Ang Dasalan ni Belen
| Isang Libo't Isang
Halik
| May Lihim ang
Bahay-bahayan | Mayo
at Disyembre | Si
Mang Estong | Subyang sa Puso
SUBYANG SA PUSO
NASA
underground
si Fidel ng
Baron Court.
Labasan ng mga tao mula sa kanilang pinapasukan.
Rush hour.
Dumating ang tren sa himpilan at bumukas ang pinto.
Mabilis na pumasok sa sasakyan ang binata at ang iba pang mga taong
nag-aabang. Sa isang bakanteng upuan, naupo siya.
Sa tabi niya, may isang magandang dalagang sa wari niya’y
Filipina. Nagkatinginan sila.
“Pinay ka?”
“Oo, Kuya.”
“Ako si Fidel. Matagal ka na ba sa
London?”
“Kailan lang. Si Elena ako.”
“Sa’n ka bababa?”
“Sa istasyon ng
Kings
Cross. Ikaw?”
“Do’n din ako e…sabay na tayo sa
paglabas.”
“Sige.”
Nagsimulang tumakbo ang tren. Dahil sa magkababayan,
nagkumustahan at nag-usap sila.
Nagkapalagayang-loob. Magaan ang damdamin sa isa’t
isa. Hindi nagtagal, tumigil ang tren sa kanilang destinasyon.
Nagkakagulo at nagtatakbuhan ang mga tao nang umibis sina Fidel at
Elena sa tren. Nasa himpilan na sila ng Kings
Cross. Nagsisigawan ang mga tao.
“Fire!
Fire! There is a fire in this station!”
Tumutunog nang tuluy-tuloy ang
fire
alarm. Napahawak si Elena sa kaliwang braso ni
Fidel. “May sunog, Kuya.”
“H’wag kang matakot, hindi kita
pababayaan,” sabi ni Fidel.
Sinundan nila ang pulutong ng mga taong tumatakbong papaakyat sa
huminto na sa pag-andar na iskaleytor. Hindi bumibitiw si
Elena sa pagkakahawak sa binata. Takot na takot siya.
Nang araw na iyon, galing ang binata sa gusali ng negosyong
ipinababahala sa kanya ng ama sa London, isang
import-export enterprise,
samantalang ang dalaga’y buhat sa tanggapan ng
Tagpuang-Pilpino. Si Elena’y sangkot at aktibo sa
mga organisasyong kinabibilangan ng mga kababayan.
“Kuya, nagliliyab ang paligid. Baka mapahamak
tayo!”
“Bilis ang takbo….”
“Magdasal tayo, Kuya.”
“Wala nang panahon! Magmadali
ka…”
“Tumawag tayo sa Diyos!”
“Oo.”
Nang makarating ang dalawa sa may pintuan ng
underground,
naglalagablab na ito. Marami ang hindi makalabas.
May nakaabang na mga sasakyang ambulansiya sa harapan. May
mga sasakyan din ng pamatay-sunog at mga bumberong nagsisikap na
mapuksa ang apoy. Nguni’t mataas at
malawak na ang natutupok.
“Halika, lalabas tayo…tatakbo tayo nang
mabilis!”
“Hindi ko kaya…takot ako. Baka
mabagsakan tayo ng nagliliyab na mga kahoy at
haligi.” Biglang nawalan ng malay si
Elena. Nasalo ni Fidel ang dalaga bago natumba.
Pinasan niya ito. Wala siyang sinayang na sandali.
Sa tulong ng mga bumbero, mabilis niyang natakbo at nabagtas ang
nagliliyab na pintuan. Nakalabas sa nasusunog na
gusali si Fidel na pasan-pasan si Elena.
Dumalo sa dalawa ang
ambulance
men at inalalayang patungo sa nakahimpil na
ambulansiya. Ilululan na sana si Elena na kasama si
Fidel, nang magising ang dalaga. Mumukat-mukat ito at
sinabing maayos daw lamang siya. Lumapit ang
ambulance nurse,
pinulsuhan at tiningnan ang
blood
pressure ni Elena. Mabuti raw naman ang kalagayan ng
dalaga at hindi na kailangan pang dalhin sa ospital.
