Ang Dasalan ni Belen
| Isang Libo't Isang
Halik
| May Lihim ang
Bahay-bahayan | Mayo
at Disyembre | Si
Mang Estong | Subyang sa Puso
SI MANG ESTONG
MALAT ang tinig na binasa ni Mang Estong ang kanyang tula sa harapan
naming mga kasama niya sa KAPILING, isang samahan ng mga manunulat sa
London. “Kamanunulat na Pilipino sa Inglatera” ang ibig
sabihin ng Kapiling.
Nguni’t dahil marahil sa magpipitumpung taon
na si Mang Estong, tila hindi na siya makabigkas nang maganda.
Bukod sa malat ang tinig niya’y hindi na niya gaanong
mabigyang-buhay ang tulang binabasa o binibigkas. Gayunma’y
dinig kong mahusay naman ang sinulat na tula ng
matanda.
Nang kabataan daw ni Mang Estong ay mahusay siyang
mambibigkas. Luma raw ang kanyang mga kababatang makata sa
kanilang lalawigan. Kung malungkot ang tula’y kaya niyang
magpaiyak, at kung nakatatawa ang tula, kaya niyang
magpahalakhak. Ayon kay Jennifer, ang
editor ng
Pinoy’s
Courier dito sa London at kamembro namin sa Kapiling, sinira raw ng
alak ang tinig ni Mang Estong. Subali’t bukod sa
makata’y kuwentista at nobelista pa raw si Mang Estong,
sabi niya.
“Jenny, bakit mo alam na sobra kung uminom at sinira
ng alak ang tinig ni Mang Estong sa pagbigkas?” tanong ko.
“Nakakausap ko kasi siya, at naipagtapat niya
sa akin,” kumindat siya, “malakas daw siyang uminom lalo na
nang kabataan pa niya.”
“Uy, mukhang
friend mo siya, ha?”
“E, nakikipagkaibigan siya e.”
“Talaga, ha?”
“Alam mo namang hindi ako suplada,” ngiti ni Jenny, “saka mabait naman siya.”
“Baka may gusto sa ‘yo,” biro ko. “Balo ‘yon, di ba?”
“Ay, ‘no ka ba?”
“Pag nagkataon, magkakaroon ka ng
boy friend,
at the same time, may
Daddy ka pa.”
“E, ano namang masama no’n,”
nakatawa si Jenny, “wala siyang asawa at dalaga naman ako!”
Tinutudyo ko si Jenny dahil sa hindi ang
pagkamakata at pagkamanunulat ni Mang Estong ang umuukilkil sa isip
ko. May lumalaganap na balitang pilyo raw siya sa tsiks. At
ang mga tsiks na nabibiktima niya ay pawang mga bata pa. Halos
kakalahati o sasangkatlo ng edad niya ang pumapatol sa kanya. At
si Jenny na dalaga at dalawampu’t walong taon lamang ay
halos sing-edad ng misis ko. Kaibigang matalik namin ng asawa ko
ang diyurnalistang ito. Gusto namin siyang
paalalahanan.
Papaano kaya nagagawa ni Mang Estong na bumingwit ng
kay babatang dalaga? Nagtataka ako, hindi naman siya
guwapo. May gayuma yata sa babae.
O baka naman kaya dahil sa mayaman si Mang
Estong. Kasi retiradong
Bar Tender siya sa London Hilton.
Malaki raw ang kita ng
Bar Tender nang panahon niya sa otel.
Nakabili raw siya ng isang
four-bedroom house,
ipinagbili niya ngayong maedad na siya, at bumili na lamang ng isang
munting
flat. Mukhang malaki ang naipon ni Mang Estong. Limpak
daw ang deposito niya sa
Building Society.
Anuman ang talagang dahilan ng pamimleyboy ni Mang
Estong, basta gusto namin ng misis kong babalaan si Jenny.
“Jenny, nais naming paalalahanan ka tungkol
kay Mang Estong,” turing ni misis, “mukhang malapit na
malapit ka sa kanya.”
“E, maano naman ‘yon,” sagot niya,
“nakikipagkaibigan lamang naman ‘yong tao.”
“Alam mo ba ang lumalaganap na usap-usapan tungkol sa kanya?” tanong ko.
“Ano ‘yon?” nakatingin sa amin si
Jenny. “Parang
worried na
worried kayong mag-asawa.”
