dating, sayang ang diplomang
pinagsunugan mo ng kilay nang mahabang panahon.
KRISTINA
:
Ano po ang ibig ninyong sabihin, Aling Madel?
MADEL
: Ang
sinasabi mong bahay-paupahan ni Augusto, ang demonyong si Augusto...
Hmp! Sa tutoo ay isang bahay-aliwan noong araw!
KRISTINA
:
Bahay-aliwan?
MADEL
: Oo,
Kristina, iha. Bahay-aliwan. Hindi yung bahay ang
pinauupahan, kundi yung mga batambatang kababaihang nasa bahay...
ESTER
:
Madel!
MADEL
: O,
bakit? Tutoo naman, di ba?
KRISTINA
:
Pero ang sabi ng kaibigan ko’y...
MADEL
: Ang
sabi ng kaibigan mo’y katulad rin ng sinabi niya sa marami
pang ibang babaeng tatanga-tanga na nauna sa iyo rito. Excuse
me! Sinabi ko na sa iyo na prangka ako kung magsalita.
KRISTINA
:
Pero...
MADEL
:
Anong pero? Ano’ng palagay mo sa akin?
Sinungaling? Oy, para sa iyong impormasyon, marami akong
kapintasan, pero ang pagsisinungaling ay hindi ko kailanman natutuhan
at nakagiliwan. Honesty is still my best insurance
policy. Kung ayaw mong maniwala ay problema mo na
yan. Basta ako’y prangka. Halos
linggu-linggo ay may mga bagong saltang kababaihan rito na ang istorya
ay parehong-pareho ng sa iyo. Naghahanap ng bahay na
matitigilan. May nakilala’t naging kaibigan sa
Maynila na nakapagsabing hanapin raw si Mang Augusto. Ang
mabait na si Augusto. Hmp! Pag naroon na ang bagong
saltang tatanga-tanga, ang kanyang pagkain ay hahaluan ng pampatulog,
at magigising na lamang ang kaawaawang babae sa katotohanang ang
kanyang puring pinakaiingat-ingatan ay nakuha na ng iba. Kung
magkagayon ay tuluyan nang magbabago ang lahat para sa kanya, at
siya’y matutulad na rin sa iba pang mga naunang biktima ni
Mang Augusto – mga babaeng dati’y may makulay na
pananaw at matayog na pangarap sa buhay, nguni’t sa isang
iglap ay nasadlak sa madilim na sulok ng mapait na karanasan at naging
mga kalapating mababa ang lipad, saklot ng pangamba, kahihiyan at takot
na mabunyag ang pangit na kabanatang iyon ng kanilang buhay kaya hindi
magkalakas ng loob na makabalik sa malayong probinsiyang pinagmulan
upang taas-noong harapin ang katotohanan at salubungin ang naghihintay
na bagong bukas.
KRISTINA
:
Talaga ho?
MADEL
:
Talagang-talaga! Hmp! Iha, tandaan mo ang sasabihin
ko at hindi ka mapapariwara. Kung meron kang dapat malaman
tungkol sa lugar na ito, isa lang taong ganap na maaasahan mo: Ako!
KRISTINA
:
Naku, salamat na lamang pala at sa inyo ako agad nakapagtanong.
MADEL
:
Pasalamat ka at ang demonyong si Augusto at ang kanyang mga dyablong
ampon ay nagsilayas na sa lugar na ito! Correction
– Pinalayas pala sa lugar na ito, dahil hindi na nakatiis ang
ilang mga concerned citizens sa masamang impluwensiya ng kanyang
bahay-aliwan na sumisira sa hibla ng moralidad ng aming
pamayanan. Hmp! Ang balita nga’y nasa
Estados Unidos na ang hudas na iyan, at doon naman nagsasabog ng
lagim. Pero patuloy pa rin siyang nambibiktima ng mga
kababaihang Pilipina na nangangarap makarating sa ibang bansa, mga
kababayang walang kamalay-malay sa pangit na kapalarang nag-aabang sa
kanila pagdating roon.
KRISTINA
:
Napakasama pala niyang tao.
MADEL
:
Sobrang kasamaan! May recruitment agency yan sa Maynila,
nangangalap ng mga kunwari’y magtatrabahong katulong sa
Amerika, pero sa halip na maging domestic helper, pagsapit roon ay mga
prostitutions na ang tawag sa kanila!
KRISTINA
:
Baka ho “prostitutes” ang ibig ninyong sabihin?
MADEL
:
Pareho na rin yon. Iningles lang nila dahil mga Amerkanong
Ingles ang kostumer nila roon.
KRISTINA
:
Kaawaawa naman sila.
MADEL
:
Hindi lang kaawaawa. Isipin mo, pag nilangaw na ang kanilang
lilipas rin namang kasariwaan at ganda, marami sa kanila ang uuwi
siyempre dito sa Pilipinas, may pasalubong na US dollar, mga imported
na tsokolate, at imported na AIDS at MTV. Hmp!
ESTER
: HIV
yon, Madel, hindi MTV.
MADEL
:
Pareho rin yon, ininglis lang nila!
ESTER
: Oh,
eh paano ka na ngayon niyan, ineng? Saan ka ngayon tutuloy?
KRISTINA
:
Naku, yan po ngayon ang problema ko. Meron po ba kayong alam
ritong apartment o boarding house na mauupahan? Yung medyo
mura, kahit po pansamantala lamang, hanggang sa makakita ako ng ibang
malilipatan?
ESTER
: Sa
ngayon ay wala akong maisip na lugar... May alam ka ba, Madel...?
MADEL
:
Bakit di mo na lang patuluyin sa iyong bahay, Ester? Tutal,
si Arman naman ay mukhang disidido nang sa Zambales maninirahan.
KRISTINA
:
Sino hong Arman?
MADEL
:
(Kay
ESTER.) Ako na, Ester. (Kay
KRISTINA.) Kaisaisa niyang anak na nagtatrabaho
sa Subic, sa
isang kumpanyang Hapon. Mataas ang posisyon at malaki ang
sahod. Balita ko’y nakabili na raw doon ng isang
yunit ng kondominyum kaya bihira na siyang maligaw rito.
KRISTINA
:
Napakasuwerte naman pala ninyo, Aling Ester.
ESTER
:
Masuwerteng malungkot din, dahil...
MADEL
: Ako
na, Ester. Mas maganda akong magkuwento kaysa sa
iyo. Alam mo, Kristina, mula nang mabiyuda iyang si Ester kay
Ambo ay si Arman na lamang ang kanyang kasakasama sa bahay at sa
buhay. Pero ngayon ay solo na uli siya, dahil nga may trabaho
na si Arman – si Engineer Arman Gonzales, doon sa
malayo. Kung gusto mo ay dito ka na lang sa bahay ni Ester
tumira. Gamitin mo muna ang silid ni Arman.
Malamang, gulu-gulo pa roon dahil may ilang taon nang hindi
nakikilusan, pero konting ayos lang siguro’y okey na rin.
KRISTINA
:
Naku, parang nakakahiya naman yata sa inyo, Aling Ester. Baka
ho...
MADEL
:
Huwag ka nang magpakipot at hindi naman bagay. Isa
pa’y prangka ako, kaya dapat na maging prangka ka rin sa
akin. Kalimutan mo na muna ang hiya at wala kang malayong
mararating kapag puro hiya ang pinairal mo. Isang tanong,
isang sagot: Gusto mo ba o ayaw mo?
KRISTINA
:
Eh...
MADEL
:
Good! Yan ang gusto ko sa tao. Diretso kung
magsalita. Wala nang paliguy-ligoy pa. Hala, sige,
si Ester na ang bahala sa iyo. Hindi pa ako pagod magsalita,
pero ikaw ang inaalala ko. Baka pagod ka na sa pakikinig.
ESTER
:
Hindi kalakihan ang aming bahay, Kristina, pero marahil naman ay kasya
tayong dalawa. Sana’y magustuhan mo ang aming lugar.
KRISTINA
:
Naku, marami hong salamat sa inyo, Aling Ester, Aling Madel.
Ang babait talaga ninyo.
MADEL
:
Iha, lahat kaming mga tagarito ay talagang mababait. Isa lang
ang maipapayo ko sa iyo. Mag-iingat ka lang palagi at huwag
basta-basta magtitiwala sa kahit kanino, lalo na sa lugar na
ito. Maliwanag ba?
KRISTINA
:
Ho?
ESTER
:
Nagbibiro lang iyan. Halika na nga at sasamahan kita sa iyong
magiging silid. Madel, puwede bang ikaw na muna ang maiwang
bantay sa tindahan? Saglit lang ako.
MADEL
:
Kahit tagalan mo.
KRISTINA
:
Eh teka, paano nga po pala ang bayad sa kuwarto? Magkano po
ba?
ESTER
:
Saka na natin pag-usapan ang tungkol doon. Halika
na’t alam kong pagod ka. Makapagpahinga ka muna.
KRISTINA
:
Paalam na po muna sa inyo, Aling Madel.
MADEL
:
Adyos!
DIEGO
:
(Halatang
nakainom na.) Aling Eshter, ishang lapad nga ho,
shamahan na ninyo ng yelo at baso.
MAGNO
: At
saka ho pulutan.
KULAS
: At
saka baka ho pwede namin kayong maiteybol, Aling Ester?
MADEL
:
Hoy! Mahiya naman kayo sa mga balat ninyo!
Umagang-umaga, laklak agad ang hanap ninyo. Ni hindi pa yata
kayo nakapagmumumog!
DIEGO
:
Kaya nga ho kami umoorder ng alak, eh. Para
magmumog! (Tatawa.)
MADEL
: Hmp!
DIEGO
:
Aba, tingnan mo nga naman at narito pala si Aling Madel! Ang
tsishmosang si Aling Madel!
MADEL
:
Hindi ako tsismosa!
KULAS
:
Siya nga naman, Diego. Bakit mo sinasabing tsismosa si Aling
Madel? Tutoong si Aling Madel ay isang taong prangka kung
magsalita.
MAGNO
:
Isang taong diretsa sa punto at hindi na lumiligoy pa kung makipag-usap.
DIEGO
:
Shyanga naman pala. Pashensya na kayo, Aling Madel.
Nakapagshalita lamang ako ng gayon dahil sha aking kalashingan.
MADEL
:
Hmp! Ang hirap kasi sa inyo’y sa tiyan ninyo
inilalagay ang alak at hindi sa bituka!
DIEGO
:
Ipagpatawad ninyo, Aling Madel, ang aking kashalanan. Shyanga
pala... Ano ho ba ang pinaka-latesht na balita?
MADEL
:
Hoy! Ako’y taong abala sa mga mahahalagang
bagay. Wala akong panahon para sa mga walang kuwentang
balita, kaya sa bagay na iyan ay wala kayong mapapakinabang sa
akin. Siyempre, lahat naman siguro kayo ay pamilyar sa
nangyaring aksidente sa alkalde ng ating bayan. Sa ating
dating kagalang-galang na Meyor Crispulo Sandoval. Sumalangit
Nawa... Biglang-bigla ang kanyang pagkamatay, at ayon sa mga report ng
mga respetableng pahayagan ay natagpuan na lamang siyang isang malamig
na bangkay sa silid ng hotel na kanyang tinitigilan noong dumalo siya
sa pambansang kumbensyon ng partidong pulitikal na kanyang kinaaaniban
bilang paghahanda sa darating na halalan. Atake raw sa puso
ang sanhi ng pagkamatay. Ngunit sa mga mumurahing tabloyd ay
may binabanggit na tungkol sa isang disisais anyos na babaeng kasama
diumano ng isang pinuno ng pamahalaan sa kuwarto ng hotel, na siyang
histerikal na nagsisigaw at humingi ng saklolo sa mga tauhan ng hotel
noong malagutan ng hininga ang biktima. Maraming kilalang tao
at mga opisyal na may mataas na posisyon sa gobyerno, kabilang na si
Vice Mayor at ngayon ay siya nating Acting Mayor Acero, ang nagpadala
ng mga koronang bulaklak, dumalaw at nakidalamhati sa kanyang naulilang
kabiyak at limang anak na puro panganay.
KULAS
:
Puro panganay ikan’yo, Aling Madel?
MADEL
:
Puwes, iyan ang kumakalat na bulungbulungan, ngayong ang alkalde ay
patay na at wala nang pagkakataon para ito’y
kumpirmahin o pabulaanan. Pero sinabi ko na naman sa
inyo. Ako’y lubhang abala sa mga mas importanteng
bagay at wala akong panahon para ipagtanung-tanong upang beripikahin
kung tutoo o hindi ang balita.
MAGNO
:
(Hihimasin
ang liig at lulunok.) Nakakauhaw naman pala ang balitang
iyan.
DIEGO
: Oo
nga! Tuyung-tuyo na rin ang balumbalunan ko.
Nashaan na ba si Aling Eshter?
MADEL
:
Para ano pa? Ang magagawa ni Ester ay kaya ko ring
gawin. Sandali at kukunin ko ang inyong mga pamatid-uhaw.
DIEGO
:
Pero nakakahiya naman sha inyo, Aling Madel. Alam namin na
kayo ay abalang tao.
MADEL
:
Alam mo, gaano man kaabala ang isang tao ay hindi siya dapat mawalan ng
kahit kaunting panahon para sa mabigat na pangangailangan ng kanyang
kapwa. Sandali lang. (Papasok
sa tindahan at
ilalabas ang order ng tatlo.)
KULAS
:
Talagang prangka itong si Aling Madel.
MAGNO
:
Kulang na lang kay Aling Madel ay sabitan ng medalya.
ESTER
: Ano
bang medalya?
DIEGO
:
Medalya ng pagiging tsish...prangka. Aling Eshter, magandang
umaga!
ESTER
:
Magandang umaga, Diego. Napakaaga naman yata ang happy hour
natin ngayon?
MADEL
:
Hindi napakaaga, Ester. Napakahaba. Bago dumating
rito ang mga yan ay full tank na.
KULAS
:
Naglilibang lang ho ng konti, Aling Ester...
(Mapapalingon)
Gaya ni Padre Moranaz.
