Ang Dasalan ni Belen
| Isang Libo't Isang
Halik
| May Lihim ang
Bahay-bahayan | Mayo
at Disyembre | Si
Mang Estong | Subyang sa Puso
ANG DASALAN NI BELEN
NAKATAWAG ng pansin ko ang isang babaeng palakad-lakad at pabalik-balik
na para bang may hinahanap sa ikalawang palapag ng SM sa Pallocan West,
Batangas City. Nilapitan ko siya.
“Alright ka ba?”
“Hindi e, nalaglag ang wallet
ko.”
“Sa lugar bang ito
nalaglag?” tanong ko.
Patuloy siya ng paglakad-lakad,
“Oo, kasi,
hawak-hawak ko pa kanina nang nasa escalator ako. Tiyak kong
dito
lang.”
Tumulong ako sa paghahanap.
Sumulyap siya sa akin.
Sa isang sulok na malapit sa escalator,
natagpuan ko
ang wallet. Pinulot ko iyon, “Ito ba ang hinahanap
mo?”
Bigla ang pagbadha ng tuwa sa kanyang
mukha. “’Yan nga!
Sa’n mo nakita?”
“D’yan sa malapit sa
escalator. O,
heto, ingatan mo at hawakan mong mabuti, baka malaglag na
naman.”
Napayakap siya sa akin, “Naku,
maraming salamat!”
“Wala
‘yon. Sige, ingat ka lang.”
Papaalis na ako nguni’t
hinawakan n’ya ako sa braso. “Teka
muna.”
Nakita kong kumuha siya sa wallet ng
pera. “Tanggapin mo ito.”
“H’wag na lang,
itago mo na ‘yan.”
Hindi niya ako napilit na kunin ang
pera. Talagang matindi ang pagtanggi ko.
“Kung ayaw mong tanggapin ito,
baka naman
pu’edeng samahan mo akong kumain. Mag-aalauna na
rin
e. Magtatanghalian ako. Sige na, please!”
Sa pakiusap niya’y napahinuhod
ako at
natagpuan ko ang aking sariling kasama niya sa Max Restaurant ng Mall.
Siya ang umorder ng pananghalian.
“’Buti’t tinulungan mo ako at ikaw ang
nakatagpo ng
aking wallet. Kung hindi, baka nakita ng iba at hindi na
napabalik sa akin.
“Importante ba ang
laman?”
“Napakahalaga, nandito kasi
lahat ang aking
mga access at credit card. Narito rin ang mga resident at
email
address ng karamihan sa mga kaibigan ko.”
Nang maidulot na ng waiter ang pagkain patuloy kami ng pag-uusap habang
kumakain. Napansin n’ya ang madalas kong pagbulos
ng
kaldereta.
“Mukhang paborito mo
‘yan. Order pa ako ng isa.”
“A, tama na ito.
Inuubos ko nga lang e.”
Ang totoo, talagang gutom na ako
noon. Marami
ang kinain ko at nang makatapos kaming kumain, busug na busog ako, at
nagliwanag ang isip ko…pati ang aking mga mata.
Noon ko napagwaring maganda pala ang
tinulungan ko
na nag-anyaya sa akin ng pananghalian. Noon ko nakitang may
nangungusap siyang mga mata kung nagsasalita, may hugis-pusong mukha na
tila masasalamin ang isang anghel, may matangos na ilong na bumagay sa
maninipis na labi…at may ngiting
nakahahalina…pagkatamis-tamis.
Naramdaman ko ang paghangang nagpapitlag
sa aking puso at nagkainteres tuloy akong makilala siya.
Ako muna ang nagpakilala.
Matapos kong sabihin
ang ngalan ko at ang iba pang bagay tungkol sa akin, nagpakilala naman
siya.
“Si Belen ako…Belen
Ledesma.”
“Singer ka siguro.”
“Ba’t mo nasabi
iyan?”
“Kaapilyedo mo si Kuh Ledesma
e, kamag-anak mo ba siya?”
“A, hindi, wala akong relasyon
doon, saka
hindi ako singer. Kumakanta rin ako, pero kung nasa banyo
lang. Sintonado pa nga e.”
Napangiti ako at iniba ko ang
usapan. Gusto ko
kasing alamin kung may boy friend na siya. “Baka
makita
tayo rito ng boy friend mo at magselos siya.”
“A, wala ako
n’yan,” nakangiti siya, “ walang
magkamali e.”
Lumawig pa ang aming usapan, at
napagkasunduan naming maging magkaibigan.