“
Playboy
daw si Mang Estong,” sabi ni misis, “at maraming
nabibiktimang mga babaeng simbata mo at ang iba’y mas bata pa sa
iyo.
Worried kami sa ‘yo dahil matalik ka naming
kaibigan.”
“Ano ba naman kayo,” napahagikhik si
Jenny, “ang tanda-tanda na no’ng tao, saka hindi naman
lumiligaw sa akin. Baka naman tsismis lang ang nasasagap
n’yo.”
“Basta gusto naming mag-ingat ka,”
aniko, “ayaw naming may pagsisihan ka sa bandang huli.”
“O, sige, salamat sa mga paalaala
ninyo,” nakangiti ang magandang kaibigan namin,
“mag-iingat na po,
promise!”
Alam namin ng misis kong hindi nababahala si Jenny
sa kabila ng aming mga paalaala. Tuloy siya sa pakikipagmabutihan
kay Mang Estong. Hindi kami tumigil, malimit na sinusubaybayan
namin si Jenny, lalo na kung alam naming kasama ang matandang palikero.
Sa isang restorang-Pilipino sa
Earls Court
nasubaybayan namin si Jenny. Nakakuha kami ng impormasyon na
kakatagpuin daw niya roon si Mang Estong.
Maagap kaming dumating ng asawa ko sa
Earls Court, sa hindi
kalayuan sa restoran. Binantayan namin si Tandang Estong at si
Jenny sa isang kubling lugar, sa isang parke na may upuan, hindi kami
makikita.
Lumipas ang ilang minuto, nakita naming dumarating
ang kotse ni Mang Estong na pumarada sa harap ng restoran. Umibis
siya sa sasakyan. Magara ang bihis ng matanda. Dahil sa
summer,
nakabarong-Tagalog at
brown ng pantalon. Mas batang tingnan kaysa
talagang edad niya. Pumasok siya at naupo sa isang mesang malapit
sa bubog na dingding.
Transparent ang dingding at nakikita ang
mga tao sa loob. Sa kinaroroonan namin, kitang-kita si Mang
Estong.
Kapagkuwan, dumating si Jenny na sakay ng isang
mini-cab. Ang ganda-ganda niya. Sa soot niyang bestidang
dilaw na walang manggas ay litaw na litaw ang kanyang kaputian.
Katamtaman ang taas ng takong ng soot niyang sapatos. Nasok si
Jenny sa loob ng restoran at naupo sa katapat na upuan ni Mang
Estong. Lumapit ang
waiter at nakita naming nag-order sila ng
kakanin at iinumin.
“Ling, masayang-masaya sila,” puna ni
misis. “parang may relasyon na yata sila.”
“Mag-obserba pa tayo,” sabi ko, “baka naman magkaibigan pa lang.”
“Sige, hindi tayo aalis hangga’t hindi sila lumalabas ng restoran.”
Nakita naming nagtatawanan at nagtutuksuhan ang
dalawa habang kumakain. Tila ba malapit na malapit ang damdamin
nila sa isa’t isa. Gusto ko nang maniwalang si Jenny ay
magiging biktima ng kapilyuhan sa babae ni Mang Estong.
Nagpatuloy kami ng pagmamasid. Nabaghan kami
nang makita naming nakahawak si Mang Estong sa kamay ni Jenny.
Mayamaya lamang ay tumayo at lumabas na ng restoran ang dalawa.
Sa labas, bago sumakay ng kotse si Mang Estong ay ginawaran niya ng
halik sa pisngi ang dalaga. Tumawag si Jenny ng taxi at umalis na
rin.
Sa loob-loob ko, marahil naghiwalay sila ng
sasakyan upang hindi mahalata na talagang magsiyota na
sila. Nahihiya rin marahil sa kapuwa Pilipino dahil sa agwat ng
kanilang mga edad. Datapwa’t kung talagang tunay na umiibig
sila sa isa’t isa, hindi sila dapat na mahiya.
Naragdagan ang kutob kong gusto lamang biktimahin ni Mang Estong si Jenny.
Lumaki pang lalo ang aming pangamba ng misis ko nang sa mga pagpupulong
ng Kapiling ay nakikitang laging magkatabi sina Mang Estong at
Jenny. May mga nagsasabi pang kung nalalasing sa pakikipag-inuman
ang matanda ay sinusundo ito ng dalaga naming kaibigan.
Nakikiramdam pa rin ako sa mga nangyayari, nguni’t ang asawa ko’y hindi na mapalagay.