ESTER
:
(Hindi
pansin ang dumarating.) Paano nadamay sa usapan
si
Padre Moranaz?
MAGNO
: Si
Padre Moranaz ay... dumarating, Aling Ester.
(Tatayo.)
Magandang umaga ho, Father.
ESTER
:
Aba, Father! Magandang umaga ho!
MADEL
: Hmp!
MORANAZ
:
Magandang umaga, mga anak. Tamang-tama at naririto
kayo. Hindi na namin kayo kailangang puntahang isa-isa sa
inyu-inyong bahay.
ESTER
: Ano
po ba’ng sadya, Father?
MORANAZ
:
Ang ating parokya ay maglulunsad ng isang Bible Study. Sa
bahay nina Sister Concha gaganapin ang unang pagtitipon, mamayang
alas-nuwebe nang umaga. Ibig sana naming anyayahan kayong
dumalo.
MADEL
:
Bible Study. Hmp!
DIEGO
:
Mawalang-galang na, Padre. Ano ba yang tinatawag ninyong
“Bible Sshhtudy” at ano ang kabuluhan niyan sha
aming buhay? Nakakain ba yan? O mash importante,
naiinom ba yan?
MORANAZ
:
Alam mo, anak, ang Bible Study ay isang pag-aral sa banal na Salita ng
Diyos.
DIEGO
:
Teka muna. Paano ninyo ako naging anak? Kayo ba ang
aking ama?
MORANAZ
:
Ang mabuti siguro’y sa ibang araw tayo mag-usap,
Diego. Kapag hindi ka nakainom, saka ko sasagutin lahat ang
mga tanong mo. Bueno, kami’y hindi na
magtatagal. Aasahan namin ang inyong pagdalo sa sama-samang
pag-aaral sa Salita ng Diyos, kung hindi man mamaya ay kahit na sa
ibang pagkakataong darating. Paalam na, mga anak.
DIEGO
:
(Titindig.)
Teka muna, Padre. Huwag kayong bastosh
na bashta na lang tatalikod kapag kinakaushap kayo. Itinuturo
ho ba sha bibliya ang kabashtusan sa pakikipag-ushap sa kapwa?
TOMAS
:
Father, tayo na po. Huwag po ninyong pansinin si
Diego. Lasing lang po iyan kaya ganyan.
DIEGO
:
Hoy, Tomash! Hindi ako lashing! Ang hirap sha
inyong mga taong banal, sha mga kapwa banal lamang kayo marunong
makipag-ushap nang matino. Bakit? Wala na ba akong
karapatang matuto tungkol sha aral ng Diyosh? Nagtatanong ako
nang maayosh kay Padre Moranazh tungkol sha kabuluhan ng
“bible shhtudy”, pagkataposh, tatalikuran
ako. Bakit? Hindi ba ninyo alam ang ishashagot sha
tanong ko?
MORANAZ
:
Hindi naman sa gayon, Diego. Kaya lang...
MARIO
:
Padre, tayo na. Sobra na ang pambabastos na ginagawa sa inyo
ng lasenggerong iyan.
DIEGO
:
Hoy, Mario! Huwag mo akong matawag-tawag na lashenggero dahil
hindi ikaw ang gumagastos sa iniinom ko! May trabaho ako at
marunong akong magbanat ng buto, hindi katulad mo na kaya laging may
panahon sha shhhimbahan ay dahil ang ashawa mo at maliliit pang mga
anak mo ang kumakayod sa inyo para hindi magutom ang pamilya mo!
MARIO
:
Hindi tutoo yan! Bawiin mo ang sinabi mo. (Akmang
susugurin si DIEGO, aawatin ng mga kasamahan.)
DIEGO
:
Anong hindi tutoo? Ayan shi Aling Madel. Shiya ang
aking teshtigo. Shiya rin ang nagkukuwentong madalash tungkol
sa misherableng buhay ng pamilya mo habang ikaw ay maghapong
nagshashakripisyo para maipangaral ang ebanghelyo ng kaligtashan sha
ibang tao. Bakit hindi mo itanong kay Aling Madel?
Hindi ka niyan tatalikuran di kagaya ni Father. Prangkahan
niyang shasagutin ang tanong mo.
MADEL
:
Aba, Tomas, hindi ko ugali ang manghimasok sa buhay ng ibang
tao. Lasing lang yang si Diego kaya nakapagsasalita ng ganyan.
DIEGO
:
Hoy! Isha ka pa palang bashtos kausap, Aling Madel.
Dapat ka ngang puluputan ng medalya sha liig para matahimik nang
tuluyan ang iyong bibig! Pero hindi na ako
nagtataka. Anong shabi ni Aposhtol Shantiago, Padre, tungkol
sa dila ng tao? Bakit ayaw ninyong shagutin ang tanong
ko? Gushto ninyong mag-“Bible Shtudy”,
eto na ang “Bible Shtudy.” Akina yang
Bibliya, Aling Auring. (Hahablutin
ang bibliya, ibibigay kay
KULAS.) Shige, Kulas, bashahin mo ang shinashabi
ni Aposhtol
Shantiago tungkol sa dila ng tao. Aling Madel Madeldel,
makinig kayong mabuti.
KULAS
:
Diego, hindi ako marunong gumamit nito. Alam mo namang alak
ang kinalakihan kong relihiyon.
DIEGO
:
Isha ka pang dapat mahiya sha sharili mo, Kulash. Hindi mo ba
alam na ang pangalan mong Kulash ay pangalan din ng isa sha mga
manunulat ng Bagong Tipan sha Bibliya, binaligtad lamang ang
ishpeling? Akina nga iyan! (Kukunin
ang Bibliya,
bubuklatin sa sulat ni Santiago.) Eto, Shulat ni
Shantiago
Aposhtol, kapitulo tresh, bershikulo uno hanggang doshe.
(Ibabalik
kay KULAS ang Bibliya.) Shige, Kulas.
Bashahin mo para kay Aling Madel. Kayo din (ituturo
ang mga
kasamahan ng pari), lalo na kayong mga mahihilig mangaral
sa inyong
kapwa, makinig din kayo. (Uupo at
iinom ng alak sa baso.)
KULAS
:
(Tatayo
at babasahin nang medyo nangangapa sa letra, halatang hindi
sanay magbasa ng Bibliya.) “Mga
kapatid, huwag
maghangad na maging guro ang marami sa inyo yamang alam ninyo na tayong
nagtuturo ay hahatulan nang mahigpit kaysa iba. Tayong lahat
ay malimit magkamali. Ang sinumang hindi nagkakamali sa
kanyang pananalita ay isang taong ganap, at marunong magpigil sa
sarili.”
DIEGO
:
(Titindig,
itataas ang baso.) Ehymen? (Sisikuhin
si MAGNO na nasa aktong umiinom.)
MAGNO
:
Ehymen!
KULAS
:
“Kapag nilagyan ng bokado ang bibig ng kabayo,
ito’y napasusunod at napapupunta saan man natin
ibig. Gayon din ang barko. Bagama’t
ito’y napakalaki at itinutulak ng malalakas na hangin,
naibabaling ito sa pamamagitan ng isang napakaliit na timon saanman
ibigin ng piloto. Ganyan din ang dila ng tao. Kay
liit-liit na bahagi ng katawan ngunit malaki ang nalilikhang
kayabangan.”
DIEGO
:
Ehymen?
MAGNO
:
Ehymen!
KULAS
:
“Isipin na lamang ninyo! Napalalagablab ng isang
maliit na apoy ang isang malawak na kagubatan. Ang dila ay
isa ngang apoy, isang daigdig ng kasamaang nakakahawa sa ating buong
katawan. Mula sa impyerno ang apoy na ito at pinapag-aapoy
ang lahat sa buhay ng tao. Lahat ng uri ng ibon at hayop na
lumalakad o gumagapang o nakatira sa tubig ay kayang supilin at
talagang nasusupil ng tao. Ngunit walang makasupil sa
dila. Ito’y napakasama at walang tigil, puno ng
kamandag na nakamamatay. Ito ang ginagamit natin sa pagpupuri
sa ating Panginoon at Ama, at ito rin ang ginagamit natin sa
pag-alimura sa tao na nilalang na kalarawan ng Diyos.”
DIEGO
:
Ehymen?
MAGNO
:
Ehymen!
MORANAZ
:
Napakagandang mensahe, Diego. Bueno, kami’y hindi
na magtatagal. Marami pa kaming dapat na puntahan.
DIEGO
:
Teka muna, Father! Bakit ba parang iwash na iwash kayo sha
akin? Dahil ba sha ako ay mashama hindi kagaya ng mga taong
banal na kashama ninyo kaya iniiwashan ninyong makipag-ushap nang
matagal sha akin? Ang tao bang mashama na katulad ko ay hindi
mahal ng Diyosh?
MORANAZ
:
Mahal ka ng Diyos, Diego. Lahat tayo, ano man ang ating
katatayuan sa buhay, ay pantay-pantay sa mata ng Diyos. Mahal
Niya tayong lahat.
CONCHA
: Oo
nga, Diego. “Gayon na lamang ng pag-ibig ng Diyos
sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang
ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay
na walang hanggan.” Iyan ang nasusulat sa John 3:16.
DIEGO
:
Ehymen, Aling Concha. Ehymen! (Kay
MAGNO)
Ehymen?
MAGNO
:
Ehymen!
DIEGO
:
Nakita na ninyo, Father. Dito pa lang ay puwede na tayong
mag-“bible shhhtudy.” Mahal ako ng
Diyosh. Mahal tayo ng Diyosh. Ehhhyyymen!
Ehymenom muna tayo. Aling Eshter, isa pa nga hong lapad.
MORANAZ
:
Diego, iho, tama na yang pag-inom. May bukas pa
naman. Meron pang makalawa. Huwag mong lunurin sa
alak ang iyong sarili sa iisang araw. Ang labis na pag-inom
ay masama sa katawan ng tao.
TOMAS
: Ang
katawan ng tao ay siyang templo ng Espiritu Santo, kaya hindi ito dapat
na inaabuso.
CONCHA
: At
saka sinasabi sa Bibliya, sa aklat ng Mga Kawikaan: “Ang alak
ay palalo. Ang inuming matapang ay magulo. Sino
mang mahilig sa mga ito ay hindi marunong.”
DIEGO
:
Tama kayo. Tama kayong lahat. Ako ang
mali. Ako ang hindi marunong, kaya ako ang
makashalanan. Pero mahal ako ng Diyosh. Kayo ang
mga mabubuti, ang mga banal, at mahal din kayo ng Diyosh.
Pero ako’y tutoong makashalanan, Padre. Inaamin ko
na ako’y isang makashalanan, at hindi ko itinatago ang
katotohanan tungkol sha aking sharili. Eh kayo (ituturo
ang
mga kaharap, simula sa pari), kayo, kayo, kayo... genuine
nga ba iyang
idinidishpley ninyong kabaitan, o iyan ba’y palabash lamang
para kayo’y mapuri at hindi mapulaan ng inyong mapanghushgang
kapwa tao? Ehymen? Ehymenon muna tayo!
Aling Ester, isha pa nga!
ACERO
: Mga
kabayan, mukhang nagkakasayahan yata tayo, ah. Father,
magandang umaga sa inyo.
MORANAZ
:
Magandang umaga, Meyor.
ESTER
:
Meyor, magandang umaga po. Napasyal kayo?
ACERO
:
Alam n’yo na, Aling Ester, maaga pa’y kumikilos na
ang mga kalaban ko sa pulitika, kaya ako naman po ay gayon na
rin. Umaasa akong sa darating na halalan ay muli ninyong
tatangkilikin ang inyong abang lingkod para sa magandang hinaharap at
patuloy na pag-unlad ng ating bayan. (Makikipagkamay.)
DIEGO
:
(Itataas
ang baso, at gayon din ang gagawin nina MAGNO at
KULAS.) Ehymen, Mayor! Ehymenom muna
tayo!
ACERO
:
Salamat, Diego. (Makikipagtagayan
siya sa mga
nag-iinuman.) O kayo, bakit kahit softdrinks ay
wala kayong
iniinom? Aling Ester, pakibigyan nga ho ninyo sila ng
pamatid-uhaw. Ipaglabas na rin ho ninyo sila ng
mamemeryenda. Father, mga kasama... halina muna kayo at
samahan ninyo kaming magpalamig.
JUANITO
:
(Bubuklatin
ang mga pahina ng munting kuwaderno na waring binabasa nang
mabilis ang mga naisulat mula kanina. Magkakamot ng
tuktok.) Hmm. Paano kaya ang magandang
gawin
dito? Medyo mahihirapan ako sa aking assignment.
(Tsetsekan
ang nakasulat sa kwaderno.) Diego
Macabago... Hmm...
PABLITO
:
Diego Macabago... Hmm... (May
pipindutin sa laptop computer.)
Isinilang sa Rosario, Cavite, 38 taong gulang; walong magkakapatid sa
pamilya; nagtapos sa elementarya sa San Roque Catholic School; naulila
sa ama sa idad na labingtatlo; natigil sa pag-aaral; nagsi-mulang
maghanapbuhay bilang limpia de bota upang matulungan ang ina sa
pagpapalaki ng mga kapatid; lumipat ang pamilya sa isang liblib na pook
sa Sorsogon; anim at kalahating taong nanirahan sa piling ng tiyuhin sa
Leyte; Mahigit na ngayong sampung taong nakatira sa San Isidro; binata;
kargador sa palengke ...
JUANITO
:
Wow! Reporter siguro ang taong ito. Kararating pa
lamang ay kaydami nang naisulat tungkol sa pari!
PABLITO
:
Hindi ako reporter, at hindi ako nagsulat ng anuman tungkol sa
pari. Binasa ko lang itong nasa database ng aking portable
computer.
JUANITO
:
(Lilingon
at titingin sa paligid.) Aba, sino kaya ang
kinakausap niya, ay ako lang naman ang malapit sa kanyang puwesto?
PABLITO
:
Sino pa nga ba sa palagay mo? Eh di, ikaw.
JUANITO
:
Ako?
PABLITO
:
Oo, ikaw nga.