“Ihahatid na kita sa inyo.”
“H’wag na, Kuya…h’wag ka nang
mag-abala. Mabuti na naman ang pakiramdam ko.”
Hindi na nagpilit si Fidel sa paghahatid sa dalaga. Bago sila
naghiwalay ay isinulat ni Elena sa kapirasong papel ang
kanyang
address
at telepono. Iniabot iyon sa binata.
“Kung may panahon ka sa Sabado, puntahan mo na lang ako sa
address na
‘yan.”
“Sige, darating ako”
“Thank you for
everything...See you.”
Kinagabihan, hindi dalawin ng antok si Fidel. Laman ng
kanyang gunita si Elena. Naaalaala niya ang kanilang mga
pag-uusap at ang karanasang muntik na nilang ikapahamak.
Hindi makatkat sa isip niya ang kagandahan ng dalaga.
SABADO ng hapon. Gumayak si Fidel at lumulan sa kotseng BMW
na katatapos lamang niyang kunin sa garahe sa malapit na
Motor Repair Shop.
Minaneho niya ang sasakyang patungo sa
address na ibinigay
sa kanya ni Elena. Hindi gaanong kalayuan ang tirahan nito
kina Fidel, kalahating oras lamang na pagmamaneho.
Pinindot niya ang buton ng
door bell ng isang
magarang tahanan. Bumukas ang pinto.
“Magandang hapon po.”
“Magandang hapon naman.”
“Ako po si Fidel. Inaasahan po ako ni
Elena.”
“Tuloy ka, Fidel, alam naming darating
ka.” Isinama ang binata ng may-edad nang madre sa
loob ng bahay. Pinaupo siya sa sopang nasa salas.
“Siyanga pala, ako si Sister Manuela, ang pinakamatanda sa
mga madreng nakatira sa tahanang ito.”
Napansin ni Fidel na nakaabito ang kausap niya. “Si
Elena po?”
“Sandali lamang at tatawagin ko siya.”
Parang binagsakan ng bomba ang dibdib ni Fidel nang lumabas si
Elena. Nakasuot ito ng abito at may belo na nakalabas lamang
ang mukha. Isa pala siyang madre, naisaloob ni
Fidel.
“Salamat at dumating ka, Kuya Fidel.”
Itinuro ang iba pang kasamang madre sa binata.
“Sila ang mga kasama ko rito.”
Isa-isang nagsilapit ang mga madre sa binata, kinamayan ito, at
nagpasalamat sa ginawang pagliligtas kay Elena sa sunog sa
Kings Cross underground. Kapagkuwa’y
umalis na ang mga madre. Naiwan ang binata at si Elena.
“Isa ka palang madre.”
“Oo, kuya.”
“Hindi mo pala ako dapat na tawaging Kuya. Dapat,
ikaw ang tawagin ko ng
Sister
Elena.”
“Bayaan mo na lang na Kuya ang itawag ko sa ‘yo,
nakasanayan ko na e, p’wede ba?” wika ng
madre. “Ang tunay ko nga palang pangalan ay Maria
Elena…
Sister
Maria Elena …pero tawagin mo na lamang ako ng Elena,
okay?”
“Sige. Pero bakit hindi mo nabanggit sa akin nang
nasa tren tayo na madre ka pala…saka bakit hindi ka nakasuot
ng abito at belo noon?”
Ipinaliwanag ni Elena na kabilang siya sa
Active na pangkat
ng mga madre at pinapayagang walang belo at abito kung
nasasa-labas. Sa loob daw ng kumbento at sa tirahan nila
nagbibihis siya ng kasuotang pang-madre. Ipinadala raw siya
ng nakatataas sa
Filipino
Chaplaincy sa London upang sumangkot sa mga organisasyon
at tumulong sa mga kababayan. Sinasadya raw niyang hindi
mag-abito at magbelo kung kahalubilo ng kapuwa Filipino sa labas upang
ang mga ito’y hindi mangimi o mangilag sa pakikisalamuha sa
kanya. Bago pumasok sa pagmamadre, nakapagtapos daw
siya ng karera sa Pilipinas at isa siyang propesora na nagtuturo sa La
Salle University bago isinugo sa ibayong-dagat.