“May ibibigay ako sa
‘yo.”
“Ano
‘yon?” tanong ko.
May kinuha siya sa kanyang shoulder bag,
“Ito…huwag mong tatanggihan, dahil pag tumanggi
ka,
babawiin ko ang pakikipagkaibigan sa ‘yo.”
“Okay, tatanggapin ko, takot
akong mawalan ng kaibigan.”
Iniabot niya sa akin ang isang dasalan.
“Gagamitin mo ‘yan, ha? Pag ginamit mo
‘yan
maaalaala mo ako.”
Mapitagan kong tinanggap ang munting aklat, “Thank you, umasa
kang gagamiting ko ito.”
Sabi ko, dadalawin ko siya sa kanila. Pumayag siya. Ibinigay
rin
niya sa akin ang kanyang address. Kinamayan ko siya at hinagkan sa
pisngi bago kami naghiwalay.
NANG nasa bahay na ako, sanhi ng pananabik, binuklat ko ang bigay na
dasalan ni Belen. Binasa ko ang mga pahina at
kinagiliwan
ang nilalaman niyon. Nasa dasalang ito ang mahahalagang bagay na dapat
malaman ng isang Kristiyano.
Noong una pa man ay may ideya na ako sa mga simpleng bagay
at kaisipang dapat malaman ng tao tungkol sa Diyos.
Relihiyoso ang mga magulang ko at pinalaki nila akong isang mabuting
Katoliko. Lay minister si Daddy sa Parokya ng Santisima
Trinidad,
ang bagong gusaling simbahan na hindi kalayuan sa aming tahanan.
Nguni’t sa dasalang bigay ni Belen, higit na naging malinaw
sa
akin ang kahalagahan ng sakripisyo ng misa. Na ang misa ay
isang
binalangkas na pagdiriwang. Na ang bawa’t bahagi
nito ay
bumubuo ng magkakaugnay na pagpupuri at pag-aalay sa Diyos.
Umantig sa akin ang malalim nitong kahulugan, mula sa pambungad na
pagsisising humihingi ng awa ng Panginoon, sa pakikinig ng
mga
Salita ng Diyos, sa Liturhiya ng Eukaristiya, sa paghahandog ng ating
sarili at ng pagtanggap sa Panginoon, hanggang sa katapusan na
nagsusugo sa ating isabuhay ang ating pagiging Kristiyano.
Nabasa ko rin sa dasalan ang tungkol sa pangungumpisal sa
Pari.
Tila bugtong itong umukilkil sa aking isipan. Sa isip-isip
ko,
bakit ba kailangang mangumpisal sa Pari, at hindi tuwirang mangumpisal
sa Diyos?
Dahil sa si Daddy ay makatigil-tigil na sa simbahan, nagba-Bible Study
at sumasama sa mga Ispiritwal na mga pagpupulong, kinausap ko
siya. Baka ‘ka ko siya ang makasasagot sa bugtong
na nasa
isip ko.
Ikuwento ko muna sa kanya ang pagtatagpo namin ni Belen Ledesma at ang
pagbibigay nito sa akin ng isang dasalan na tila ba may hiwagang
nagtutulak sa akin upang mag-usisa.
“Mukhang tinamaan ka yata sa dalagang ‘yon
a.”
kumindat siya, “baka naman hindi ang laman ng dasalan ang
bumabalisa sa iyo, kung hindi siya.”
“Dad, pareho pong bumabalisa sa akin,” pagtatapat
ko, “si Belen at ang bigay niyang dasalan.”
“A, palagay ko’y in-love ka na nga,” may
tonong
birong wika niya, “gusto mo bang magtanong ng epektibong
paraan
ng panliligaw?”
“Hindi po, Dad,” sagot ko, “nasa edad na
po ako para magkaroon ng sariling diskarte.”
“O, e…ano’ng gusto mong
malaman?”
“Tungkol po sa Sakramento ng Pagkukumpisal.”
“Sige, magtanong ka, anak.”
“Bakit po kailangang mangumpisal sa Pari,”
nakatingin ako
sa isang pahina ng dasalan, “gayong p’wede namang
mangumpisal nang direkta sa Diyos?”
“Ang pagpapatawad sa mga kasalanan ay hindi isang simpleng
proseso,” sumeryoso ang mukha ni Dad. “Ang
pagpapatawad ay
dumaraan sa dalawang mahahalagang hakbang.”
“Ano po’ng mga hakbang
‘yon?”