JUANITO
:
(Magkakamot
ng tuktok, sasapuhin ang dibdib.) Naku po,
nalintikan na! Lagot ako nito kay Manager Peter!
PABLITO
:
Bakit lagot? At sino si Manager Peter?
JUANITO
:
Si San Pedro. Pinababa niya ako rito para sa isang special
assignment. Kailangan kong mahikayat ang mga tao upang
magsisi at talikuran ang kasamaan at magbalik-loob sa Diyos.
Pero mahigpit ang utos niya sa akin na hindi ako maaaring makipag-usap
nang diretsahan at di rin puwedeng magpakita sa sinumang tao dito sa
lupa.
PABLITO
:
Ganoon ba?
JUANITO
:
Ganoon nga. Pero ngayong kausap kita, at nakikita mo pa...
naku! Patay ako kay Manager Peter pag nagkataon!
PABLITO
:
Hmm... Bawal pala sa iyo ang diretsang makipag-ugnayan sa mga tao, ha?
JUANITO
:
Ganoon ang kundisyon bago ako pinayagang makabalik dito.
PABLITO
:
Makabalik dito? Ibig mong sabihin, dati ka nang galing rito?
JUANITO
:
Katulad rin ninyo ako dati. Isang tao. Pero nang
tawagin ako sa aking huling hantungan at marebisa ang transcript of
records ko, incomplete daw ang grades ko sa kagandahang asal, pero
hindi rin daw naman sapat ang bilang ng mga back subjects ko para
magdusa sa impyerno. Sa maikling salita, sa purgatoryo ako
humantong kung saan kailangan kong makumpleto ang aking mga
deficiencies. Ang aking sintensya ay 15,000 calendar
years. Kamakailan ay nagkaroon ng special offer sa
purgatoryo. Mapapaikli raw ang pagtigil roon ng sino mang
tatanggap ng special assignment na babalik sa mundo upang tumulong sa
inilunsad na campaign ni San Pedro. Ang tawag dito ay
PIRMA.
PABLITO
:
PIRMA?
JUANITO
:
Oo. Peter’s Initiative to
Reform Mankind, Ah! PIRMA for short. Nalalapit na
naman ang eleksyon sa langit, at mukhang walang balak si Manager Peter
na umalis sa puwesto bilang tagapag-ingat ng susi sa pinto ng
maluwalhating kaharian. Kaya naisipan niyang ilunsad ang
Peter’s Initiative to Reform Mankind, Ah! Isa ako
sa mga first batch of volunteers ng kilusang PIRMA. Dito ako
nadestino. Kailangan kong mapagbago ang tao, at mahikayat
silang magbalik-loob sa Diyos. Pero yun nga! May
ilang kundisyones, kagaya ng – di ako puwedeng makipag-usap o
magpakita sa sino mang tao. First day ko pa lang sa trabaho,
palpak na kaagad, dahil may kausap na akong tao.
PABLITO
:
Pero hindi ako tao.
JUANITO
:
Hindi ka tao?
PABLITO
:
Dati, oo. Pero ngayon, kaluluwa na rin ako na katulad
mo. Galing rin ako sa sinasabing mong purgatoryo.
JUANITO
:
Pero bakit ngayon lang yata kita nakita? Halos lahat ng
bilyun-bilyong kaluluwa sa purgatoryo ay kakilala ko na sa tagal ng
ibinakasyon ko roon.
PABLITO
:
Kamamatay ko pa lamang kanina. Diretso agad ako sa
impyerno. Kaso, pagdating doon, noong sinusukatan na nila ako
ng uniporme...
JUANITO
:
Uniporme?
PABLITO
:
Yung buntot at sungay saka itim na pakpak at pangil... Walang
magkasyang uniporme sa akin. Hindi pa raw ganap ang aking
kasamaan, kaya ni-reject nila ako sa impyerno at ipina-transfer sa
purgatoryo.
JUANITO
:
Ni-reject?
PABLITO
:
Oo. Masyado na raw overcrowded ang impyerno kaya tinaasan
nila nang husto ang kanilang pamantayan roon, at hindi na sila
basta-basta tumatanggap ng kahit na lang kung sino. Ang
pinapapasok na lamang nila sa impyerno ay yung mga talagang sagad sa
buto ang kabuktutan.
JUANITO
:
Samakatuwid pala’y sa purgatoryo ka rin galing.
Ilang taon ng sintensya mo?
PABLITO
:
Ang sabi sa akin ay isang daang milenyum ang itatagal ko roon, dahil
mas marami akong nagawang kasamaan kaysa kabutihan noong
ako’y nabubuhay.
JUANITO
:
Isang daang milenyum!
PABLITO
:
Oo. Bale 100,000 years. Kapag nakumpleto ko ito,
makakapasok na rin ako sa langit. Pero ang sabi sa akin doon,
kung gusto ko nga raw mapadali ang pagpasok sa langit, mag-volunteer
daw ako sa... ano na nga yong sabi mo kanina?
JUANITO
:
PIRMA.
PABLITO
:
Yon. Bago pa lang kasi ako kaya hindi ko pa kabisado,
eh. Pero bago ako napunta sa purgatoryo, itinanong ko sa
front desk officer ng impyerno kung may pag-asa pa akong makabalik roon
sakaling mapunta ako sa purgatoryo.
JUANITO
:
Babalik ka sa impyerno? Ayaw mo sa langit?
PABLITO
:
Wala akong gaanong alam na gawain tungkol sa langit. Baka
hindi rin ako mag-enjoy doon. Kahit papaano, sa impyerno,
siguradong mas marami ako roong kakilala. Mga bigatin pa
– mga presidente, senador, kongresista, artista, may mga
obispo at pastor pa! Hindi ako mahihirapang makisama.
JUANITO
:
Anong sabi sa iyo?
PABLITO
:
Sabi nung front desk officer, kung maglalagay raw ako, baka sakaling
“maareglo” niya ang mga papeles ko at mapalabas na
notoryus akong kriminal na dapat sentensyahan sa impyerno.
Pero sabi ko, wala akong panlagay.
JUANITO
:
Anong panlagay?
PABLITO
:
Shabu-shabu.
JUANITO
:
Shabu?
PABLITO
:
Hindi shabu... Shabu-shabu. Ayon sa front desk officer sa
impyerno ay paborito niya ang mga Japanese food, lalo na nga raw ang
shabu-shabu, tempura, yakitori, sushi...
JUANITO
:
Tama na, ginugutom ako! Ano’ng nangyari?
PABLITO
:
Ang sabi ko’y hindi ako nakapagbaon ng panlagay dahil
aksidente ang aking pagkamatay, isang aksidenteng hindi inaasahan kaya
hindi ko napaghandaan. Pero nangako ako sa kanya na kung
tutulungan niya akong makabalik sa impyerno ay hindi ko lamang siya
dadalhan ng mga masasarap na Japanese food, magsasama pa ikako sa
impyerno ng magaling na Japanese cook.
JUANITO
:
Pumayag ba siya?
PABLITO
:
Well, ang sabi niya sa akin, kung talaga raw na interisado akong
makapasok sa impyerno, kailangan ko pa ring magpunta muna sa
purgatoryo, magpa-register sa PIRMA at humingi ng assignment para
makabalik sa lupa. Pag nakabalik na ako sa lupa, siya na raw
ang bahala. Sinunod ko ang kanyang bilin. At kagaya
mo, dito rin ako napadestino. At alam mo ba?
Pagdating ko rito kanina, may nag-aabang na sa akin, isang messenger
mula sa impyerno. Binigyan niya ako ng isang portable
personal computer – eto yon – at mga instruksyon
tungkol sa aking misyon.
JUANITO
:
Talaga?
PABLITO
:
Oo! At di lang yan. Binigyan pa rin ako ng kaunting
kapangyarihan, konting black magic para magamit ko sa pagtukso sa mga
tao upang gawin silang masasama, mga sagad sa buto ang
kasamaan. Nasa database ng komputer na ito ang lahat ng
impormasyong kakailanganin ko tungkol sa mga taong naninirahan
dito. Tulad kanina, halimbawa, pagkatapos kong i-type ang
pangalan ni Diego Macabago at pindutin ang Enter, nalaman ko mula sa
komputer na ito ang tungkol sa kanyang buong buhay at
pagkatao. Mabilis, one click lang, ayos na.
JUANITO
:
Ganoon pala! Akala ko pa naman kanina ay isa kang
manunulat. Akala ko pa rin, isang tao ang kausap ko at hindi
kaluluwang kagaya ko na galing sa purgatoryo. Nakakainggit ka
naman, may kompyuter ka pa, samantalang ako, kapirasong notebook lang
at ballpen ang ibinigay sa akin ni Manager. Problema ko tuloy
ngayon, hindi ko maisip kung paano ko magagawa ang balak kong gawin...
PABLITO
:
Ano ba ang balak mong gawin?
JUANITO
:
Una, balak ko sana munang magsagawa ng isang market research.
Parang feasibility study. Gusto kong magkaroon ng listahan ng
kung sino sa mga tao rito ang tunay na nagmamahal sa Diyos at laging
handang tumupad sa kanyang mga utos; gayundin kung sino naman ang
sumusunod sa mga utos ng Diyos hindi dahil mahal nila Siya kundi dahil
natatakot silang maparusahan kapag sinuway nila ang Kanyang kalooban;
gayundin kung sino yaong mga tumutupad sa mga utos hindi dahil sa takot
o pag-ibig sa Diyos kundi dahil sa labis na pagmamahal sa sarili at
kayabangang ginagatungan ng mga papuri ng kapwa nilang humahanga sa
kanilang panlabas na asal; gayundin, ang mga naghahangad at nagpipilit
na makatupad sa kalooban ng Diyos ngunit dala ng kahinaan ay
paulit-ulit na nagagapi ng tukso at nabubulid sa kasalanan; at,
siyempre pa, yaong mga taong ayaw sumunod sa utos ng Diyos dahil...
ayaw nila.
PABLITO
:
Hmm. Gusto mong magkaroon, samakatuwid, ng iba’t
ibang klasipikasyon ng mga tao ayon sa antas ng kanilang
pakikipag-ugnayan sa kanilang Lumikha. Magandang
ideya. Pero saan mo gagamitin ang listahang iyong mabubuo?
JUANITO
:
Siyempre, batay sa listahang iyon ay makapagpaplano ako ng mga
istratehiya kung sino sa kanila ang pagbubuhusan ko ng lalong malaking
panahon, atensyon at aksyon, at kung sino ang hindi gaano.
Ang tawag roon ay prioritizing. Halimbawa, yung nasa
pinakahuling kategorya marahil ay dapat na maging first priority ko
dahil mas mahirap mareporma ang kanilang ugali kumpara sa iba.
PABLITO
:
Maganda ngang ideya. Pagkatapos, ano pa ang balak
mo? Paano mo naman sila marereporma?
JUANITO
:
Bueno, iyan ang problemang hindi ko pa tapos pag-isipan.
Basta ang alam ko, meron na akong naisip na umpisa, at saka ko na
daragdagan ang mga plano kapag nagawa ko na ang mga preliminary steps
ng aking misyon.
PABLITO
:
Magandang ideya. Teka, itong balak mong pagkakategorya o
paggawa ng klasipikasyon ng mga tao, paano mo malalaman kung sino ang
tunay na nagmamahal sa Diyos, sino ang hindi, at sino ang iba pa?
JUANITO
:
Simple lang. Itatanong ko sa kanilang lahat na, kung sakali,
pakinggan mo – KUNG SAKALI LANG, na suspendido muna ang lahat
ng kautusan, at samakatuwid ang tao ay magiging ganap na malaya upang
gawin ang kanyang maibigan, at siya ay hindi maparurusahan sakaling
abutin man ng kamatayan habang nasa gayong kalagayan ng pamumuhay sa
kasalanan, ano ang kanyang gagawin? Sa kanilang itutugon o
reaksyon ay malalaman ko kung sino ang patuloy na gagalang at tutupad
sa batas ng kabutihang-asal, at kung sino ang magsasamantala sa
pagkakataon upang pagbigyan ang sariling kagustuhan sa halip na sundin
ang kalooban ng Maykapal.
PABLITO
:
Napakagandang ideya! Labis mo akong pinahanga sa husay mong
magbalangkas ng mga matatalinong plano. (Kakamayan
si
Juanito.) Hayaan mong batiin kita, ah... eh...
JUANITO
:
(Makikipagkamay.)
Juanito. Juanito
Bonito. At ikaw?
PABLITO
:
Pablito. Pablito Nandito.
JUANITO
:
Ikinagagalak kong makilala ka, Pablito.
PABLITO
:
Gayon din ako sa iyo, Juanito. Ibilang mo akong isang bagong
kaibigan at masugid na tagahanga. Ang iyong mga ideya ay
talagang magaganda!
JUANITO
:
Salamat. Meron lamang isang problema.
PABLITO
:
Problema?
JUANITO
:
Bukod sa hindi ako maaaring makipagkita o makipag-usap sa sinumang
mortal na nilalang, hindi rin ako pwedeng magsinungaling sa
kanila. Mare-revoke ang lisensya ko at agad akong papabalikin
sa purgatoryo. Ayokong bumalik roon, nakakainip maghintay.
PABLITO
:
Hmm. Problema nga iyan. Hindi mo masasabi sa tao
ang tungkol sa suspensyon ng batas. Sayang, maganda pa naman
ang iyong ideya. Wala ka na bang naisip na ibang paraan?
JUANITO
:
Wala na. Ikaw ba ay mayroon?
PABLITO
:
(Mag-iisip.)
Hmm. Wala akong balak na bumalik sa
purgtoryo at mapunta sa langit.
JUANITO
:
Ganyan nga ang aking pagkaunawa.
PABLITO
:
Puwede akong magpakita sa tao.
JUANITO
:
Talaga?
PABLITO
:
Puwede rin akong makipag-usap sa kanila.
JUANITO
:
Talaga?
PABLITO
:
At higit sa lahat, puwede akong magsinungaling.
JUANITO
:
Talaga?
PABLITO
:
Of course! Yan ang aking specialty.
JUANITO
:
Kung gayon, matutulungan mo ba ako?
PABLITO
:
Kaibigan mo ako, hindi ba?
