SALTIK-PANITIK:
BAKIT KAILANGANG DAGDAGAN
NG ISA PANG TAON ANG HAISKUL SA FILIPINAS?
LUBHA pang kailangan ang dagdag na oras na ginugugol sa mga mag-aaral sa loob ng silid-aralan, sa kabila ng makabagong pamamaraan ng pagtuturo, makabagong teknolohiya na nakatutulong pag-aaral tulad ng calculator, computer, at matataas na uring visual aids.
Kaalinsabay ng mga pagsulong na ito ang pagdami ng masasalimoot na usaping panlipunan – pagbaba ng moralidad, kawalang-muwang ng mga bata – o nagbibinata o nagdadalaga – sa kahalagahan ng pananagutan sa pagpapamilya.
Kailangan pa bang isali ang mga ito? Maikakatuwiran ng ng iba – Oo, lubhang kailangan! Panuntunan ang kasabihang “Kung walang itinanim, ay walang aanihin.” Ang mga kabataan ay wangis ng basal na lupang tinigang ng panahon ng pagwawalang-bahala – ipinauubaya sa mga magulang ang paghubog sa mga ito. Alaming ang mga paaralan ay may malaking bahagi sa nabubulok at umaalimbukay na baho ng kapabayaan.
Paaralan ang palihang humuhubog sa kabataan, at sa palihang ito’y kailangang mahubog sila nang lubusan. Tunay na kailangan ang dagdag na panahon sa pagmomolde ng gawi, ugali at kaisipan ng mga mag-aaral sa mataas na paaralan.
Ang pagtalakay at pagpapaunawa sa pagpapakatao (humanities), at sa pakikipamuhay sa komunidad (community life) ay totoong balisawsaw sa kasalukuyang hugis at anyo ng pagtuturo. Panahon at panahon pa ang kailangan upang ito’y mabigyang-diin sa kasalukuyang kurikulum ng haiskul.
Kung daragdagan ng isa pang taon ang kasalukuyang apat na taon sa haiskul, maitatanong – papaano naman ang gastos ng mga magulang, lalo na ng mga dukha? Ibabalik ko naman ang tanong – ano ang gusto nila? – gagastos din lamang ay hangad ba nilang matawag na “half-baked graduates” ang mga nagsipagtapos ng mataas na paaralan? Di ba marami sa mga tapos ngayon ng haiskul ay hindi makapagsalita ng tuwid na Ingles? Di ba nakahihiyang pakinggan ang “malasadong Ingles” sa isang hayag na “high school graduate?” Ano ang lunas na maaaring maimungkahi: bukod sa mahusay na paraan pagtuturo, kailangang-kailangan ang dagdag na panahon.
Kaagapay ng pagkatuto ng matatas na pag-e-Ingles ang pagkamulat ng mga mata ng mga mag-aaral sa ganap na pag-aaral at pagmamahal sa sariling wika. Kung wika ang pundasyon ng pagkamakabayan, ano ang mahihintay natin sa mga kabataan? Di ba’t sa nasyonalismo nakasalalay ang buhay, pag-asa at kinabukasan ng isang bansa?
Dapat ngang dagdagan pa ng isang taon ang haiskul sa Filipinas upang mapagtakpan ang mahahabang bakasyon – national holidays, at religious related holidays. Kailangan ding mabawi ang panahon ng nawawalang oras dahil sa nakahihindik na kalamidad – bagyo, baha, landslide, lindol at pagsabog ng bulkan. Ang pagpasok ng nakapangangambang sakit sa bansa tulad ng “Swine Virus” ay abala rin sa pag-aaral ng mga bata. Ang pagpipinid ng paaralan sa ganitong mga pagkakataon ay malulukuban ng iminumungkahing dagdag na panahon sa mataas na paaralan.
Katigan natin ang pagpaplanong dagdagan ng isa pang taon ang apat na taong pagpupunyagi sa haiskul, alang-alang sa paglinang ng ikasusulong at ikatataas ng kalidad ng edukasyon sa Filipinas – ang edukasyong napakahalaga – ang edukasyong tinitingala at dinadakila saan mang panig ng mundo. –
[ balik
sa itaas ]
Mga
katha ni Bheng Arellano na matatagpuan sa sayt na ito
Tula: Lihim | Sa Harap ng Puntod
Balagtasan: Dagdag na taon sa Haiskul
Sanaysay: Budhing Inaanay | Bakit Kailangang Dagdagan ng Isa Pang Taon ang Haiskul sa Filipinas
Maikling Kuwento: Subyang sa Puso
Tula: Lihim | Sa Harap ng Puntod
Balagtasan: Dagdag na taon sa Haiskul
Sanaysay: Budhing Inaanay | Bakit Kailangang Dagdagan ng Isa Pang Taon ang Haiskul sa Filipinas
Maikling Kuwento: Subyang sa Puso







