SALTIK-PANITIK:
ISANG BAGAY ANG TIYAK
Sa isang katulad ko na naghahanapbuhay sa ibang bansa, maihahambing sa matinding pagkauhaw sa gitna ng tuyot na disyerto ang sa tuwi-tuwina'y nadaramang pananabik na makauwi sa Pilipinas at makapiling ang mga mahal sa buhay kahit sa maigsing panahon.
At bagama't mas mabilis na ngayon ang komunikasyon sa maraming panig ng daigdig – salamat sa biyayang dulot ng makabagong teknolohiya gaya ng email at internet – hindi pa rin maiwaksi sa isipan ng isang OFW ang pangamba hinggil sa kung nasa mabuti ba at ligtas na kalagayan ang kanyang pamilya sa kabilang panig ng dalampasigan.
Ito ay bunga na rin ng pag-abuso ng ilang kapwa-Filipino, lalo na yaong nasa media (pangunahin na ang telebisyon, peryodiko at radyo) na parang naging obsesyon na ang paghalukay sa mga kabulukang nagaganap sa bansa para ipangalantaran sa madla. Patayan dito, nakawan doon, korapsyon sa kung saan-saang ahensya ng pamahalaan, patuloy na pagtaas na insidente ng H1N1 virus, at ibang nakaliligalig kung di man nakagigimbal na balita.
Kung ang sinasabi ng media ang paniniwalaan ay talagang napakasama na ng sitwasyon sa Pilipinas at mabibilang marahil sa daliri ang maituturing na marangal at matapat na Filipino, lalo na sa mga naninilbihan sa gobyerno. Tila ba wala nang tinatanaw na pag-asa ang bansa.
Ganyan ang paniniwala ko hanggang makapagbakasyon ako noong kalagitnaan ng Mayo nang taong ito.
Nakapasyal ako sa iba't ibang pook ng sinilingan at kinalakihan kong nayon, ang Barangay De la Paz, na napakalaki na pala ng ipinagbago mula nang huli akong umuwi.
Hindi ko maiwasan ang hindi makadama ng pagmamalaki at malaking katuwaan nang makita ko pa lamang ang barangay hall ng De la Paz. Opisinang-opisina ang dating at di parang tambayan lamang ng mga tanod at kung sinu-sino pang nais magpalipas-oras. Kompyuter na ang gamit sa pag-iisyu ng barangay clearance at pagpoproseso ng iba pang dokumentong sinasadya ng mga ka-barangay. Mayroon pang munting aklatan at ilang yunit ng kompyuter para sa mga nais magbasa at magreserts sa internet.
Sinamahan ako nina Barangay Chairman Christopher "Toppe" Alba at Administrator Rodolfo "Jun" Pulmano sa tabing dagat, at doon ay nasaksihan ko mismo ang mga proyektong pagkabuhayan at pampalakasan, at hinangaan ko ang bagong pagbibihis ng aking mahal na nayon tungo sa pagbabago at kaunlaran.
Kulang ang panahon ko para mapuntahan lahat ang nais kong pasyalan, at kapos rin ang espasyo rito para maipahayag ko ang malaking kasiyahan at pagmamalaking namamayani sa aking puso, una – bilang Filipino, at pangalawa – bilang mamamayan ng Barangay De la Paz.
Isang bagay ang tiyak ko. Hindi lahat ng naglilingkod sa pamahalaan ay korap at walang pakialam sa ikabubuti ng pamayanan, at hindi lahat ng ibinabalitang kasamaan sa media ay naglalarawan ng tunay na kalagayan ng ating Inang Bayan. –