JUANITO
:
Oo.
PABLITO
:
At isa mong masugid na tagahanga.
JUANITO
:
Yan nga ang sabi mo.
PABLITO
:
Sayang lang ang ating pagiging magka-ibigan at ang paghanga ko sa iyo
kung hindi kita matutulungan. Kung gusto mo, ngayon din ay
ipaaalam ko sa mga tao sa lalong madaling panahon ang tungkol sa iyong
mensahe – na suspendido muna ang mga kautusan at malaya
nilang magagawa ang kanilang maibigan.
JUANITO
:
Hindi ganoon. Ang aking mensahe ay sa porma ng isang tanong
tungkol sa isang hipotetikal na sitwasyon. Ano ang gagawin ng
tao KUNG SAKALING SUSUSPINDIHIN... Inuulit ko, KUNG SAKALI...
PABLITO
:
Ganoon na nga ang tinutukoy ko.
JUANITO
:
Paano mo sila kakausapin?
PABLITO
:
Ipaubaya mo na ang detalye sa akin.
JUANITO
:
(Kakamayan
si PABLITO.) Labis-labis mo akong pinaligaya,
Pablito Hindi ko alam kung paano kita sisimulang pasalamatan.
PABLITO
:
Gusto mong makaganti ng utang na loob?
Juantio :
Oo. Sabihin mo lang sa akin kung sa paanong paraan.
PABLITO
:
Puwes. Ihanap mo ako ng isang mahusay na Japanese cook na
marunong magluto ng Japanese food. Hanggang sa muling
pagkikita, kaibigan. Paalam. (Lalabas.)
JUANITO
:
(Mag-iisip
nang malalim.) Japanese cook na marunong magluto
ng Japanese food?
TAGPO:
MADEL
: Ang
laking halaga nito! Kanino kaya ito?
MADEL
: (Sa
sarili, habang dali-daling itinatago ang pitaka.)
May tao!
PABLITO
:
Excuse me?
MADEL
: Yes?
PABLITO
:
Pwede bang magtanong?
MADEL
: Ano
yon?
PABLITO
:
Meron ka bang napansin ditong...
MADEL
:
Wala.
PABLITO
:
Wala?
MADEL
:
Wala. Marahil ay sa ibang lugar mo naiwala ang hinahanap mong
pitaka. D’yan ka na. (Aktong
paalis.)
PABLITO
:
Sandali lang, Miss...
MADEL
:
Madel. O, ano pa ang kailangan mo. Madali ka, dahil
ako’y abalang tao at wala akong panahon para sa mga walang
kuwentang pakikipag-usap na gaya nito.
PABLITO
:
Paano mo nalamang pitaka nga ang hinahanap ko?
MADEL
:
Ako’y prangka at palaging diretsa sa punto. Ayaw ko
ng masyadong maraming paliguy-ligoy sa pagsasalita. Hindi ba
tutoong pitaka ang hanap mo?
PABLITO
:
Marunong ka palang manghula!
MADEL
:
Hindi naman. Nagkataon lamang na marami akong nalalaman.
PABLITO
:
Ah, isa kang matalino kung gayon!
MADEL
:
Hindi rin, at wala akong balak. Tama na sa akin ang pagiging
maalam, dahil marami akong alam.
PABLITO
:
Siyanga ba? Bueno, kung ikaw ay maraming alam, ang lahat ba
ng kaalaman na dapat mong malaman ay iyo nang nalalaman?
MADEL
:
Ano? Hindi ko yata na-get ang sinabi mo.
PABLITO
:
Meron akong alam na sikreto, at siguradong ito ay hindi mo pa nalalaman.
MADEL
:
Walang sikre-sikreto sa akin. Basta mga bagay na importante,
ako’y hindi nagpapahuli. Meron akong taingang
kawali, lalo na sa mga lihim na kawili-wili.
PABLITO
:
Pero ang isang ito’y siguradong hindi mo pa nalalaman!
MADEL
: At
paano mo natiyak?
PABLITO
:
Dahil ito’y hindi sikreto ng tao, bagama’t malaki
ang kinalaman nito sa magandang kapalaran ng tao.
MADEL
:
Hindi kita maintindihan.
PABLITO
:
Talagang hindi mo ako mauunawaan hangga’t hindi ko nasasabi
sa iyo ang lahat.
MADEL
:
Pwes, bakit hindi mo pa sabihin sa akin ang lahat?
PABLITO
:
Dahil nga sa ito’y sikreto at walang nakaaalam nito liban sa
akin. Oras sa sabihin ko ito sa iyo...
MADEL
:
Marunong akong magtago ng sikreto!
PABLITO
:
Ikaw ba’y nangangakong mananahimik tungkol dito?
MADEL
: Oo,
nangangako ako.
JUANITO
:
(Kay
PABLITO.) Teka, bakit mo naman pinatatahimik, eh
kailangan nga nating ipagsabi para kumalat ito sa tao?
PABLITO
:
(Kay
JUANITO.) Tumahimik ka!
MADEL
:
Kung yan ang gusto mo.
JUANITO
:
(Kay
PABLITO.) Pero kailangang mabunyag ito sa lahat ng tao!
PABLITO
:
(Kay
JUANITO.) Huwag kang maingay!
MADEL
:
Hindi ako mag-iingay.
PABLITO
:
Nakahanda ka bang sumumpang hindi sasabihin kanino man ang sikretong
ibubunyag ko?
MADEL
:
Sumusumpa ako, kahit putulin pa ang dila ko!
JUANITO
:
Patay!
PABLITO
:
Bueno, makinig kang mabuti. (Titingin
sa paligid.)
Ako’y hindi pangkaraniwang nilalang.
MADEL
:
Ano? Ang ibig mong sabihin, ikaw ay isang... Teka, ano ka nga
ba talaga?
PABLITO
:
Ano ba sa tingin mo?
MADEL
:
Huwag mo akong bibiruin. Imposibleng ikaw na kausap ko ngayon
ay isang... anghel!
JUANITO
:
Talagang imposible!
PABLITO
:
At bakit imposible?
MADEL
:
Hindi kasi bagay. Pero teka, iyan na ba ang sinasabi mong
sikreto?
PABLITO
:
Umpisa pa lamang ng sinasabi kong sikreto. Ako’y
naparito upang ipahayag ang isang mahalagang balita.
MADEL
:
Ano’ng mahalagang balita?
PABLITO
:
Nagkaroon ng malaking pagbabago sa balangkas ng gawaing pangkaligtasan
ng sankatauhan. Simula sa araw na ito ay suspendido o
pansamantalang pinawa-walang-bisa ang Sampung Utos na ibinigay kay
Moises sa bundok ng Sinai. Kaya ang tao ay malayang
makagagawa ng kahit anong bagay – mabuti at masama
– nang walang sinusunod o sinusuway na anumang
batas. Samakatuwid pagdating sa kanyang huling araw at sa
oras ng kanyang paghuhukom, ang tao ay hindi hahatulan ayon sa kanyang
mga gawa. Ano man ang kanyang maging atraso sa lupa,
tatanggapin pa rin siya sa langit dahil doon ang lahat ng kaso ay
siguradong ididismis.
JUANITO
:
(Kay
PABLITO.) Ano?
MADEL
:
Ano? Tutoo bang lahat ang sinasabi mo?
PABLITO
:
Bakit? Hindi ka ba naniniwala?
JUANITO
:
(Kay
MADEL.) Huwag kang maniniwala!
MADEL
:
Para kasing hindi kapanipaniwala...
PABLITO
:
Sa maniwala ka’t sa hindi, iyan ang tutoo.
JUANITO
:
Teka muna, teka muna! Ang aking orihinal na proposisyon ay sa
porma ng isang tanong, KUNG SAKALING SUSUSPINDIHIN...
PABLITO
:
(Kay
JUANITO.) Sinabi ko na sa iyong tumahimik ka
diyan!
MADEL
:
Pero paano ako tatahimik, samantalang...
PABLITO
:
Alam ko kung ano ang iyong iniisip.
MADEL
:
Alam mo?
PABLITO
:
Oo. Nangangamba ka na baka walang maniwala sa iyo kapag
sinabi mo ang bagay na ito sa ibang tao, hindi ba?
MADEL
:
Pero bakit ko sasabihin sa kanila? Ito ay isang sikreto!
PABLITO
:
Tumpak! Hindi nila dapat malaman ang sikretong ito.
Ang lihim na ito ay atin-atin lamang!
MADEL
:
Pero, paano kung hindi nga sila maniwala?
PABLITO
:
Hmm... Magandang tanong iyan.
MADEL
:
Maaaring isipin nila na ito ay gawa-gawa ko lamang.
PABLITO
:
May katwiran ka.
MADEL
:
Masisira ang aking kredibilidad sa madla.
PABLITO
:
Hindi dapat magkagayon.
MADEL
:
Baka pagbintangan nila akong nagsisi-nungaling!
PABLITO
:
Walang basehan ang ganyang paratang!
MADEL
: O
kaya’y nasisiraan ng bait!
PABLITO
:
May naisip akong paraan.
MADEL
: Ano?
PABLITO
:
Kung merong ayaw maniwala sa iyo, puwede mong baguhin ang kanilang
salita.
MADEL
:
Baguhin ang salita?
PABLITO
:
Oo. Sa halip na salita ng tao, puwede mong gawing salita ng
hayop ang kanilang wika.
MADEL
:
Salita ng hayop? Paano?
PABLITO
:
Bibigyan kita ng pambihirang kapangyarihan, sa gayon ay makikita nila
na ikaw ay hindi nagsisinungaling, na ang sinasabi mo’y
pawang katotohanan lamang. (Ikukumpas
muli ang kamay at may
sasambulat na usok sa kanyang tapat.)
MADEL
:
(Manlalaki
ang mga mata, titingnan ang dalawang kamay, ititiklop ang
mga palad.) Pakiramdam ko’y may
kakaibang
napadagdag sa akin. Para akong may bagong taglay na
kapangyarihan!
PABLITO
:
Hindi ka nagkakamali. Taglay mo ngayon ang kapangyarihang
baguhin ang dila ng sino mang ayaw maniwala sa iyong
sinasabi. Pero huwag mong kalilimutan, ikaw ay sumumpang
hindi ipagsasabi ang ating lihim!
MADEL
:
Hindi ko ito sasabihin kanino man!
PABLITO
:
Paalam!
ESTER
:
Magandang umaga, Madel.
Tahimik
ka yata ngayon. Ano ba ang bagong balita?
MADEL
:
(Nakatingin
pa rin sa malayo.) Wala.
ESTER
:
Wala? Milagro! Ngayon ka lang yata nawalan ng
ibabalita?
MADEL
:
Bigyan mo nga ako ng isang boteng lapad.
ESTER
:
Aba, Madel! Kataka-taka! Kailan ka pa natutong
uminom ng alak?
MADEL
:
Ngayon pa lang ako mag-eenrol. Sige na, Ester.
Akina’ng order ko. Samahan mo na rin ng isang
kahang sigarilyo.
ESTER
:
Madel! Talagang nakakapanibago ang iniaasal mo
ngayon! Hindi ka naman dating naninigarilyo, ah!
Seryoso ka ba?
MADEL
:
Seryoso ako. Ano ba, bibigyan mo ba ako o hindi?
ESTER
:
Bibigyan... Ikaw naman! Sadya lang na ako’y
nagtataka...
Madel:
Aba’y bilis-bilisan mo ang kilos kung ganon.
(Dudukot
ng pera mula sa pitakang napulot.) O, heto nga
pala ang
bayad. Awasin mo na rin diyan ang lahat ng utang ko.
Ester:
(Habang
inihahanda ang inorder ni Madel.) At mapera ka
pa
ngayon! Talagang nakapagtataka!
MADEL
:
Huwag ka nang magtaka, Ester. Talagang ganyan ang suwerte ng
tao... bigla na lang dumarating kung kailan hindi mo
inaasahan. At isa pa, alam mo bang matagal ko na talagang
gustong gawin itong pag-inom ng alak. Hindi ko lang
maumpisa-umpisahan. Pero ngayong lahat ay puwede ko nang
gawin at wala nang bawal...
ESTER
:
Ano’ng ibig mong sabihin?
MADEL :
Ang pag-inom at paninigarilyo ay itinuturing kong mga kapintasan, mga
bisyong umaalipin sa matinong isipan ng sinumang taong nagiging sugapa
sa mga ito. Pero, alam mo, Ester, madalas kong naiisip noon
pa, at madalas kong itinatanong sa aking sarili: Masarap nga
siguro ang uminom ng alak at manigarilyo. Kasi, kaydami ng
mga nararahuyo sa bisyong ito. Hindi mo alam, Ester, lihim
akong nagnanasa na matikman rin ang kaligayahang tinatamasa ng aking
kapwa. Pero ako’y tinatalo ng hina ng loob at
matinding hiya. Ngayon, panahon na upang matuklasan ko ang
katotohanan. (Iinom ng
alak mula sa baso.
Mapapasimangot sa pait ng lasa.)
Aaaahhh...! Ang
pait pala ng lasa!
ESTER
:
Bakit? Ano ba sa akala mo?
MADEL
:
(Kukunin
ang sigarilyo.) Meron ka ba riyang
posporo? Pasindi nga.
ESTER
: Ano
ba, Madel? Lasing ka na yata, ah?
MADEL
:
Ayossh lang kung ako’y malalashing. Dahil meron
akong shikretong lihim na hindi ko puwedeng shabihin. Kapag
ako’y pinilit, hindi ko pa rin shashabihin. Pero
kapag ako’y nalashing...
Cesar :
Aling Ester, pagbilhan nga ho ng sigarilyo. Isang
kaha. Etong bayad.
MADEL
:
(Mapungay
ang mga mata, sa bagong dating.) Hello, lover
boy? Whanna danzhhh with me?
ESTER
:
Madel! Mahiya ka naman!
MADEL
:
Bakit ako mahihiya? Nangangarap rin naman akong magkaroon ng ishang
prince charming gaya ng kahit shinong normal na babae.