“Una, ang kapatawaran sa lupa na ipinagkakaloob ng mga
apostol
batay sa iniwang tungkulin ng Panginoong Hesukristo sa mga
ito.”
Mataman akong nakikinig.
“At ikalawa, ang kapatawaran sa langit na makakamit
lamang
kung nakamtan na ang kapatawarang ipinagkaloob ng mga
apostol,” huminga siya nang malalim. “Sa
simpleng
pag-aanalisa, ang kapatawaran ay kinakailangan munang matanggap dito sa
lupa bago makatanggap ng kapatawaran sa langit.”
“Sino po ba ang mga apostol?” nakatingin ako kay
Dad.
“At bakit tayo lamang pong mga Katoliko ang nangungumpisal sa
Pari, na tao ring katulad natin?”
“Ang tinutukoy kong mga apostol ay ang Papa, mga Obispo at
mga Pari.”
“Bakit po naman natin sila itinuturing na mga apostol ni
Kristo?”
“Romana Iglesia Katolika lamang ang tanging relihiyon sa
buong
mundo na may pamunuan na nagmula sa mga unang apostol ng Panginoong
Hesukristo,” paliwanag ni Dad. “Mula kay
San Pedro
na itinuturing na unang Papa ng Simbahan, malinaw na
matutunton
mula sa mga aklat ng kasaysayan ng Iglesia ang mga sumunod pang mga
Papa. Gayundin naman ang mga Obispo at mga Pari ay kasama sa
pamunuang nabanggit.”
“Gayon po ba, Dad,” pahiwatig kong nagsisikap na
maunawaan siya.
“Oo, anak ,” ipinatong niya ang kamay niya sa
balikat ko.
“Samakatuwid, kung ang mga gawain at awtoridad ng mga apostol
ay
naisalin sa mga sumunod pang mga pinuno ng Simbahang Katoliko, malinaw
na masasabing kasama sa mga tungkuling ito ang tagubilin ni Kristong
magpatawad ng kasalanan.”
“Dad, salamat po sa paliwanag n’yo.”
Halata marahil ng aking ama na may mga tanong pa ring nagtitining sa
aking isipan. “Ang lubusang pagkaunawa ng mga bagay
ng
Diyos ay nagmumula sa puso at sa tibay ng pananalig,”
aniya. “Ipauunawa sa iyo ng Panginoon sa takdang
panahon
ang mga banal na kaisipang hindi mo pa gaanong maunawaan
ngayon!”
ARAW ng Sabado. Aywan ko kung bakit may kung anong kapangyarihang
nag-uutos na magsimba ako nang araw na iyon. Nagbihis ako at
nagpasiyang sumimba.
Taglay ko ang lumang dasalang galing kay Belen at ginamit ko ito sa
pakikiisa sa sakripisyo ng misa. Taimtim akong nanalangin.
Nang dumating na sa bahagi ng Bidding Prayer, at sabihin ng namumunong
manalangin ng pansariling kahilingan, naalala ko si Belen.
“Pangalagaan mo po, Diyos ko, si Belen. Mula po
nang
magkakilala kami’y hindi na siya nawalay sa isipan
ko.
Pagindapatin mo po sana ako sa kanyang pakikipagkaibigan sa
akin.
Aywan ko po, Panginoon, nguni’t dama ko pong umiibig ako sa
kanya. Kung magkatugon po ang aming mga damdamin,
makaaasa
po kayong magkasama kaming maglilingkod sa inyo.”
Sa pagkukumonyon, hindi ako makapaniwala nang makita kong kasama sa mga
nakapila roon ang dalagang di mapawi sa puso ko—si
Belen. Nagsimba rin pala siya. Nang
makapangumunyon,
marahan akong bumalik sa luhuran. Naramdaman kong lumapit
siya at
doon din lumuhod.
Nang matapos ang misa, nag-usap kami.
“Nandito ka na ba nang magsimula ang misa?” tanong
ko.
“Oo, nasa pangatlong upuan ako sa gawing likuran
mo.”
Magkasama kaming lumabas ng simbahan.
“Belen, di ba sabi ko sa iyo noon, papasyal ako sa
inyo?”
“Alam ko.”
“P’wede bang mamayang gabi kita pasyalan?”
“Sige, kung gusto mo. Bukas ang tahanan namin para
sa lahat.”
“Mamayang gabi darating ako, ha?”
“Hihintayin kita.”
Kinagabihan dinalaw ko si Belen sa kanilang tahanan.
Ipinakilala
niya sa akin ang kanyang mga magulang at mga kapatid. Kay
babait
nila at kay huhusay tumanggap ng panauhin.