“
Active
ba ‘ka mo ang tawag sa grupo ng madreng kinabibilangan
mo?”
“Oo, Kuya Fidel.”
“E, ‘yong mga madreng lagi sa loob ng kumbento at
di lumalabas?”
“Sila ang tinatawag na
Contemplative
Sisters…sadyang nakatalaga sila sa tahimik at
taimtim na pananalangin lamang.”
Nagsalaysay din si Fidel ng mga bagay tungkol sa kanya.
Sinabi niyang dito sa London siya pinapag-aral ng mga
magulang. Nagtapos siya sa Oxford University. Isa
siyang kuwalipikadong
Accountant
at nagdalubhasa sa
Economics.
Pinamamahalaan niya sa kasalukuyan ang negosyong ipinundar ng
kanyang mga magulang, isang
import-export
enterprise.
“Mayaman ka pala, Kuya Fidel. Kung nanaisin
mo’y makatutulong ka nang malaki sa ating mga kababayan sa
bansang ito. Maaari kang umanib sa mga organisasyon ng mga
kababayan natin.”
“Masyadong
busy
ako. Saka bakit ako makikilahok sa mga organisasyon
dito? Alam mo bang ang karamihan sa mga samahang
‘yan ay pinamumunuan ng mga taong walang inaatupag kundi
sariling kapakanan? Marami rito’y may pilosopiya,
na ang buhay raw e kanya-kanyang pakikipagsapalaran…walang
pakialaman.
This
is a free country. Kanyang buntot -
kanyang hila; kanyang lutas - kanyang problema.”
“Kuya, hindi ganyan ang buhay na gusto ng Diyos para sa
atin. Nais niyang mahalin natin ang ating kapuwa nang tulad
sa pagmamahal natin sa ating sarili.”
Nagsikap si Elena na kumbinsihin ang binata sa makatao at maka-Diyos na
paraan ng pamumuhay. Sinabi niyang naririto siya sa London
upang ipalaganap sa mga kababayan ang pagtutulungan, pagdadamayan at
pagmamahalan. Na kung isasa-puso ito ay magkakaroon ng
makatuturang pananaw ang mga tao sa kahalagahan ng pag-asa at
pananalig. Na ang mga tao’y nilikha ng Diyos hindi
para sa sarili lamang, manapa’y para sa isa’t
isa. Na tayo’y may pananagutang umibig sa Diyos na
lumalang sa atin at sa ating kapuwa.
Sa mahusay na paglalahad ng madre ng mga kaisipang iyon, nakatungong
tumahimik si Fidel. Ang mga katagang binibitiwan ni
Elena’y naglagos mandin sa pinakaliblib na lugar ng puso ng
binata.
“Kuya Fidel, para sa akin…at para sa Diyos, maaari
bang mag-ukol ka ng panahon sa ating mga kababayan, at maging bahagi ka
ng lipunang-Filipino sa bansang ito?”
May luhang gumilid sa mga mata ng binata. “Oo,
Elena…Oo…gagawin ko!”
Nagmamaneho nang pauwi si Fidel pagkagaling sa tirahan ng mga madre.
Isang
van
ng walang ingat na tsuper ang malakas na bumangga sa kanyang
kotse. Isinugod ang binata sa malapit na ospital.
Bagama’t hindi gaanong malubha ang pinsala, kinailangang
tumigil siya sa pagamutan ng ilang araw.
“May dalaw po kayo,” sabi ng
nurse.
“Mukhang marami po sila.”
“Patuluyin mo,” tugon ni Fidel.
Nangunguna si Elena, kasunod ang ilang kababayan.
“Kuya, mabuti’t hindi gaanong malubha ang pinsalang
natamo mo sa aksidente. Lagi kitang ipinagdarasal.”
“Maraming salamat.”
“Siyanga pala, Kuya Fidel,” tumingin sa mga kasama,
“sila ang mga pinuno ng ilang organisasyon ng mga kababayan
natin dito sa London.”
Kumamay na isa-isa sa binata ang mga bisita at iniabot ang ilang
mumunting regalong dala nila. Hangad daw nila ang madaling
paggaling ni Fidel.