Ito’y ishang malalim na pagnanashang matagal ko na ring
kinikimkim. Pero ngayon ay iba na, Eshter. Ang dami
ko nang pinalampash na pogi sha buhay ko dahil sha hiya...
(Aakbayan
si CESAR.) Oh, come on! Whanna
light my shigar, beybeh?
Hey! Shaan ka pupunta? Shweetheart!
Darling! Huwag mo akong iwan! Bumalik ka
rito! (Uubuhin
uli.)
ESTER
:
Madel! Ang bunganga mo! Nakakabulahaw ka sa mga
kapitbahay...
MADEL
: Sho
what? Hindi ko pinanghihimashukan ang kanilang buhay, kaya
wala shilang pakialam kahit pa magshishigaw ako rito, dahil bunganga ko
at hindi ang bunganga nila ang ishinishigaw ko! Gushto kong
malashing! (Iinom
uli ng alak, hindi na sa baso kundi sa
bote.)
ESTER
: Ano
na ba talaga ang nangyari, Madel, at ikaw ay nagkakaganito?
MADEL
:
Gushto mo talagang malaman?
ESTER
: Oo.
MADEL
:
P’wes, hindi ko shashabihin.
ESTER
: At
bakit? Ano’ng dahilan?
MADEL
:
Shikreeettttt.....! Uminom tayo, Eshter. Ahh...
Lashing na nga yata ako. O, s-s-sshige, aalis na muna ako.
Thanks for the drinks, mareh! (Gayak
nang umalis.)
Babayyy...
ESTER
:
Saan ka pupunta?
MADEL
: Sa
shimenteryo.
ESTER
: Sa
simenteryo! Pero ano’ng gagawin mo roon?
MADEL
:
(Magsisimulang
humakbang nang parang matutumba sa
kalasingan.) May ibabaon akong lihim!
ESTER
:
Lihim na naman! Ano ba talagang lihim yon, Madel?
MADEL
:
Shikreeettttt.....! (Umaawit
habang papaalis.) Wanzhh I have
a shikret love...that lived within thish heart of me...
ESTER
:
Magandang umaga sa inyo, Diego. Pormal na pormal ang suot
natin, ah! Mukhang may ispesyal na okasyon kayong
ise-celebrate! O ano, ilalabas ko na ba ang lapad gaya ng
dati?
DIEGO
:
Hindi na muna ho ngayon, Aling Ester. Pass muna
kami. May lalakarin pa ho kasi kami.
ESTER
:
Ganoon ba? Kaya pala puro kayo nakaporma. O, eh...
saan ba ang lakad?
MAGNO
: Eh,
kuwan ho, Aling Ester... diyan lang ho sa kapilya.
ESTER
: Sa
kapilya? Ano’ng meron sa kapilya? May
inuman ba roon?
KULAS
:
Kuwan ho, Aling Ester... Magsisimba ho kami.
ESTER
:
Magsisimba?
MAGNO
: At
saka a-attend ho kami ng... Bible Study.
ESTER
:
Bible Study?
DIEGO
:
Oho, Aling Ester. O Sige ho, tuloy na ho muna kami.
ESTER
:
Teka-teka! Teka muna? Bakit kayo
magsisimba? Ibig kong sabihin, ano’ng nangyari at
magba-Bible Study kayo? Hindi yata tama, ang ibig kong
sabihin, katakataka yata ang inyong gagawin!
DIEGO
:
Aling Ester, napag-isip-isip ho namin na walang mangyayaring
maganda sa buhay namin kung patuloy kaming mag-iinom at maglalasing
araw-araw, at pagkatapos ay maghahanap ng basag-ulo. Maikli
lamang ang panahong ititigil natin dito sa lupa kumpara sa naghihintay
na buhay sa kabila. Yan ang madalas na pangaral sa akin ng
aking nanay noong siya’y nabubuhay pa. Kaya
naipasya ko, namin nina Kulas at Magno, na magbago na.
KULAS
:
Tama ho yon, Aling Ester. Magbabago na kami.
MAGNO
: Mga
bagong-silang na sanggol na uli ang pakiramdam namin ngayon, Aling
Ester.
ESTER
:
Aba, labis ninyo akong pinahanga sa inyong pasya.
Harinawa’y maging matagumpay kayo sa inyong
pagba-bagong-buhay.
DIEGO
:
Salamat ho, Aling Ester. Eh, magpapaalam na ho muna kami.
ESTER
:
Kaawaan kayo ng Diyos.
Aba,
Cassandra, good morning!
CASSANDRA
:
Good morning din ho, Aling Ester. Kumusta kayo?
(Sabay
tingin sa relo.)
ESTER
:
Mabuti. Mukhang may hinihintay ka yata?
CASSANDRA
:
Meron nga ho, Aling Ester.
ESTER
: At
may bitbit ka pang maleta. Para yatang magbabakasyon ka sa
malayo.
CASSANDRA
:
(Tatawa.)
Mahusay kayong manghula, Aling Ester. Ang
tutoo ho’y... mag-aasawa na ako. I mean,
magpapakasal na ako. (Titingin
muli sa relo)
ESTER
:
Talaga? Aba’y tingnan mo nga naman at sa wakas ay
nakaisip ka na ring lumagay sa tahimik. Eh, sino ba naman ang
mapalad na binatang...
CASSANDRA
:
Heto na ho siya, paparating na. Hi, Sweetheart!
MORANAZ
:
Hello, Darling! Pasensiya ka na at medyo na-late
ako. May mga parukyano kasing dumating sa kapilya...
CASSANDRA
:
That’s alright, Sweetheart. Ang mahalaga ay narito
ka na. O paano? Shall we?
ESTER
:
Teka, teka muna! Naguguluhan ako sa mga nangyayari.
Ibig ninyong sabihin, kayo ni Fr. Al Moranaz ay...?
MORANAZ
:
Tama kayo, Aling Ester. Kami ni Cassandra ay matagal nang
nagmamahalan. At ngayon ay nakapagpasiya na kaming magpakasal.
ESTER
:
Pero teka, teka... Hindi ba bawal sa mga paring gaya ninyo ang
mag-asawa?
MORANAZ
:
Tama kayo, Aling Ester. Pero noon ho yon. Ngayon ho
ay puwede na.
ESTER
:
Puwede na? Bakit? Kailan pa, at paano naging puwede?
CASSANDRA
:
Aling Ester... Ngayon ho, kahit ano ay puwede na!
ESTER
:
Kahit ano ay puwede na? Teka muna, teka-teka! Hindi
ko pa rin maintindihan ang inyong sinasabi!
MORANAZ
:
Gusto ko sanang magpaliwanag, Aling Ester, kaya lang ho ay alas-otso
ang flight ng aming eroplano. Kailangan naming
magmadali. Pasensiya na kayo.
CASSANDRA
:
Huwag kayong mag-alala, Aling Ester. Pagkatapos ng honeymoon
namin ni Al sa Europa ay magtutungo kami sa Canada para doon
manirahan. Tatawagan namin kayo mula roon para maikuwento sa
inyo nang buo ang lahat. Paalam.
MORANAZ
:
Paalam, Aling Ester.
ESTER
:
Paalam. At patnubayan kayo ng Diyos.
(Darating
sina AURING, CONCHA, TOMAS, at MARIO.)
TOMAS
:
Aling Ester, magandang umaga ho.
ESTER
:
Magandang umaga rin sa inyo. O ano, Concha, nagkita na ba
kayo nina Diego, Kulas at Magno? Sasali raw sila sa inyong
Bible Study.
CONCHA
:
Hindi kami nagkita. Hindi na muna kami nag-Bible Study ngayon
dahil may dadaluhan kasi kaming concert nina Sister Auring, Brother
Tomas at Brother Mario.
ESTER
:
Concert? Ano bang concert iyan at umagang-umaga?
Ang alam kong mga concert ng mga sikat na manganganta ay kadalasang sa
gabi ginaganap.
MARIO
:
Ester, ibang concert ito.
AURING
: Oo
nga. Dapat kasi’y paminsan-minsan, magsasara ka
muna ng iyong tindahan at sumama ka rin sa amin sa mga konsiyerto para
ka naman malibang kahit kaunti. Mahirap yang puro na lang
hanapbuhay ang nasa isip, Ester. Madali kang tatanda.
ESTER
: Eh,
alam n’yo namang wala akong kahilig-hilig sa mga kantahan
kahit noon pa.
TOMAS
: Ang
concert na tinutukoy namin, Aling Ester, ay madyong.
ESTER
:
Madyong?
MARIO
: Oo,
dadayo kami sa bahay nina Brother Roger. Doon kami
magmamadyong.
ESTER
:
Brother Roger?
CONCHA
: Si
Brother Roger, yung chairman ng lupon sa pagsamba sa Parish Council of
the Laity. Pagka raw kasi ganitong araw, umaga pa lamang ay
marami ng manlalaro roon.
ESTER
:
Pero teka, hindi ba iyang madyong ay... isang sugal?
TOMAS
: Isa
itong uri ng paglilibang, Ester.
ESTER
:
Paglilibang na may kasamang pustahan ng pera, hindi ba? Eh di
sugal na rin iyon!
MARIO
:
Libangan man o sugal ang itawag, wala namang masama roon.
ESTER
:
Anong walang masama? Halos araw-araw ay laman kayo ng
simbahan, nag-aaral ng Bibliya, nangangaral sa ating mga
kabarangay. Hindi ba masagwang itsura kung malaman nila na...
MARIO
:
Ester, noon yon. Pero ngayon ay wala nang masagwa o
masama. Ano man ang gawin natin ay puwede na. Hindi
mo pa ba nababalitaan ang pagbabagong umiiral sa ating
lipunan? Ang bawa’t isa ay malaya nang gumawa ng
anumang naisin niya!
CONCHA
:
Siyanga naman Ester. Kaya halika na, sali ka na rin sa amin.
ESTER
: Eh,
hindi... kuwan, kayo na lamang. Okey lang ako dito.
CONCHA
:
Bueno, ikaw ang bahala. Kung iyan ang gusto mo.
MARIO
: O
paano, Ester, tutuloy na kami. Kanina pa kasi naghihintay si
Brother Roger. Paalam.
ESTER
:
Paalam.
ACERO
:
Hello, Mrs. Esteriray! Kumusta na ang butihing tindera ng
barangay? Kung kami ang inyong tatanungin – eto,
mabyuting-mabyuti pa rin!
ESTER
:
Sino ba kayo? Bakit kilala ninyo ako? Ngayon ko
lamang yata kayo nakita rito...
BODYGUARD #1 :
Si Aling Ester naman! Hindi
ba ninyo kilala si Boss, este... si Madam Acendero Acero?
BODYGUARD #2
: Ang magiting na Meyor ng ating bayan!
ESTER
:
Meyor Acero? Pero bakit...?
BODYGUARD #3
: That’s right, Aling
Ester. Si Meyor Acero at wala nang bakit-bakit pa!
ESTER
:
Pero anong nangyari sa inyo at ganyan ang itsura ninyo?
ACERO
: At
bakit ho, Aling Ester? Anong masama sa aming
itsura? Magaganda naman kami ah!
BODYGUARD #1
: That’s right! Anong
sinabi nina Vilma at Sharon sa mga beauty namin!
ESTER
:
Pero... Bakit? Kailan pa kayo nagkaganyan?
BODYGUARD #2
: Matagal na kaming ganito,
hah! Ngayon lamang kami naglaladlad!
BODYGUARD #3
: Ang tagal naming ikinubli ang aming
tunay na pagkatao, ang aming pagiging mahinhing walang pakundangan.
BODYGUARD #1
: Dahil nangangamba kaming baka kami ay
kutyain at isumpa ng aming kapwa.
BODYGUARD #2
: Sapagkat kami’y tao lamang...
BODYGUARD #3
: Mga baklang tao lamang!
BODYGUARD #1
: Masisisi ba ninyo kami kung
kami’y ipinanganak na ganito?
BODYGUARD #2
: Kahit naman kami ganito, may nagagawa
pa rin kaming mabuti sa mundo.
BODYGUARD #3
: Puwede pati kaming mahalal sa Senado.
BODYGUARD #1
: Ngunit ang tao ay malupit at
mapanghusga!
BODYGUARD #2
: Ang turing nila sa mga baklang tulad
namin ay marumi at kasuklam-suklam!
BODYGUARD #3
: Dahil dito’y wala kaming
choice kundi ang magkunwari at itago ang aming pagkababae!
ACERO
:
Pero ngayon ay wala nang dahilan para magkunwari. Wala nang
dahilan para ikubli ang katotohanan, sapagkat ngayon ang lahat ay
puwede na!
ESTER
:
Puwede na? Teka, kanina ko pa naririnig ang salitang puweda
na, ah! Sino ba ang nagpauso niyan?
ACERO
:
Sino pa, kundi ang magiting na si Madel.
ESTER
: Si
Madel?
ACERO
:
That’s right! Si Madel Madeldel, ang aming savior
at angel! O paano? Kami’y aalis na dahil
maghahanap pa kami ng yari! Babu...!
DOMENG
:
Magandang umaga, Aling Ester. Kumusta sa lugar na
ito? Wala ho bang trobol?
ESTER
:
Wala naman, Ka Domeng. Tahimik lang kami rito.
DOMENG
:
Mabuti kung gayon. Dito kasi ako ini-assign ni Kapitan para
magpatrolya upang pangalagaan ang kaayusan at katahimikan sa ating
barangay. Kaya kung may nanggugulo o may problema, sabihin
nyo lang agad at ako ang bahala.
ESTER
:
Naku, salamat naman kung gayon. Eh, ano ba ang gusto mong
inumin?
DOMENG
:
Kahit na ho anong softdrinks, Aling Ester. Kayo na ang bahala.
KB #1
: Mga
pards, mards... dito na natin ituloy ang sesyon.
KB #2
:
Anong ituloy, eh kanina pa ubos ang ating baon!
KB #3
:
Problema ba yon, eh di bumili!
KL #1
: Mga
pards, mards, wala na akong datung.
KL #2
: Ako
rin, ubos na ang pera ko.
KB #1
: No
problem. Akong bahala. ’Tara sa tindahan
ni Aling Ester.
