SALTIK-PANITIK:
BUDHING INAANAY
MAPAPANSING nagsisimula ang kapalaluan ng tao sa maagang bahagi ng buhay. Kasama marahil sa kalikasan ng tao ang pagkapalalo. Nagpapamalas ng pagmamataas ang isang batang sutil o matigas ang ulo. Kapag ang bata’y nag-aalboroto, naglulupagi, o nagpapagulong-gulong sa sahig — at sinamo ng nakatatanda — tinutulutan siyang magbuo sa pagkatao ng kapalaluan. Makabubuting kung nasa ganitong sitwasyon ang bata, ay iwang mag-isa. Sa malao’t madali’y matutoto siya ng leksiyon—nababawasan ng di pagpansin ang pagmamataas, hindi man lubusang maiwaglit sa pagkatao ng isang paslit.
May mga katangiang hindi maikukubli ang kapalaluan. Hindi makapagpatawad sa kapuwa ang isang taong palalo. Tulad ni Hudas Iscariote na di natutong umamot ng tawad kay Hesus matapos na maipagkanulo, ang isang palalo’y hindi rin marunong humingi ng tawad. Sa lahat ng pagkakataon ng paligsahan, gusto niyang siya ang laging manalo — kung hindi’y tila ikapupugto yaon ng kanyang hininga. Wala siyang pitagan at hindi siya marunong magpasalamat. Bakit nga naman siya magpapasalamat? Sa isip niya’y importante siya, kaya dapat na paglingkuran nang libre ng sinuman. Kung may mabalitaan siyang ginawang mabuti o mahusay ang kapuwa, hindi siya makapayag at pipintasan niya yaon. Sasabihin sa harap ng marami na “walang kuwenta...kayang gawin iyon ng kahi’t sino...higit na mahusay ang magagawa ko.” May mga ekspresyong hindi magamit-gamit ng isang taong palalo, tulad ng “ikinalulungkot ko,” o “ako ang may pagkakamali” o kaya’y “binabati kita!”
Bumibintog na parang lobong puno ng hangin ang ulo ng taong mapagmataas. Kapag sinundot ito ng matulis na bagay ay biglang sasabog sa pagkapahiya at titilapon sa kawalan. Kung minsan, nagkukunwang aba ang isang palalo, nagsasalita siya ng laban sa kanyang sarili. May paraan upang hindi magtagumpay ang kanyang panlilinlang at pagkukunwari. Kapag sinabi niyang “hamak lamang ako, wala akong kuwenta...” agad sumang-ayon at malakas na itugong “totoo ang sinabi mo!” Bantayan kung ano ang mangyayari: malamang na siya’y mag-istabarangka!
Kapalaluan ang sanhi ng pagbagsak ng unang magulang nating si Adan at ng kaaway nating si Lucifer. Kapuwa sila naghangad na mapantayan o malaluan pa ang kapangyarihan ng Diyos. Kapalaluan din ang ginawang panunukso ni satanas sa Panginoon na lumundag mula sa templo, at pagkatapos ay iligtas ang sarili upang tumanyag at maging usap-usapan ng buong bayan (Lk 4:11).
Marami ang nagpapalagay na ang kapalaluan ay kasalanan lamang ng masasamang tao. Hindi tunay ang sapantahang yaon, nakikita rin sa mabubuting tao ang kapalaluan. Magugunita ang kuwento sa Ebanghelyo tungkol sa isang nananalanging Pariseo. Habang dumadalangin, sinasabi niya sa Diyos ang mabubuting bagay na ginagawa niya. Totoong ginawa nga niya ang mga iyon, kaya maituturing na mabuti siyang tao. Nguni’t ang mabubuti niyang ginawa ay laging iniisip...ipinangangalandakan...at ipinagmamalaki — at iyon ang nakasira (hindi naging kasiya-siya sa Panginoon) may ginawa man siyang kabutihan (Lk 18:9-14).
Animo’y bokbok na kumakain mula sa ilalim ng nakatumpok na galapong o bigas ang kapalaluan. Parang anay rin itong sumisira sa kahoy na haligi, batangan, at iba pang kagamitang nasa isang tiwasay at payapang tahanan, danga’t di nito makayang ngatngatin ang mga kongretong sangkap. Gayunpama’y dapat tayong maingat — iwasan at layuan ang nagngising kapalaluan na nagtatago sa pusong binubokbok at nagkukubli sa budhing inaanay. Nakapangingilabot at mapanganib na sumalamuha sa naglipanang multo ng pagmamataas, kahi’t isipin pang ang nagpapakataas ay ibinababa at ang nagpapakababa ay itinataas.
Tulad din ng lisyang pagmamahal sa salapi ang demonyong kapalaluan! — ugat ng sangkabuntong kasalanan. –
[ balik
sa itaas ]
Mga
katha ni Bheng Arellano na matatagpuan sa sayt na ito
Tula: Lihim | Sa Harap ng Puntod
Balagtasan: Dagdag na taon sa Haiskul
Sanaysay: Budhing Inaanay | Bakit Kailangang Dagdagan ng Isa Pang Taon ang Haiskul sa Filipinas
Maikling Kuwento: Subyang sa Puso
Tula: Lihim | Sa Harap ng Puntod
Balagtasan: Dagdag na taon sa Haiskul
Sanaysay: Budhing Inaanay | Bakit Kailangang Dagdagan ng Isa Pang Taon ang Haiskul sa Filipinas
Maikling Kuwento: Subyang sa Puso