Tumimo at nakabagbag sa puso ng binata ang pagdalaw ng mga
kababayan. Taimtim siyang nagpasalamat nang magpaalam ang mga
ito.
Makailang araw gumaling na si Fidel at lumabas na sa
pagamutan.
MULA noon, naglaan ng panahon si Fidel para sa mga kababayan.
Tuwing mga araw ng Sabado at Linggo, malimit na kasama siya ni Elenang
nakikisalamuha sa kapuwa Filipino. Ginawa siyang
tagapayo ng ilang samahan, at ito’y di niya
tinanggihan. Kung hindi gaanong abala sa opisina, hindi man
weekend, dumadalo
siya sa pagpupulong ng mga organisasyon.
Nguni’t ang malimit na pagsama-sama ni Fidel kay Elena ay
nagdulot sa puso ng masidhing pag-ibig sa kaibigan.
Maraming mga gabing hindi siya makatulog.
Umuukilkil sa kanya ang sinisikil na damdamin.
Subali’t papaano niya mabibiglang-laya at maipagtatapat ang
pag-ibig na iyon. Madre ang kaibigan niyang
minamahal. Ang panliligaw niya rito’y talos niyang
isang kalapastanganan. Sumisigaw ng pakundangan ang kanyang
budhi! A, hindi siya makapagtatapat…hindi siya
makapanliligaw…malaki ang paggalang niya sa kaibigan!
Di man nagsasabi’y batid ni Elenang hindi lamang siya
hinahangaan ni Fidel. Nararamdaman niyang may banyagang
damdaming iniuukol sa kanya ang binata. Maililihim ang
maraming bagay, datapwa’t ang pag-ibig ay di
maikukubli. Kung hindi man ang salita, ay
nagkakanulo ang mga sulyap at mga kilos ng isang nagmamahal.
Gusto na sana niyang iwasan ang binata, pagka’t sa damdamin
niya’y may moog na rin ng maka-taong pag-ibig na unti-unting
nalikha. Bagama’t isang madre, tao rin siyang may
pusong nasasaling…marunong humanga at umibig.
Nguni’t ang pag-iwas sa kaibiga’y alam niyang
makaaapekto sa ginagawa niyang paglilingkod sa mga kababayan, gayon din
sa nasimulan nang makabayang gawain ni Fidel. Nagpasiya
siyang huwag nang iwasan ang binata. Sisikilin na lamang niya
ang damdamin at pagbabawalan ang pusong umiibig.
LUMIPAS ang mga taon. Tapos na ang misyon ni Elena sa
London. May natanggap siyang kalatas ng kautusan mula sa
Madre Superyora. Idinidestino raw siya sa Roma, kung saan
naroroon ang Mahal na Papa. Doon niya ipagpapatuloy ang
paglilingkod sa Diyos.
Maraming Pilipinong naghatid kay Elena sa
London Heathrow Airport.
Maraming lumuluha…maraming nasasaktan…kabilang
doon si Fidel.
Mahigpit na yumakap si Elena sa kaibigang binata, umiiyak,
“Lagi kitang ipagdarasal, huwag kang makalilimot sa
Diyos!”
“Oo,” basag ang tinig ng binata. “Asahan
mong ipagdarasal din kita.”
Nakangiti, nguni’t lumuluha, habang papalayong
kumakaway kay Fidel si Sister Maria Elena, ang madreng nagmulat sa
kanya sa katotohanan ng buhay at natutuhan niyang ibigin nang lihim!
–
Mga
katha ni Bheng Arellano na matatagpuan sa sayt na ito
Tula: Lihim | Sa Harap ng Puntod | May Paninindigang Di Maaapula
Balagtasan: Dagdag na taon
sa Haiskul
Sanaysay: Budhing
Inaanay | Bakit Kailangang Dagdagan ng Isa Pang Taon ang Haiskul sa Filipinas
Maikling Kuwento: Subyang sa Puso
Ang
Dasalan ni Belen | Isang Libo't Isang
Halik | May Lihim ang
Bahay-bahayan | Mayo at Disyembre | Si Mang Estong
| Subyang
sa Puso