Aling
Ester, meron ba kayo riyang one thousand?
ESTER
: One
thousand na ano?
KB #2
: One
thousand pesos, Aling Ester. Holdap ito!
KB #3
: Ang
pera, Aling Ester. Ilabas n’yo na, dali!
Kung ayaw ninyong magkagripo sa liig!
ESTER
:
Huwag! Utang na loob! Kabubukas ko pa lamang ng
tindahan. Wala pang isang libo ang benta ko. Sige,
kunin na ninyong lahat ang laman ng kaha, huwag lamang ninyo akong
sasaktan!
KL #1
:
Ayos, pwede mo nang bitiwan si Aling Ester.
KL #2
: May
pambili na tayo ng droga.
ESTER
:
Pambihira ka naman, Ka Domeng. Naturingan kang Tanod ng
barangay, bakit hindi mo ako tinulungan? Nakatanga ka lamang
riyan at nanonood habang halos patayin na ako ng mga durugistang iyon.
DOMENG
:
Wala tayong magagawa, Aling Ester. Hindi naman masama ang
ginagawa ng mga batang iyan eh.
ESTER
: Ano
bang hindi, eh mga ke-babata pa’y lulong na sila sa droga at
ngayon ay mga kriminal pa! Hindi pa ba masama para sa iyo ang
mga iyon?
DOMENG
:
Hindi, dahil ngayon, wala nang masama at wala nang bawal. Ang
lahat ay puwede na. Sandali lang ho, Aling Ester.
ESTER
: Ano
yan? Ang ibig ba nitong sabihin, kayo pang opisyal ng
barangay ang nagsusuplay ng droga sa mga kabataang iyon?
DOMENG
:
Oh, eh ano? Sinabi ko na naman sa inyo na wala nang
bawal-bawal ngayon. Ang lahat ay puwede na!
KRISTINA
:
Aling Ester, tulungan ninyo ako! May lalaking nakapasok sa
loob ng bahay! Tulungan ninyo ako!
ESTER
:
Susmaryosep! Ano ba’ng nangyayari? Ka
Domeng, kumilos ka riyan at tulungan mo naman kami!
DOMENG
:
Huwag kayong mag-alala, Aling Ester. Ako’ng bahala.
DOMENG
:
Hoy! Saan ka pupunta? Taas ang kamay!
FREDDIE
:
Huwag po! Wala po akong kasalanan! Para
n’yo nang awa!
ESTER
: Ka
Domeng! Bakit mo binaril?
DOMENG
:
Nanlaban kasi, eh. Isa pa, ang ganitong klaseng tao ay dapat
lamang na mamatay.
ESTER
:
Suko na ah? At saka, hindi ba ang dapat ay dakpin lamang siya
at ikulong, pagkatapos ay litisin sa korte?
DOMENG
:
Para ano pa?
ESTER
:
Bawat akusado’y may karapatang ipagpalagay na inosente
hangga’t hindi napatutunayang nagkasala. Kung
sakaling mapatunayang nagkasala ay saka lamang dapat patawan ng
parusa. Pero ang iyong ginawa ay sabay na ang paghatol at
pagparusa!
DOMENG
:
Kow! Ganon din yon, Aling Ester. Isa pa, kahit ano
ay puwede ko nang gawin ngayon. Diyan na muna kayo at
itatapon ko sa tambakan ang basurang ito!
ESTER
:
Susmaryosep! Ano ba’ng nangyayari sa mundo at ang
lahat ay pwede na kahit hindi pwede. Halika na iha sa loob ng
bahay at mag-ayos ka ng sarili. Huwag ka nang mag-alala at
ligtas ka na ngayon.
KRISTINA
:
Aling Ester, dito na muna ako sa tindahan. Natatakot ho akong
mag-isa roon sa loob ng bahay.
ESTER
: O
sige, iha. Kung yan ang gusto mo. Doon ka sa loob
ng tindahan at magpahinga ka muna.
TOYANG
:
(Galit)
Aling Ester! Nakita ba ninyo si Madel?
ESTER
:
Aba, Toyang! Bakit mo hinahanap si Madel?
Ano’ng nangyari?
TOYANG :
Itong si Boboy na kaisaisa kong anak, binaboy ng walanghiyang Madel na
yan!
ESTER
:
Paanong binaboy, Toyang? Bakit, ano ba talaga ang ginawa ni
Madel kay Boboy?
TOYANG :
Hala, Boboy, magsalita ka! Ipaliwanag mo kay Ester kung anong
kababuyan ang ginawa sa iyo ni Madel.
ESTER
:
Ha? Anong salita yan?
TOYANG :
Ano pa, salitang-baboy! At si Madel ang may kagagawan ng
lahat! Humanda sa akin ang Madel na iyan!
ESTER
:
Teka, paano mo nasabi na si Madel ang may kagagawan nito?
TOYANG :
Bakit di mo itanong kay Boboy?
ESTER
:
Boboy, si Madel nga ba ang may kagagawan nito?
TOYANG :
Nakita mo na. Asa’n na nga ba’ng Madel na
yan!
MADEL
: Eto
ako, Toyang!
TOYANG :
Madel! Ano’ng ginawa mo sa anak ko? Bakit
mo siya ginawang baboy?
MADEL
:
Paano, tinawag niya akong shinungaling! Shinabi ko nang pwede
na niyang gawin ang kahit anong gusto niyang gawin dahil wala nang bisa
ang mga utosh at batash sa tao, ayaw niyang maniwala, at shinabi pang
shinungaling ako. Pwesh, para maniwala shiya na tutoo ang
shinashabi ko, boom! Ginawa kong baboy ang shalita niya.
TOYANG :
At
bakit? Saan mo naman nakuha ang kasinungalingang iyan at kung
kani-kanino mo pa itsinitsismis?
MADEL
:
Ah-ah...! Isha ka pa, Toyang. Huwag mong
shashabihing kasinungalingan ang shinashabi ko dahil baka palitan ko
rin ang tabas ng dila mo! Bawiin mo ang shinabi mo, kung
hindi...
TOYANG :
Hindi ko babawiin ang sinabi ko dahil tutoo namang napakasinungaling
mo! Kahit kailan ay wala kang...
MADEL
:
Boom!
TOYANG :
Ang dila ko...! Ang dila...aakkk! (Hawak
ang liig,
magsisisigaw si Toyang, sigaw-kambing!)
Meeeeeeehhh!
ESTER
:
Toyang! Ano’ng nangyari? Magsalita ka!
TOYANG :
Meeeeeeehhh! (Sasabayan
ni BOBOY ng iyak ng baboy.)
ESTER
:
Madel? Ano’ng ginawa mo? Tutoo ba
ito? Bakit? Paano?
MADEL
:
Shinashabi ko na sha inyo, ayaw pa kayong maniwala. Hindi ako
shinungaling! Shinashabi ko lamang ang aking nalalaman, pero
ayaw ninyo akong pakinggan! O ngayon, ayaw pa rin ba ninyong
maniwala sha akin?
TOYANG :
Meeeeeeehhh! (Sasabayan
ni BOBOY ng iyak ng baboy.)
RAMONA
:
Hayun si Madel! (Sisigaw
rin ang mga may boses-hayop.)
ROMANO
:
Kunin si Aling Madel at gulpihin! (Sisigaw
rin ang mga may
boses-hayop.)
RAMONA
:
Bugbugin! (Sisigaw
rin ang mga may boses-hayop.)
MADEL
:
(Mandidilat ang mga mata, ibubuka ang dalawang kamay.)
Boom!
(Hahawakan
ng iba ang kanilang liig, magsisimulang sumigaw rin sa
wikang hayop! Hahabulin nila si Madel, maingay ang lahat,
pawang boses-hayop!)
TAGPO:
JUANITO
:
Niloko mo ako, Pablito! Marahil ay masaya ka na ngayon, dahil
maraming buhay ang nabulabog mo!
PABLITO
:
Hindi kita niloko, Juanito. Trabaho lamang ang ginawa ko,
walang personalan. Kaibigan mo pa rin ako.
JUANITO
:
Kaibigan! Sinira mo ang plano ko!
PABLITO
:
Hindi, Juanito. Hindi ko sinira ang iyong plano.
Tinulungan pa nga kita. Hindi mo ba nakita ang
resulta? Lumantad ang tunay na asal ng mga tao noong malaman
nilang libre na nilang magagawa ang anuman maibigan nilang
gawin. Kailangang matutuhan mong harapin ang katotohanan,
Jaunito. Ang tao’y masama, at kung nagpapakita man
siya ng kabutihang-asal ito’y pakitang-tao lamang, sapagkat
sa kanyang kaloob-looban ay naghahari ang iba’t ibang uri ng
pagnanasa na ang tanging nakapipigil ay ang malalim na paniniwala sa
isang Diyos na hahatol sa kanya sa huling panahon, at ang hiya sa
kapwa-taong nag-aasal Diyos dahil sa kanilang hilig na maging
tagapaghatol sa kasalukuyang panahon.
JUANITO
:
Dati akong tao, at alam kong walang katotohanan ang iyong
sinasabi. Maging ang pinakamasamang nilalang ay may bukal na
kabutihan sa kanyang puso, sapagkat sa kanyang puso ipinunla ng Diyos
ang binhi ng Kanyang dakilang pag-ibig, katarungan at awa.
Ang tao’y hindi likas na masama, at ayaw niyang maging
masama. Tinatalo lamang siya kung minsan ng tukso, ngunit sa
kabila nito ay nagsisikap pa rin siyang magpakabuti.
PABLITO
:
Well, hindi mo dapat kalimutan, Juanito, na dati rin akong tao, at dati
rin akong naniniwala sa sinasabi mo. Pero madali akong magapi
ng tukso, kaya nang lumaon ay kinalimutan ko na ang ganyang paniniwala
sapagkat nakita kong ako’y mahina at ang aking buhay ay
patuloy na magiging miserable habang patuloy kong nilalabanan ang tukso
gayong alam na alam kong sa bandang huli ay magagapi rin naman
ako. Noon lamang tanggapin ko ang katotohanang
ako’y masama at hindi ko dapat pigilin ang sarili ko sa
paggawa ng masama, saka lamang natahimik ang aking budhi at naging
masaya ang aking buhay. Kung ayaw mong tanggapin ang aking
paliwanag, puwes, tingnan mo na lang ang nangyari kina Fr. Moranaz,
Mang Tomas, Aling Conching, Meyor Acero. Noong
una’y nagpipigil na ilantad ang tunay na kulay ng
kani-kanilang pagkatao dahil sa takot sa hatol ng Diyos at sa
sasasabihin ng kanilang kapwa-tao. Pero ang tao’y
hindi maaaring mabuhay nang masaya sa likod ng patuloy na
pagkukunwari. Kailangang tanggapin nila ang katotohanang
sila’y hindi perpekto, at kapag tinanggap nila ang
katotohanang ito, saka lamang sila magiging malaya at mapapanatag sa
sarili. Ang wika nga ng Banal na Kasulatan, “The
truth shall set you free.”
JUANITO
:
(Mag-iisip
nang malalim. Pagkaraan ng ilang
saglit...) Alam mo, ngayon ko natanto na may
katwiran
ka. Hanggang ngayon ay takot akong humarap sa
katotohanan. Marahil ay panahon na rin upang hubarin ko ang
maskara ng aking pagkukunwari at makiayon sa iyong ginagawa.
PABLITO
:
Ano’ng ibig mong sabihin?
JUANITO
:
Tama ka. Tamang lahat ang iyong sinabi. Kaya
iniisip kong kalimutan na ang langit. Marahil ay sa impyerno
rin ako nararapat, kaya gagawin ko na rin ang mga pinaggagawa
mo. Guguluhin ko na rin ang buhay ng mga tao para maibulid
silang lahat sa impyerno!
PABLITO
:
Ano? Nasisira na ba ang ulo mo?
JUANITO
:
Hindi. Ang tutoo’y naiinggit ako sa mga tagumpay
mo. Nakikita ko na enjoy na enjoy ka sa iyong
ginagawa. Para sa akin, ang ganyang pag-eenjoy ay langit na
rin ang katumbas. Kaya wala ka man sa langit ay parang
nandoon ka na rin dahil sa kaligayahang iyong tinatamasa.
Ganyan din ang gusto kong gawin. Gagayahin kita,
Pablito! Tutulungan ko ring magpakasama ang tao.
Samasama na lang tayo sa impyerno!
PABLITO
:
Nasisiraan ka na nga ng bait, Juanito! Hindi mo nalalaman ang
iyong pinagsasabi!
JUANITO
:
Alam ko ang aking sinasabi. Tayo na, pagtuangan nating ibulid
sa kasamaan ang daigdig!
PABLITO
:
Hindi kita mapapayagan sa iyong binabalak!
JUANITO
:
At bakit? Hindi ba iyan naman ang gusto mo?
Ginagawa mo na ito. Ano’ng masama kung makisosyo
ako?
PABLITO
:
Ang iyong misyon sa lupa ay gawing mabuti ang tao. Hindi mo
dapat kalimutan ang bagay na iyon!
JUANITO
:
Puwes, kinakalimutan ko na! Ang misyon ko ngayon ay paris na
ng sa iyo. Gawing masama ang lahat ng tao!
PABLITO
:
Kabaliwan ang iyong pinagsasabi!
JUANITO
:
Ikaw ang nagsasalita na parang baliw! Gusto mong maging
masama ang mga tao, bakit mo ako pinipigilan ngayon kung iyon din ang
aking gusto?
PABLITO
:
Sapagkat...
JUANITO
:
Sapagkat ano?
PABLITO
:
Hindi ako mag-eenjoy kapag itinuloy mo ang binabalak mo!
JUANITO
:
Ano? At bakit?
PABLITO
:
Sapagkat...
JUANITO
:
Sapagkat ano?
PABLITO
:
Mawawalan ng kumpetisyon! Masaya lamang ako sa ginagawa ko
dahil may kakumpitensiya ako – ikaw. Pinabubuti mo
ang mga tao, at pinasasama ko naman sila. Kung nagtagumpay
man ako, matamis ang tagumpay na iyon dahil may kalaban ako.