“Ano kaya ang mabuti nating gawin, Ling?
We should not give up,” nakakunot-noo ang misis ko.
“Umisip pa tayo ng ibang paraan upang iligtas si Jenny.”
“Sa susunod na miting namin sa Kapiling,” sabi ko, “kakausapin ko na si Mang Estong.”
“Ano naman ang sasabihin mo?” nakatingin siya sa akin, “baka masabihan ka ng…
mind your own business!”
“Hindi naman marahil, kasi sasabihin ko sa kanyang
concerned lamang tayo kay Jenny.”
“Sana nga ay hindi magalit sa iyo si Mang Estong pag kinausap mo.”
“Ang idalangin mo ay huwag bibiktimahin o
lolokohin ni Mang Estong si Jenny, dahil pag ginawa niya
‘yon,” nagtiim ang aking mga bagang, “bugbog sarado
siya sa akin!”
LUMIPAS ang isang buwan, dumating ang takdang araw ng pagpupulong ng Kapiling. Inabangan ko si Mang Estong.
Nagsimula na ang pagpupulong. Wala si Mang
Estong at hanggang sa matapos ang pulong ay hindi sumipot. Hindi
alam ng Pangulo kung bakit wala si Mang Estong. Ang ipinangamba
ko, wala rin si Jenny. May kutob akong magkasama sila at
napapahamak na nang husto ang kaibigan naming
journalist sa kamay ng
matandang pilyo sa
girls.
Umuwi ako sa bahay at ibinalita ko sa asawa kong
wala sa pulong ng Kapiling si Mang Estong, saka wala rin si
Jenny.
Nagpasiya kaming puntahan sa kanilang tahanan si Mang Estong at doon namin siya kakausapin.
Sa
flat ni Mang Estong, nag-
door bell kami.
Walang nagbubukas ng pinto. Baka sira ang
door bell.
Paulit-ulit kaming kumatok. Wala ring nagbubukas.
Mayamaya’y may lumapit sa aming isang Pilipinong naninirahan sa
karatig na
flat ng matanda.
“Wala pong tao riyan,” sabi ng lumapit
sa amin. “Dinala po siya ng ambulansiya sa ospital.”
“Bakit, ano’ng nangyari sa kanya?”
gulat ko. “At saang ospital siya dinala.?”
“Basta nakita ko na po lamang na may
ambulansiya sa tapat namin at usung-usong si Mang Estong na
isinakay,” pahayag ng kausap namin. “Ang dinig ko
po’y sa
Central London Hospital dadalhin.”
Sugod kami ni misis sa ospital. Habang sakay
kami sa kotse na patungo roon, tila ba nawala na sa amin ang hindi
mabuting mga hinala kay Mang Estong. Habag sa matanda ang
wari’y humalili sa aming damdamin.
Hindi namin sukat akalaing daratnan namin sa ospital si Jenny. Nasa labas siya ng
ICU (Intensive Care Unit) at umiiyak. Nang makita niya kami’y yumakap siya sa misis ko, napahagulgol siya.
Lumikha ng ingay ang paghagulgol ni Jenny, kaya nilapitan kami ng isang
nurse at inihatid si
Visitor’s Room. Tahimik kaming naupo.
Si Jenny ang unang nagsalita, aniya’y siya ang tumitingin sa matanda.
“Malubha siya, Ate,” aniya. “May
kanser siya sa atay at may taning na ang kanyang buhay!”
“H’wag kang mawalan ng pag-asa,” bulong ni misis. “May awa ang Diyos.”
“Mahal ko siya, Kuya,” binalingan ako ni
Jenny, “at talagang balak ko nang ipagtapat sa inyo ni Ate ang
aming relasyon.”
Nanahimik kami ni misis.
“Kahi’t matalik tayong magkakaibigan,
Kuya, Ate,” nakatungo si Jenny, “marami pang mga bagay
kayong hindi alam tungkol sa akin.”
Mataman kaming nakikinig.
“Laki ako sa Lola,” may luhang gumilid
sa mata niya. “Maliit pa ako nang iwan ako kay Lola ng mga
magulang ko.”
Ayon kay Jenny nagtaksil sa tatay niya ang kanyang
inay at sumama ito sa ibang lalaki. Subali’t hindi nagtagal
ay namatay ang inay niya, kasama ng kalaguyo nito, sa isang
motor
accident. Ang pagkatuklas sa kataksilan ng asawa at ang
pagkamatay nito sa piling ng kalaguyo ay labis na ipinagdamdam ng
kanyang tatay.