“’Yong pangako mo sa
aking lagi mong
gagamitin ang dasalang bigay ko sa ‘yo, aasahan ko,
ha?”
may lambing na wika ni Belen nang kami na lamang ang nag-uusap.
“Pangako, Belen, lagi kong
gagamitin iyon.”
Namayani ang katahimikan sa aming dalawa.
“May sasabihin ka ba?” binasag niya ang katahikang
iyon.
“Alam kong magkaibigan tayo kaya gusto mo akong
pasyalan.
May mahalagang bagay ka bang sadya sa akin?”
Sa loob-loob ko, tila nababasa
ni Belen ang damdamin ko.
Hindi muna ako nakapagsalita.
Subali’t
makalipas ang ilang saglit ay binuo ko sa aking sarili ang pasiyang
ipagtapat ang damdaming nararamdaman ko para sa kanya.
“Belen, h’wag mo
sanang
ikagagalit,” mahina datapwa’t matatag ang tinig ko,
“mula nang magkakilala tayo’y hindi ka na nawaglit
sa isip
ko.”
“Bakit naman?”
“Mahal na mahal
kita…pinakaiibig…at nais kong ikaw ang maging
katuwang ko
sa buhay sa habang panahon.”
“Tiyak mo ba ang damdamin
mo?”
“Oo, handa akong ibigin ka
habang
buhay,” minasdan ko ang kanyang mga mata, “at kung
katugon
ng damdamin mo ang damdaming kong ito…handa kitang
pakasalan.”
“Maraming salamat sa
pagtatapat mo at sa
pag-uukol mo sa akin ng ganyang damdamin…
nguni’t…”
“Nguni’t
ano?”
“Mayroon na akong kompromiso
sa
Panginoon…Nakatakda na akong maging alagad
niya…nakatakda
na akong maging isang madre.
Natigilan ako sa kanyang sinabi,
humulagpos sa
dibdib ko ang isang malalim na buntunghininga…at gumilid ang
luha sa aking mga mata.
“H’wag mong
ipagdamdam ang sinabi
ko,” hinawakan ni Belen ang aking kamay. “Ayaw kong
makitang nalulungkot ka!”
Nang magpaalam ako’y inihatid
niya ako sa tarangkahan ng kanilang tahanan.
“Bye, Belen,” may panglaw sa boses ko.
“Hangad ko ang tagumpay mo sa tungkuling nais mong
gawin.”
Hindi siya sumagot. Nakatungo
siya.
Inihakbang ko ang aking paa na patungo
sa kotse ko.
Subali’t pinigil niya
ako…biglang
niyakap…at sa dibdib ko’y umiyak siya nang umiyak.
Niyapos ko rin siya nang mahigpit.
Yanig ang balikat niya at dinig ko ang
mahina niyang
paghikbi, “Alam mo ba…mahal na mahal din
kita!”
Hindi ko napigilang hagkan siya…sa noo…sa
pisngi…at sa huli… naghinang ang aming mga
labi.
Luhaan ang aming mga mata…humihingal kami kapuwa.
Nang magbalik sa katinuan, nagulumihanan kami…hindi
makakibo…litung-lito…at hindi malaman ang
gagawin.
Naisip ko ang bigay na dasalan ni Belen. At nanariwa sa diwa
ko ang huling sinabi ni Dad nang mag-usap kami.
“Ipauunawa
sa iyo ng Panginoon sa takdang panahon ang mga banal na kaisipang hindi
mo pa gaanong maunawaan ngayon!” —
Mga
katha ni Bert Cabual na matatagpuan sa sayt na ito
Tula:
Ang
Makata at ang Alak | Kamanyang
Kay Manny Pacquiao |
Si Quezon at ang
Wika |
Soneto kay Paeng
| Noynoy:
Asin at Ilaw
| Kaluluwa ng Lahing Marangal | Maligayang Pasko
Kwentula:
Bugso
ng Gunita
Balagtasan:
Bata
at Pamalo | Si Manny Pacquiao at ang Politika | Dagdag na taon
sa Haiskul
Sanaysay: Saltik-Panitik:
Balagtasan
Maikling Kuwento: Ang Dasalan ni Belen | Isang Libo't Isang Halik | May Lihim ang Bahay-bahayan | Mayo at Disyembre | Si Mang Estong
Ang Dasalan ni Belen
| Isang Libo't Isang
Halik
| May Lihim ang
Bahay-bahayan | Mayo
at Disyembre | Si
Mang Estong | Subyang sa Puso