Masarap ang pakiramdam ko kapag alam ko na ako ang nanalo sa laban,
dahil nadaig ko ang kalaban.
JUANITO
:
Ganoon ba yon?
PABLITO
:
Oo, ganoon nga yon. Kaya isipin mo na lang kapag ikaw ay
naging kakampi ko sa paggawa ng kasamaan, ano pang kasiyahan ang aking
madarama? Mawawalan na ako ng kakumpitensya... Eh di
mawawalan na rin ng thrill, mawawalan na ng excitement ang lahat!
JUANITO
:
Ah basta! Kahit ano pa ang sabihin mo, buo na ang aking
pasya. Pasasamain ko na rin ang mga tao, gaya mo!
PABLITO
:
Seryoso ka ba?
JUANITO
:
Of course, serious ako.
PABLITO
:
Hindi na mababago ang iyong pasya?
JUANITO
:
Hindi na.
PABLITO
:
Kung gayon, buo na rin ang aking pasya! Makikipagpalit ako ng
misyon sa iyo.
JUANITO
:
Ano?
PABLITO
:
Simula ngayon, tutulungan kong magpa-kabuti ang tao.
Lalabanan ko ang lahat ng gagawin mo para hindi sila mahulog sa iyong
maitim na balak.
JUANITO
:
Ano?
PABLITO
:
Sinabi ko na sa iyo. Mas enjoy ako kapag may
kumpetisyon. Hinahamon mo ako. Pwes!
Gawin mo ang gusto mong gawin, pero pagbutihin mo, dahil ako ang
makakalaban mo! Paalam!
JUANITO
:
Hintay!
TAGPO:
MADEL
: Ang
laking halaga nito! Kanino kaya ito? Hmm... Palagay
ko’y alam ko na kung kanino ito!
MADEL
: (Sa
sarili, habang dali-daling itinatago ang pitaka.)
Sinasabi ko
na nga ba!
PABLITO
:
Excuse me? Pwede bang magtanong?
MADEL
:
Pwede. Pero sayang lang ang tanong mo, dahil wala sa akin ang
pitakang hinahanap mo.
PABLITO
:
Paano mo nalamang...?
MADEL
: Di
ba sinabi ko na sa iyong marami akong alam?
PABLITO
:
Oo, nasabi mo ngang minsan. Pero hindi lahat ng iyong
nalalaman ay makabubuti para sa iyo. Sa katunayan, maaaring
iyon pa ang magpahamak sa iyo.
MADEL
:
Ano’ng punto mo sa iyong sinabi? Bakit di mo pa ako
diretsuhin?
PABLITO
:
Yung lihim na ipinagtapat ko sa iyo kahapon, hindi iyon nakabuti para
sa iyo at para din sa maraming tao, sapagkat hindi iyon ang buong
katotohanan.
MADEL
:
Hindi buong katotohanan?
PABLITO
:
Hindi. Kulang ang iyong nalalaman tungkol sa bagay na iyon!
MADEL
:
Alin ang kulang doon? Ano ba talaga ang buong katotohanan?
PABLITO
:
Ang buong katotohanan – ang pansamantalang pagsususpindi ng
mga kautusan hinggil sa kagandahang asal ay isang paraan upang malaman
ng Diyos kung sino sa mga tao ang tunay na nagmamahal at sumusunod sa
kanyang kalooban.
MADEL
:
Ganoon?
PABLITO
:
Ganoon yon. Pero hindi alam ng mga tao na ang lahat ay isang
pagsubok tungkol sa kanilang katapatan sa Diyos, at ikaw mismo ang
nakasaksi sa mga pangyayari. Lumabas ang tunay na kulay at
lumantad ang tutoong pag-uugali ng marami noong mabatid nila na wala ng
batas na dapat sundin. Ang katulad nila’y mga
batang masunurin na lumalabas lamang ang kapilyuhan kapag hindi
nakatingin ang mga magulang. Ang sabi nga ng lumang
kasabihan, kapag wala ang pusa, naglalaro ang mga daga!
Ganyan ang inasal ng maraming tao kahapon, hindi ba?
MADEL
: Eh,
ganoon nga. Pero hindi ba’t iyon ay natural
lamang. Human nature... Sapagka’t kami’y
tao lamang, wika nga ng isang awit.
PABLITO
:
Natural na nga iyon sa tao. Pero nais ng Diyos na iangat ang
tao sa mas mataas na antas ng kalikasan, upang hindi siya manatiling
namumuhay bilang tao lamang kundi upang makihati sa buhay na maka-Diyos.
MADEL
:
Talaga? Hindi ko alam yon ah!
PABLITO
:
Sa simula’t simula pa’y nilikha na ng Diyos ang tao
na kawangis niya. Sa wakas ay plano ng Diyos na ang
tao’y makasama niya, makapiling niya sa kanyang maluwalhating
kaharian. Ngunit kailangang patunayan ng tao na
siya’t karapat-dapat sa langit na kanyang magiging bagong
tirahan. Kailangang mamuhay siya nang naaayon sa kalooban ng
Maykapal. At ngayong alam mo na ang bagay na ito,
inaanyayahan ka ng Diyos na talikdan na ang iyong maling ugali at
kumilos ka nang naaayon at nakalulugod sa kanyang kalooban.
MADEL
:
Ngunit anong maling ugali ang iyong sinasabi na dapat kong
baguhin? Inaamin kong ako’y hindi relihiyosa at
lalong hindi palasimba, pero wala akong nakikitang masama sa aking
pag-uugali.
PABLITO
:
Ang iyong dila, Madel, ay masyadong makasalanan. Madalas kang
nakapag-bibitiw ng salitang taliwas sa katotohanan, at kung magkatotoo
man, kadalasan naman ay nakasasakit sa damdamin ng iyong
kapwa. Baguhin mo na ang pagiging tsismosa at pagkadaldalera
mo. Simula ngayon, sikapin mong gamitin ang iyong dila sa
paraang magbibigay luwalhati sa Panginoon.
MADEL
:
Teka, teka, teka! Piraratangan mo ba akong sinungaling at
naninira sa puri ng aking kapwa. Bawiin mo ang iyong sinabi,
dahil kung hindi...
PABLITO
:
Madel, tandaan mo, bago tumilaok ang manok ay tatlong beses mong
itatatuwa ang katotohanan. Paalam.
MADEL
: (Sa
sarili.) Ako, magsisinungaling?
Never!
Madaldal ako, tutoo, pero NEVER na nagsabi ako ng hindi tutoo, bah!
BATA #1
:
Aling Madel! Andiyan lang pala kayo... Marami hong naghahanap
sa inyo! At naku! Mukhang galit
na galit ho sila sa inyo!
MADEL
:
Sino raw ang hinahanap?
BATA #1
:
Kayo ho! Hindi ho ba kayo nga si Aling Madel?
MADEL
: Aba
naku, hindi! Nagkakamali ka, hindi ako si Madel.
Baka nakamukha ko lang!
BATA #2
:
Aling Madel, hinahanap kayo ng maraming tao, galit na galit!
MADEL
:
Hoy, bata! Nagkakamali ka, hindi ako si Madel, naintindihan
mo?
BATA #1 AT #2
: Pero...
MADEL
:
Heh! Wala nang pero-pero! Basta!
CARLOTA
:
Mga kababayan! Nandito si Aling Madel!
MADEL
:
Hoy! Hindi ako si Madel! Hindi!
Naiintindihan mo! Hindi!
CARLITO
:
Habulin si Aling Madel!
LAHAT
:
Habulin!
MADEL
:
DIEGO! Utang na loob, tulungan ninyo ako! Papatayin
nila ako!
DIEGO
:
Sino sila?
MADEL
:
Sila!!!
DIEGO
: Mga
kapatid! Bakit kayo naririto? May problema ba?
CARLITO
:
Anong kapatid? Hoy, Diego! Hindi ka namin
kapatid! Magkaiba tayo ng ama at ina!
CARLOTA
:
At isa pa, huwag kang pakialam sa aming problema! Umalis ka
riyan at ipaubaya mo sa amin ang Madel na yan!
LAHAT
:
Tama! (Ang mga
may boses-hayop ay mag-iingay din ng
pagsang-ayon.)
DIEGO
:
Teka muna, huminahon kayo, mga kasama. Baka naman puwede
nating pag-usapan ito nang hindi dinaraan sa init ng ulo?
Relaks lang kayo...
LUCIO
:
Ano’ng relaks? Malaki ang atraso sa amin ng Madel
na iyan, kaya hindi kami puwedeng magrelaks! Umalis ka diyan!
LUCIA
:
Masama ang tabas ng dila ng babaeng iyan! Ang dila niya ay
makasalanan!
LAHAT
:
Makasalanan! (Ang mga
may boses-hayop ay mag-iingay din ng
pagsang-ayon.)
AMADO
:
Dapat siyang parusahan!
LAHAT
:
Parusahan! (Ang mga
may boses-hayop ay mag-iingay din ng
pagsang-ayon.)
AMANDA
:
Gupitin ang kanyang dila para hindi na makapagsalita ng masama sa
kanyang kapwa!
LAHAT
:
Tama! (Ang mga
may boses-hayop ay mag-iingay din ng
pagsang-ayon.)
CARLOTA
:
Gupitin ang dilang makasalanan!
LAHAT
:
Gupitin! Gupitin! Gupitin! (Sasabayan
ng
pag-iingay ng mga may boses-hayop.)
DIEGO
:
Tumahimik kayo! Ang inyong gagawin ay hindi makatarungan!
CARLITO
:
At sino ka upang magsabi na hindi makatarungan ang aming
gagawin? Kailan ka pa naging hukom, ha, Diego?
CARLOTA
:
Ibigay mo na sa amin si Madel, at tuturuan namin siya ng
leksyon. Puputulan namin siya ng dila para hindi na
makapagsalita ng masama!
DIEGO
:
Talagang ayaw ninyong paawat... O sige! (Dudukutin
sa bulsa
ang isang gunting.) Eto ang
gunting! Kung
sino sa inyo ang hindi kailan man nakapagsasalita ng masama sa kanyang
kapwa, kung sino sa inyo ang hindi nakapagsisinungaling nang kahit
katiting mula noong kayo’y ipinanganak ng inyong ina hanggang
sa mga sandaling ito... eto ang gunting, pumila kayo rito at gumupit
kayo ng tigkakapiraso sa dila ni Madel.
MADEL
:
Eeehhhhhh!!! Diego! Ano ka ba? Akala ko
ba’y kakampi kita?
DIEGO
:
Tumahimik ka!
MADEL
:
Paano akong tatahimik, eh puputulan na ako ng dila?
DIEGO
:
Sinabi ko nang tumahimik ka! Shut up!
Bakit
walang kumikilos at lumalapit sa inyo? Eto’ng
gunting...
Huwag
kayong humatol upang hindi kayo hatulan. Ang panukat na
ginagamit ninyo sa inyong kapwa ay siya ring panukat na gagamitin sa
inyo. Bakit ninyo sinisilip ang puwing sa mata ng inyong
kapwa, samantalang hindi naman ninyo nakikita ang puwing sa inyong
sariling mata? Hindi ako ang maysabi nito, mga
kaibigan. Ipinapaalala ko lamang sa inyo. Ang
paalaala’y gamot sa mga taong nakalilimot. May
atraso sa inyo ang babaeng ito. Ginawa niyang parang hayop
ang boses ng iba sa inyo. Ang problema ninyo
ngayo’y paano maibabalik ang inyong dating
boses-tao. Pero wala sa paghihiganti at pagka-galit sa
babaeng ito ang solusyon. Kahit tadtarin ninyo nang pino ang
dila ng babaeng ito ay hindi maso-solve ang problema ninyo.
Ano’ng malay ninyo, baka ang pangyayaring ito sa inyong buhay
ay isang paraan upang paalalahanan kayo ng Diyos dahil kayo’y
nakakalimot nang tumawag sa kanya? Marahil ay ginagamit
lamang ng Diyos ang babaeng ito upang maging kasangkapan niya sa
pagbibigay sa inyo ng isang mahalagang mensahe o paalaala para
magbalik-loob sa kanya? Bago ninyo ibunton ang inyong galit
sa babaeng ito, bakit hindi muna ninyo ituon ang pansin sa inyong
sarili, iksaminin at suriing mabuti ang inyong budhi, at alamin kung
anong mensahe ang ibig iparating ng Diyos? Marahil ay
nagkukulang kayo sa panalangin at pagtawag sa kanya, dahil labis kayong
abala sa maraming bagay. Isipin ninyong mabuti at pagnilayan
ang mga bagay na ito.
PABLITO
:
(Pabulong)
Psssttt! Madel!
Psssttt! Madel! Ako ito!
MADEL
:
(Pabulong
din) Sino ka? Nasaan ka?
PABLITO
:
Ako ito, si Pablito. Nandito ako sa tabi mo!
MADEL
:
Pablito? Nasaan ka? Bakit hindi kita nakikita?
PABLITO
:
Eh kasi, hindi na ako puwedeng magpakita sa tao. Binawi na sa
akin ang kapangyarihang...
MADEL
:
Kapangyarihan? Teka, kailangan ko ng kapangyarihan!
Dali! Bigyan mo ako ng kapangyarihan para ibalik ang dating
salita ng mga taong ito. Galit na galit sila sa akin, at ito
lamang ang paraan para mawala ang galit nila.
PABLITO
:
I’m sorry, Madel. Gusto sana kitang tulungan, pero
sinabi ko na nga sa iyo. Tinanggalan na ako ng
kapangyarihan. Kaya hindi ko maibibigay ang iyong hinihingi.
MADEL
:
Ano? Teka, sinong kumuha ng iyong kapangyarihan?
PABLITO
:
Ang demonyo.
MADEL
:
Demonyo! (Mapapalakas
ang salita ni MADEL, kaya mapapatingin
ang lahat sa kanya.)
ESTER
:
Diego, si Madel...
LUCIO
:
Para siyang may kinakausap...
LUCIA
:
Pero wala akong nakikita...
Amado :
Para siyang isang Santa...!
AMANDA
:
Para itong isang himala...!
LAHAT
:
Himala! Si Madel ay naghihimala!