“Ano’ng ginawa ng tatay mo?” si misis
“Naglayas at nagpakalayu-layo si Tatay.”
“At iniwan ka niya?”
“Oo,” humikbi siya, “naiwan ako kay Lola.”
Maykaya raw sa buhay ang Lola ni Jenny at
napapag-aral siya nito. Napapagtapos siya sa kolehiyo.
Pangarap niyang makapangibayong-dagat, kaya humingi siya ng pahintulot
sa kanyang Lola upang makapagtrabaho sa ibang bansa. Pinayagan
daw siya. At nagkapalad siyang makarating at makapaghanapbuhay sa
London
Sa bahaging ito ng pagsasalaysay, nakayukong huminto
at nagbuntunghininga si Jenny. Namayani ang
katahimikan.
At ako ang bumasag ng katahimikang yaon.
“Jenny, ‘lam mo bang sinubaybayan ka
namin nang magkita kayo ni Mang Estong sa restoran sa
Earls Court noong
isang buwan?”
“Talaga?”
“Pero nang lumabas kayo ng restoran, bakit
naghiwalay kayo ng sasakyan. Si Mang Estong ay sa kotse niya at
ikaw naman e nag-
taxi.”
“Kinailangan kong dumaan sa opisina ng
Pinoy’s Courier, at magkaiba ang direksiyon ng pupuntahan
namin,” wika ni Jenny.
“Bakit nga pala may usap-usapang babaero si
Mang Estong at ang pinipili pa’y yaong lubhang mga bata kaysa
kanya?” tanong ni misis.
“Naipagtapat niya sa akin, Ate, na noon ay
sabik siya sa pagtingin ng nakababatang kapatid at nakikita niya iyon
sa mga nakababatang kaibigan niyang manunulat na dalaga. Wala
siyang anumang masamang motibo.”
“Kung gayo’y mali ang bulung-bulungan at iniisip ng mga tao,” sabi ko naman.”
“Oo, Kuya, maling-mali ang hinala nila sa
kanya. Malinis at maganda ang isipan at puso niya, sinlinis at
singganda ng kanyang mga tula.”
Talamak na ang kanser sa atay ni Mang Estong at
namatay siya sa ospital. Labis na ipinagdamdam ni Jenny ang lahat.
Sa gabi ng paglalamay sa yumao, naroon kami ng asawa
ko. Nakalaan kaming magbigay ng anumang tulong na kailangan ni
Jenny sa kanyang pagdadalamhati.
Hindi pa naitatakda ang libing ni Mang Estong.
“Jenny, kailan ba ang libing ng
boy friend mo?” tanong ko.
“Hindi ko siya
boy friend, Kuya”
Namangha ako, “bakit, nagpakasal na ba kayo…
secretly married ba kayo?”
“Hindi rin, Kuya.”
“Kung hindi, e… bakit nagmamalasakit ka sa kanya nang ganito?”
Tinitigan niya ako, “Kuya, siya ang…” may luhang naglandas sa kanyang pisngi.
“Sino nga siya?” hinawakan ko siya sa balikat.
Yumakap siya sa akin, “Siya ang ama ko!” bigla siyang humagulgol.
Tigalgal kaming napaupo ni misis sa kalapit na sopa! —
Mga
katha ni Bert Cabual na matatagpuan sa sayt na ito
Tula:
Ang
Makata at ang Alak | Kamanyang
Kay Manny Pacquiao |
Si Quezon at ang
Wika |
Soneto kay Paeng
| Noynoy:
Asin at Ilaw
| Kaluluwa ng Lahing Marangal | Maligayang Pasko
Kwentula:
Bugso
ng Gunita
Balagtasan:
Bata
at Pamalo | Si Manny Pacquiao at ang Politika | Dagdag na taon
sa Haiskul
Sanaysay: Saltik-Panitik:
Balagtasan
Maikling Kuwento: Ang Dasalan ni Belen | Isang Libo't Isang Halik | May Lihim ang Bahay-bahayan | Mayo at Disyembre | Si Mang Estong
Ang Dasalan ni Belen
| Isang Libo't Isang
Halik
| May Lihim ang
Bahay-bahayan | Mayo
at Disyembre | Si
Mang Estong | Subyang sa Puso