PABLITO
:
Ang demonyo. Oo. Siya ang nagbigay sa akin ng black
magic para magamit ko sa pagpapalaganap ng kasamaan. Pero
ngayon ay gusto ko nang makagawa ng kabutihan at makatulong sa tao
upang magpakabuti. Nagalit ang demonyo nang malaman ito, kaya
binawi lahat ang kapangyarihang ibinigay sa akin.
MADEL
:
Paano ngayon yan? Tulungan mo ako! Ano ang gagawin
ko?
PABLITO
:
Dinaramdam ko, Madel. Hindi kita matutulungan. Pero
meron akong kilala na tiyak na makatutulong sa iyo.
MADEL
:
Sino?
PABLITO
:
Ang Diyos, na siyang pinakamakapang-yarihan sa lahat. Sa
kanya ay walang bagay na imposible.
MADEL
: Ang
Diyos!
PABLITO
:
Oo, Madel. Tumawag ka sa kanya, at hindi ka niya bibiguin.
MADEL
:
Alam kong may Diyos, naniniwala ako sa kanyang kapangyarihan.
Pero... maliban sa aking alam at pinaniniwalaan, wala akong karanasan
tungkol sa Diyos. Ni hindi ako marunong tumawag sa
kanya. Nasaan ba siya?
PABLITO
:
Ang Diyos ay nasa lahat ng lugar, Madel. Siya ay nasa langit,
nasa lupa, nasa tabi natin, at higit sa lahat, siya ay nasa puso ng mga
taong may malinis na budhi at busilak na kalooban.
MADEL
:
Paano ako hihingi ng tulong sa kanya?
PABLITO
:
Gamitin mo ang iyong dila, Madel. Pero samahan mo ito ng
iyong puso. Manalangin ka nang taimtim.
Sumam-palataya ka at manalig sa kanyang banal na pangako.
Humingi ka at ikaw ay bibigyan, kumatok ka at ikaw ay pagbubuksan,
humanap ka at ikaw ay makatatagpo. Siya mismo ang maysabi
nito.
MADEL
:
Pero... Hindi ganyan katatag ang pananalig ko sa kanya.
Nangangamba akong...
PABLITO
:
Madel, eto pa ang kanyang sabi: Kung ang iyong
pananampalataya ay kasingliit lamang ng buto ng mustasa, maaari mong
sabihin sa isang bundok na lumipat ng lugar, at lilipat siya.
Sumampalataya ka sa Diyos at huwag mag-alinlangan, at sa tulong niya,
ang bundok na nakabara sa lalamunan ng mga taong ito ay mapapawi at
sila’y muling makapagsasalita nang normal.
MADEL
:
Gusto kong sumampalataya. Tulungan mo akong manalangin,
Pablito.
PABLITO
:
Oo, Madel. Sasamahan kitang manalangin. Lumuhod ka
at idipa ang iyong dalawang kamay, gaya ng pagdipa ni Moises nang
hilingin niya sa Diyos na hawiin ang tubig sa Dagat na Pula upang
sila’y makatakas sa mga tumutugis na kaaway.
Manalangin tayo.
JUANITO
:
Booommm!
Yeeeesssss!!!
(Babalik
si JUANITO sa likod ng puno.)
HAYOP #1
:
Magaling na ako! Nakapagsasalita na ako!
HAYOP #2
:
Ako din, bumalik na ang dating boses ko!
HAYOP #3
:
(Umiiyak.)
Salamat! Hu-hu-hu...! Maraming
salamat!
HAYOP #4
:
(Tumatawa.)
Ha-ha-ha...! Sa wakas, nakapagsasalita
na uli ako nang normal! Ha-ha-ha...!
HAYOP #5
:
Mabuhay si Madel!
LAHAT
:
Mabuhay!
HAYOP #6
:
Buhatin si Madel!
LAHAT
:
Buhatin!
DIEGO
:
Sandali lang, mga kapatid. Bago ang lahat, huwag nating
kalimutang pasalamatan muna at papurihan ang Diyos dahil sa kanyang
kabutihan! Si Madel ay ginamit lamang niyang kasangkapan
upang kayo’y pagalingin!
HAYOP #7
:
Tama si Diego! Purihin at pasalamatan ang Diyos!
LAHAT
:
Amen!
HAYOP #8
:
Thank you, Lord! Purihin ang Panginoon!
Amen! Praise the Lord!
LAHAT
:
Amen!
HAYOP #9
:
Mabuhay ang Panginoon!
LAHAT
:
Mabuhay!
HAYOP #9
:
Mabuhay si Madel!
LAHAT
:
Mabuhay!
DIEGO
: Mga
kapatid, umawit tayo ng papuri at pasasalamat sa Panginoon!
LAHAT
:
Amen!
SAN PEDRO
:
Congratulations, Pablito, for a job well done.
PABLITO
:
Sino kayo? At bakit alam n’yo kung sino ako?
SAN PEDRO
:
Of course! Hindi pa nga pala ako nagpapakilala sa
iyo. Ako si Simon na anak ni Jona at kapatid ni Andres,
kilala rin sa pangalang Pedro, tinatawag ding Cephas, na ang ibig
sabihin ay “Bato”.
PABLITO
:
Pedro? Kayo si... San Pedro?
SAN PEDRO
:
That right! At narito ako upang batiin ka sa iyong kabutihang
nagawa, at upang personal na samahan ka papuntang langit.
Isang napakalaki at masayang reception ang naghihintay sa iyo roon.
PABLITO
:
Ako? Pupunta sa langit? Ngunit ako’y
hindi karapat-dapat...
SAN PEDRO
:
Dati, oo. Pero ngayon ay napatunayan mo na ikaw ay isang
tunay na Kristyano, isang may ganap na pananalig sa Diyos. At
higit sa lahat, nakatulong ka rin nang malaki upang ang mga taong ito,
na matagal nang nakalilimot tumawag sa Diyos, ay magbalik-loob sa kanya.
PABLITO
:
Hindi ninyo naiintindihan. Ako’y isang...
SAN PEDRO
:
Pablito, naiintidihan ko ang lahat. Minamatyagan namin, mula
sa isang napakalaking computer monitor sa itaas, hindi lamang ang iyong
mga kilos at gawa, kundi maging ang iyong mga iniisip at
balak. Alam namin na noong una ang naghahari sa iyong puso ay
ang pagiging makasarili. Wala kang pakialam kung may matuwa o
masaktan, ang mahalaga sa iyo ay ang iyong sariling
kaligayahan. Pero nitong huli ay nagbago ka ng iyong pananaw
sa buhay. From being selfish and celf-centered you made a
complete turn-around and focused your attention to God and to your
fellow men. Ang lahat ng ito’y naka-register nang
maliwanag sa aming heavenly computer.
PABLITO
:
Tama kayo. At ibang iba ang aking pakiramdam
ngayon. Kakaibang uri pala ng kaligayahan at kapanatagan ng
loob ang naidudulot ng pagkakaroon ng tunay na panananalig sa Diyos at
pagmamalasakit sa kapwa. Nakikita kong masaya ang lahat, at
masaya na rin ako!
SAN PEDRO
:
Tumpak, Pablito, at ibayong kaligayahan pa kaysa riyan ang naghihintay
sa iyo sa langit. Kaya tayo na. Baka naiinip na ang
mga anghel na sasalubong sa atin sa pintuan ng maluwalhating kaharian.
PABLITO
:
Pero teka... Meron pa akong dapat gawin dito sa lupa bago ako sumama sa
inyo sa langit.
SAN PEDRO
:
Kalimutan mo na kung ano man iyon. Pasado ka na sa iyong
eksamen, nakumpleto mo na ang iyong assignment dito sa lupa, kaya wala
ka nang dapat gawin...
PABLITO
:
Hindi! Hindi rin ako ganap na magiging masaya sa langit kung
may isang kaluluwang mapapahamak dahil sa aking kagagawan.
Kailangan ko siyang makausap at hikayatin...
SAN PEDRO
:
Sinong kaluluwa ang iyong tinutukoy?
PABLITO
:
Si Juanito Bonito. Dahil sa aking pasyang makagawa ng
kabutihan ay siya naman ang nagpasyang gumawa ng kasamaan, at alam ko
na iyon ay hindi tama dahil walang hanggang pagdurusa ang kanyang
patutunguhan.
SAN PEDRO
:
Si Juanito ba ika-mo? Ho-ho-ho...!
PABLITO
:
Bakit kayo nagtawa?
SAN PEDRO
:
Si Juanito ay huwag mong alalahanin. Kasama mo rin siyang
pupunta sa langit.
PABLITO
:
Talaga? Pero hindi ba...?
SAN PEDRO
:
Alam kong magugulat ka, pero... Ah, sandali lang....
(Malakas.)
Juanito! Juanito, halika ka nga
rito! Come and join us!
JUANITO
:
Hello, Boss Peter! Ayos ba ang acting ko?
Pang-Oscar, di ba?
PABLITO
:
Anong acting? Anong pang-Oscar ang sinasabi mo?
SAN PEDRO
:
Si Juanito ay naparito para sa isang top secret mission.
PABLITO
:
Top secret mission? Teka-teka, pakilinaw nga para
magkaintindihan tayo.
JUANITO
:
Ganito yon, p’re. Ang misyon mo rito sa lupa ay...
PABLITO
:
Gumawa ng paraan upang ang mga tao’y magbalik-loob sa Diyos.
JUANITO
:
Tumpak! Ang misyon ko na naman... ang top secret mission ko
dito sa lupa...
SAN PEDRO
:
Ay gumawa ng paraan upang ikaw, Pablito, ay magbalik-loob sa
Diyos. At iyon ay nagampanan ni Juanito nang buong
husay. Mission accomplished, wika nga.
PABLITO
:
Ibig mong sabihin...?
JUANITO
:
Oo, Pablito. Ikaw mismo ang aking assignment. Alam
nila sa itaas na mas gusto mong makarating sa impyerno kaysa mapunta sa
langit, kaya ako ang kanilang ipinadala rito para kumbinsihin ka na
magbago ng iyong pasya.
PABLITO
:
Naisahan mo yata ako roon, ah!
JUANITO
:
Ginawa ko lang ang dapat kong gawin, p’re. Trabaho
lang ito, walang personalan.
PABLITO
:
Kaybuti mo, Juanito. Maraming salamat sa tulong mo.
Kung hindi dahil sa iyo marahil ay...
JUANITO
:
Wala yon! Kasiyahan ko ang paglingkuran ka.
SAN PEDRO
:
O paano, handa na ba kayong bumiyahe patungong langit?
PABLITO
:
Eh, Sir Peter... meron lang sana akong ire-request bago tayo umalis.
SAN PEDRO
:
Sure. Ano yon?
PABLITO
:
Magpapaalam lang ako kay Madel.
SAN PEDRO
:
No problem. Go ahead. Magpaalam ka na.
DIEGO
: Mga
kapatid! Konting katahimikan lamang, mga kapatid.
Nagmimilagro uli si Madel. May kinakusap siya na hindi natin
nakikita.
MADEL
:
Ibig kong ipabatid sa inyo na labis akong nagagalak at nagpapasalamat
sa pagbibigay ninyong muli ng pagtitiwala sa akin sa kabila ng
perwhisyong nagawa ko sa marami sa inyo. Ibig ko ring
ipabatid sa inyo na sa araw na ito ay gumawa ako ng isang
pasya. Kaya nais kong magpaalam sa inyong lahat...
ESTER
:
Magpapaalam ka sa amin?
KULAS
:
Bakit?
MAGNO
:
Saan ka pupunta?
MADEL
:
Papasok ako sa kumbento.
KRISTINA
:
Papasok sa kumbento?
DIEGO
:
Bakit?
MADEL
:
Gusto kong maging madre.
LAHAT
:
Gusto mong maging madre!!!
ESTER
:
Magmamadre ka, Madel?
MADEL
: Oo.
TOYANG :
Tanggapin ka kaya sa kumbento?
MADEL
:
Baka sakali.
Ang
perang ito ay ibibigay ko sa inyo. Hindi ko kailangan ito sa
aking pupuntahan. Gamitin sana ninyo sa paraang makabubuti
para sa inyo.
HAYOP #1
:
Ang bait-bait ni Madel, ano?
HAYOP #2
:
Talagang mabait!
HAYOP #3
:
Ang dami ng naagaw kong pera!
HAYOP #4
:
Ako rin!
HAYOP #5
:
Teka-teka muna! Napeke tayo ni Madel!
HAYOP #6
:
Ano’ng napeke?
HAYOP #5
:
Hindi tutoo ang perang ipinamigay ni Madel! Peke ang mga
salaping ito!
HAYOP #7
:
Paano mo nasabing peke?
HAYOP #5
:
Tingnan ninyo – Panay walang pirma ni Presidente!
HAYOP #8
:
Oo nga, ano?
HAYOP #9
:
Pati ang pirma ng gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas, nawawala
rin!
PABLITO
:
E, Boss Peter, puwede na siguro tayong umeksit. Mukhang
sumasama ang panahon, eh. Mahirap na. Baka dito pa
tayo abutin ng malakas na bagyo.
SAN PEDRO
:
Palagay ko nga.
JUANITO
:
Tara na, boss. Let’s go na!
ACERO
: Mga
kababayan, peke nga ang perang ito! Napeke tayo ni Madel!
TOYANG :
Ano pang hinihintay natin? Habulin si Madel!
LAHAT :
:
Habulin!
MADEL
:
(Mandidilat
ang mata at tititli nang malakas.) Eeeehhhhhhhhh!
SAN PEDRO
:
Takbo na!
(Tatakbo
si MADEL. Bibilisan ng pangkat ni SAN PEDRO ang
pagtakbo. Ihahagis ng lahat ang kanilang naagaw na pera, at
hahabulin nila si MADEL paikot sa stage hanggang sa tuluyang makalabas.)
RAFAEL A. PULMANO
October 14, 1997
Biñan, Laguna
[ balik sa itaas ]
The Case of the Viskotso Masaker | Isang Dangkal na Gunita | Pasko | Pirma | San Miguel Arkanghel
Huling pagbabago: Disyembre 21, 2008